Pages

Monday, January 30, 2012

Norzagaray naghihintay ng pag-endorso ng SP, 2 pang bayan kwalipikadong maging lungsod


NORZAGARAY, Bulacan—Umaasa ang pamunuan ng bayang ito sa pormal na pag-endorso ng Sangguniang Panglalawigan ng Bulacan upang maging isang lungsod.

Ito ay halos isang taon na ang nakalipas matapos i-endorso ng League of Cities of the Philippines (LCP) ang bayang ito kasama ang mga bayan ng Marilao at Sta. Maria.

Ayon sa LCP, ang mga nasabing bayan ay pasado sa mga kwalipikasyon upang maging mga component cities.

Batay sa inamyendahang Local Government Code, tatlo ang requirement upang maging isang lungsod ang isang bayan, ngunit dalawa lamang sa tatlong requirement ang kailangang matupad.

Ang mga requirement para sa pagiging lungsod ay pagkakaroon nito ng P100-Milyon pondo bawat taon; populasyong di bababa sa 150,000 at sukat na di bababa sa 100 kilometro kuwadrado.

Ayon kay Mayor Feliciano Legazpi ng bayang ito, natupad na nila ang tatlong requirement para maisulong ang pagiging lungsod ng Norzagaray.

Ngunit, hindi pa sila nabibigyan ng pormal na endorsement ng SP.

“Noong January 19, nag-lobby kami sa sangguniang panglalawigan bilang follow-up sa kahilingan naming endorsement,” ani Legazpi. Iginiit niya na ang kanilang kahilingan para sa endorsement ay inihain nila sa SP noong nakaraang Abril pa.

Ayon kay Legazpi, ipinagtataka nilang kung bakit halos isang taon na ang nakalipas ngunit hindi pa naisasalang sa SP upang pag-usapan ang kanilang kahilingan.

Sinabi naman ni Konsehal Arthur Legazpi na nagpahayag na sa kanila ng pagsang-ayon si Vice Governor Daniel Fernando.

“Verbal yung pagsang-ayon niya, kailangan naming ay formal endorsement,” ani ng konsehal.

Iginiit pa niya na may tatlong taon nang naisalang sa Kongreso ang panukalang maging isang lungsod ng bayang ito, matapos iyong isumite ni dating Kinatawan Lorna Silverio ng Ikatlong Distrito ng Bulacan na ngayon ay alkalde ng San Rafael.

Noong nakaraang Abril, inendorso na rin ng LCP ang Norzagaray kasama ang Marilao at Sta. Maria upang maging mga lungsod.

Ngunit bago muling maisumite sa Kongreso ang panukalang batas para sa kumbersiyon sa isang lungsod ng mga nasabing bayan, kailangan nito ng pagendorso mula sa SP.

No comments:

Post a Comment