Pages

Friday, January 20, 2012

EDITORYAL: 32 ngayong 2012




Hindi biro ang paglalathala ng isang pahayagan, lingguhan man ito o araw-araw, hindi lahat ng pahayagan ay nailalathala ng walang patid at tumatagal ng isang taon o higit pa.  Ang ilan ay ilang linggo o buwan lamang ang itinatagal.

Dahil sa kalagayang ito, lubos ang aming pasasalamat sa Diyos na Makapangyarihan sa lahat sa patuloy na biyaya sa loob ng 32-taon; gayundin sa aming mga suking mambabasa na bawat linggo ay patuloy na sumusubaybay sa bawat sipi ng Mabuhay.

Siyempre, hindi rin namin maitatanggi ang kontribusyon ng mga tao sa likod ng pahina ng Mabuhay na kahit madaling araw na ay naghahabol ng balita at paulit-ulit na sinusuri ang bawat artikulo upang matiyak na walang mali.  Kasama rin diyan ang mga namamahala sa imprenta at sa distribusyon.

Kinikilala rin namin ang ang suporta ng mga advertisers sa Mabuhay na  patuloy  na nagtitiwala; gayundin sa mga kritiko na ang mga pintas ay nagsusulong sa aming upang higit na pag-ibayuhin ang mataas na antas ng pamamahayag.

Sa inyo pong lahat, maraming, maraming salamat po!

Ngunit ang aming pasasalamat ay hindi mananatiling salita lamang.  Ito ay patuloy naming tutumbasan ng mataas na antas ng pamamahayag kung saan ay nakahanda kaming isatinig ang karaingan ng mamamayang Bulakenyo.

Magpapatuloy din kami sa pagsalangsang at pagtawag ng pansin ng mga lingkod bayan hindi lamang upang higit mapataas ang antas ng paglilingkod sa mamamayaan, sa halip ay mabigyang kahulugan ang kanilang sinumpaang pangako sa pagsisimula ng kanilang paglilingkod.

Ngunit hindi rin namin kalilimutan ang paghahatid ng magagandang balita maghahatid ng dagdag na inspirasyon sa dakilang liping Bulakenyo na nagluwal sa magigiting na bayani ng bayan.

Bilang pagkilala naman sa patuloy na pagsulong ng teknolohiya hatid ng di mapigil na daloy ng panahon, tinitiyak ng Mabuhay na bukod sa lingguhang sipi na inyong nababasa ay maglalathala rin kami ng mga balita sa aming pinauunlad na website (www.mabuhayonline.blogspot.com) at Facebook.com account (www.facebook.com/mabuhaynews).

Ito ay upang ang bawat Bulakenyo, nasa lalawigan man o nasa ibayong dagat, ay patuloy na marating ng balita hinggil sa mga kaganapan mula sa kanilang sinilangang bayan.

Muli, maraming salamat po.  Mabuhay tayong lahat!

No comments:

Post a Comment