Pages

Tuesday, January 24, 2012

HAMON NI BINAY: Sa Ombudsman kayo kumuha ng SALN



MALOLOS—Hinamon ni Bise Presidente Jejomar Binay ang mga mamamahayag na magtungo sa Ombudsman upang makakuha ng kopya ng sipi ng  Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN)  ang matataas na opisyal ng pamahalaan.

 Kaugnay nito, sinabi ni Malou Mangahas, pinunong tagapagpaganap ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) sa isang panayam sa telepono ng Mabuhay noong Lunes, Enero 23 na pinagkalooban na sila ni Binay ng sipi ng SALN nito.

Ang kontrobersya hinggil sa SALN ay nag-ugat sa impeachment laban kay Punong Mahistrado Renato Corona kung saan isa sa walong artikulo ng impeachment na na isinampa laban sa kanya ay ang hindi paglalabas ng sipi nito.

Ang pagsusumite at paglalahad ng aktuwal na nilalaman ng SALN ay itinatadhana ng Republic Act No. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials.

 “The issue here is kung nag-file na kami o hindi,” ani Binay sa panayam ng Mabuhay matapos ang pagdiriwang ng ika-113 guning taon ng pagpapasinaya sa Unang Republika ng Pilipinas.

Bilang ikalawang pinakamakataas na halal na opisyal, sinabi ni Binay na nagsumite siya ng kanyang SALN sa tanggapan ng Ombudsman bilang pagtalima sa probisyon ng RA 6713.

“Kung gusto ninyo ng kopya, magpunta kayo sa Office (Ombusdman), hindi naman naming sinasabing huwag ilabas yan, di katulad sa Supreme Court,”aniya.

Una rito, iniulat ng PCIJ sa kabila ng sunod-sunod nilang liham kahilingan, hindi sila pinagkalooban ng sipi ng SALN ng matataas na opisyal sa bansa partikular na ng mga nanunungkulan sa Korte Suprema, Ombudsman, at Kongreso.

Sa nasabing ulat na inilabas ng PCIJ noong unang bahagi ng Enero, binanggit nila ang pahayag ni Director Roberto Maling  ng Secretary General’s Office ng Kongreso na hindi makapagbigay ng sipi ang Records Management Service dahil sa mahabang proseso.

In a telephone interview yesterday, PCIJ’s Executive Director Mangahas said that Binay’s office has already provided them a copy of his SALN as early as last week.

Sa panayam ng Mabuhay kay Mangahas sa telepono noong Lunes ng tanghali, Enero 23, sinabi na hindi naging madali ang kanilang isinagawang pagsisiyasat sa SALN ng mga opisyal.

 “Noong una, medyo mahirap pero nakuha rin sa tiyaga,” ani Mangahas.

Inihalimbawa niya ang sipi SALN ni Binay na noon lamang nakaraang linggo naipagkaloob sa kanila.

“Sa wakas naibigay din, pero natagalan talaga,” ani Mangahas ay iginiit pa na batay sa itinatakda ng batas, dapat ay ipinagkaloob ang sipi sa loob ng 15 araw matapos magsumite ng liham kahilingan ang PCIJ sa mga tanggapan ng pamahalaan.

Ayon kay Mangahas, si Binay ay isa lamang sa mga unang opisyal ng pamahalaan na nagbigay ng sipi ng SALN.

Kaugnay nito, iginiit ni Binay na ang pagbibigay ng sipi at paglalahad ng nilalaman ng SALN ay depende sa opisyal.

Samantala, iginiit ng ilang abogado sa lalawigan upang mapabilis ang pagtukoy sa nilalamanng SALN ni Corona, dapat munang iwan ng punong mahistrado ang Korte Suprema.

“Dapat munang mag-leave of absence siya,” ani ng isang sa mga abogadong tumangging ipabanggit ang pagkakakilanlan dahil sa may nakabinbin siyang petisyon sa Korte Superma.

Inihalimbawa niya ang utos ni Senator Juan Ponce Enrile kay Enriqueta Vidal, ang clerk of court ng Korte Suprema nailabas ang SALN ni Corona.

Ngunit idinahilan ni Vidal na hindi niya maaring basta ilabas ang SALN ni Corona kung walang utos ito sa kanya.

“Exactly my point,”ani pa ng isang abogado na tumanngi ring ipabanggit ang pangalan.

Dagdag pa niya, “Vidal has to follow her boss; and her boss is the Chief Justice who has not taken a leave of absence.” (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment