Pages

Thursday, February 23, 2012

Mayor Tiongson planong kasuhan ni Kap. Bong Alvarez


LUNGSOD NG MALOLOS – Nagbabala ang kapitan ng barangay na nakaligtas sa pamamaslangna sasampahan niya ng kaso si Mayor Roderick Tiongson ng San Miguel.

Agad namang itinanggi ni Tiongson ang pagdadawit sa kanya sa tangkang pamamaslang kay Kapitan John Alvarez ng Barangay Sta,. Ines sa nasabing bayan.

Ang pagtatangka sa buhay ni Alvarez noong Pebrero 6 ay naging sanhi ng pagkamatay ng kanyang dalawang kasama na sina Roelito Vidal at Josefino Alvarez.

Kaugnay nito, tatlong pulis kabilang ang isang close in bodyguard ni Tiongson ang kinasuhan kasama ang dalawa pa.

“Pinag-aaralan na ng abogado ko ang kaso at plano namin ay kasuhan narin si Mayor Tiongson,” ani Alvarez.

Si Tiongson ay nadawit sa kaso batay sa affidavit ni Alvarez at ng isa sa sumukong suspek na si PO3 Antonino Timoteo.

Sa mga nasabing affidavit, natukoy si SPO2 Angelito Vera Cruz Liwag bilang isa sa mga gunmen.  Tinukoy din si Liwag bilang isa sa mga close in bodyguard ng alkalde.

Ayon kay Alvarez ang pagtatangka sa kanyang buhay ay may motibong pulitika, dahil noong Disyembre, siya ay pormal na nagpahayag ng intension na kumandidato bilang alkalde sa 2013.

Nagpahayag din ng pagkadismaya si Alvarez kay Tiongson dahil sa mga aksyon nito kabilang ang alegasyong pagbibigay nito ng abogado kay Liwag.

“Ako ang binaril at napatay ang dalawang kasama ko, pero ni hindi siya (Tiongson) tumawag para alamin ang kalagayan ko. Sa halip ay yung kriminal ang tinutulungan niya,” ani Alvarez.

Itinanggi naman ni Tiongson na may kinalaman siya sa insidente, ngunit kinumpirma niya na apat na taon na niyang close in body guard si Liwag.

Sinabi rin niya na inaasahan na niya ang akusasyon ni Alvarez ng banggitin nito na pulitika ang motibo ng pamamaslang.

Ipinagtanggol din ng alkalde si Liwag ng sabihin niya na nasa ibang lugar ito ng maganap ang insidente.

Matatandaan na noong Pebrero 6, nakaligtas si Alvarez sa pamamaril ngunit napatay ang kanyang dalawang kasamahan na sina Vidal at Josefino.

Makalipas ang isang linggo, kinasuhan sina Liwag, Timoteo at PO1 Alex Dayao ng double murder at two counts of frustrated murder kasama ang isang “Sherwin” at isang “Jane Doe.”

Sa kabila nito, nagpalabas ng affidavit si Timoteo at tinukoy si Liwag at Dayao bilang mga gunmen. Idiniin din niya si Liwag bilang close in bodyguard ng alkalde.

No comments:

Post a Comment