Pages

Tuesday, February 7, 2012

PAYO NI ROBREDO: Di lang mahusay, dapat ay matapat at matino ang pamamahala



MALOLOS—Hindi lang mahusay, dapat ay matapat at matino ang pamamahala.

Ito ang payo ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo sa mga pamahalaang lokal ngayon, samantalang pinapurihan ang mga pamahalaang lokal sa Bulacan dahil sa paghahayag ng kanilang kabuuang pondo at kung paano ito ginugol.

Nagbabala naman ang kalihim na sasampahan nila ng kaso ang 162 pamahalaang lokal sa ibang bahagi ng bansa dahil sa hindi pagtupad ng mga ito noong nakaraang taon sa full disclosure policy na itinatakda ng General Appropriations Act (GAA).

Ayon kay Robredo, hindi na na puwede ang mahusay lamang sa pamamahala ang namumuno sa mga pamahalaang lokal.

“Ang kailangan natin ngayon ay mahusay, matapat at matinong tagapamuno,” ani Robredo sa mga dumalo sa isinagawang Talakayan Hinggil sa Mabuting Pamamamahala sa kapitolyo noong Huwebes, Pebrero 1.

Ang nasabing talakayan ay inorganisa ng pamahalaang panglalawigan, sa pakikipag-ugnayan ng Diyosesis ng Malolos na magdiriwang ng ika-50 taong pagkakatatag sa Marso.

Binigyang diin ng kalihim na kailangang magkakasama ang mga nabanggit na katangian dahil sa may mahusay sa pamamahala na hindi matino at matapat, at mayroon din matatapat ngunit hindi naman mahusay.

“Kahanga-hanga ang Bulacan, 100 percent and compliance ng mga pamahalaang lokal dito,” aniya.

Ayon kay Robredo, hindi lahat ng pamahalaang lokal na nasasakop ng isang lalawigan ay nakasunod na sa full disclosure policy ng pamahlaang pambansa.

“Kaya lahat ng LGU dito ay binigyan naming ng Seal of Good Housekeeping.  Hindi lahat ng probinsya ay ganyan,” aniya.

Matatandaan na sa huling bahagi ng 2011 ay tumanggap ng Seal of Good Housekeeping (SGH) mula sa Department of Interior of Local Government (DILG) ang pamahalaang panglalawigan ng Bulacan.

Ang SGH ay ipinagkaloob ng DILG sa mga pamahalaang panglalawigan, panglungsod at pambayan na tumupad sa full disclosure policy, at walang bahid ng anomalya batay sa ulat ng Commission on Audit (COA).

Kaugnay nito, nagbabala rin si Robreo na kakasuhan ng DILG ang 162 pamahalaang lokal sa bansa na hindi nakatugon sa full disclosure policy ng kanilang pondo sa nagdaang taon.

“Actually, nagpadala na kami ng show cause order kung bakit sila hindi nakatupad,” ani ng Kalihim.

Iginiit niya na ang susunod nilang hakbang ay ang pagsasama ng kaso.

Batay sat ala ng DILG, sa 1,713 pamahlaang lokal sa bansa ay 1,551 ang nakasunod sa full disclosure  policy, 162 lalawigan, lungsod at bayan.

Ang full disclosure policy ng GAA ay nagtatakda ng paglalathala ng kabuuang pondo ng mga pamahalaang lokal ay kung saan iyon ginugol.

Ang paghahayag ng transaksyong pananalapi ng mga pamahalaang lokal ay maaring ilathala sa mga websites, newspaper of general circulation at mga lugar na karamiang pinupuntahan ng mga mamamayan.

No comments:

Post a Comment