Pages

Thursday, February 23, 2012

PROMDI: Very good country, bad government




Ang titulo ng pitak na ito sa linggong ito ay hango sa pahayag ni Abogado Edre Olalia, ang tagapagsalita ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL).

Sa huling panayam  ng Promdi kay Olalia, sinabi niya na kapag ang mga taga-gobyerno ang naglarawan sa Pilipinas, laging inilalarawan ang bansa bilang isang paraiso.

Sa isang bansa ay maganda nga at mala-paraiso ang Pilipinas kaya’t ang kampanya ngayon ng Department of Tourism (DOT) ay “its more fun in the Philippines.”

Ngunit bilang isang aktibistang abogado, sinabi ni Olalia na “The Philippines is a very good country, with a very bad government.”

Hindi sa inaayunan ng Promdi ang pahayag ni Olalia, ngunit hindi maitatangggi ang katotohanan.

Narito ang ilang halimbawa.

Sa bayan ng Hagonoy, araw-araw ay inirereklamo ng mamamayan ang mabagal na daloy ng trapiko.

Lalong higit kapag piyesta ng Brgy. Sto. Nino na katabi ng kabayanan.

Katulad sa mga nagdaang taon, animo’y mga kabuteng nagsulputan ang mga tindahan sa kahabaan ng kalsada ng Brgy. Sto. Nino kaugnay ng taunang piyesta.

Dahil dito, kinailangang isara ang nasabing kalsada sa mga sasakyang papasok sa kabayanan galing sa Malolos at Calumpit.

Ang mga sasakyan na papasok sa kabayanan ay sa Brgy. Sta. Monica pinadadaan.

Ngunit makipot ang kalsada sa nasabing barangay, bukod pa sa mga nakaparadang sasakyan sa kalsada.

Kung tutuusin ay sanay na ang mga residente ng Hagonoy sa ganitong sitwasyon.  Dalawang araw lang naman kasi ang piyesta.

Pero hindi sanay ang mga mamamayan sa kawalan ng mga paunang patalastas na nagpapahayag na isasara ang kalsada sa Sto. Nino sa araw ng piyesta.

Sabi ng mga residente, kung may paalala o babala man lamang mula sa pamahalaang bayan o barangay, makapagpaplano sila ng biyahe.

Ngunit katulad noong Setyembre kung kailan lumubog sa baha ang Hagonoy, kapos din sa babala para sa daloy ng trapiko ang pamahalaang bayan ng Hagonoy.

Masaya ang piyesta ng Sto. Nino sa Hagonoy. Ang totoo, dinarayo ito.

Ngunit sa hinaba-baha ng panahon, hanggang ngayon ay walang malinaw na direksyon ang gobyerno upang maibsan ang pagdurusa ng taumbayan sa mabagal na daloy ng trapiko.

Siyempre, hindi lamang ang punong barangay at punong bayan ang may responsibilidad sa kaayusan ng daloy ng trapiko.

Maging ang mga kasapi ng Sangguniang Bayan ng Hagonoy at Sangguniang Barangay ng Sto. Nino.  Nasaan kaya sila sa panahon ng piyesta?

Hindi rin ligtas ang pulisya ng Hagonoy.  Sila ang dapat magpatupad ng kaayusan sa mga lansangan.

Pero nasaan ang mga pulis?  Bakit puro  traffic enforcer ang nasa lansangan?

Sa lungsod ng Malolos, inirereklamo din ang mabagal na daloy ng trapiko sa kabila ng pagpapatupad ng coding scheme.

Pansinin ninyo ang sistema sa lansangan sa tapat ng Papers.

Naglagay ng pedestrian lane patawid mula sa gate ng Basilica Minore patungo sa Papers.

Pagtawid sa Papers, binakuran ng bakal ang kalahati ng kalsada upang doon dumaan ang mga pdestrian habang nagsasakay ang mga jeep na biyhang Karatig.

Okey na sana ang sistema, pero hinahayaan ng pamahalang lungsod ng Malolos ang sidewalk na mapuno ng mga vendors.

Kaya naman nagsisiksikan ang mga pedestrian, sidewalk vendors, at mga jeep Karatig sa maliit na espasyo sa pagitan ng bakod na bakod at sidewalk.

Ang mga kalagayang ito ay ilan lamang sa mga halimbawa ng masamang sistema ng pamamahala sa isang magandang bayan o lungsod sa nakabibighaning bansang Pilipinas.

Hindi na dapat tinatatalakay ito sa mga pahayagang kung matino ang ginagawang pagtupad ng mga namumunong opisyal ang kanilang trabaho.

1 comment:

  1. May nakita din akong article tungkol sa traffic sa bulacan. Tingin ko dapat i-seminar ang mga traffic enforcer sa Bulacan. Sibakin ang mga hepe nito at i-retrain ang mga enforcer. tulad ng mga enforcer sa bocaue. Lalo na sa Brgy. Lolomboy at Wakas. Mahaba na ang pila ng sasakyan sa Mac Arthur Hiway, mas inuuna pa nila ang mga sasakyan galing looban. Nakakapikon dumanaan sa mga baranggay na to. 4 na lane ang Mac Arthur Hiway. Maluwag ito kung tutuusin pero pagdating sa mga kanto ng Wakas at Lolomboy nagiging 2 lanes na lang. Konti strategy naman mga SIR. Gusto nyo yata umubos na naman ng milyones sa pagpapatayo ng flyover sa bocaue na hinde naman talaga kailangan. Sana lang makarating ito sa kinauukulan.

    ReplyDelete