Pages

Tuesday, March 13, 2012

PROMDI: Saranggola’t pisi



Umalagwa ang diwa ng Promdi habang gumagawa ng burador o maliit na saranggola sa SM City Baliuag noong Linggo, Pebrero 26.

Sa isang iglap, biglang bumaha sa isipan ng Promdi ang alaala ng malayong nakaraan.

Kay sarap balikan ng alaala ng pagkabata, o ang panahon na ikaw ay walang masyadong iniintindi, maliban sa iyong sarili.

Kay sarap alalahanin ng iyong kasiyahan na ikaw ay magpapalipad ng burador sa bukid kung saan ay malamyos at sariwa ang ihipng hangin sa ilalim ng masanting na sikat ng araw.

Kay sarap tumakbo sa mga pilapit at punlaan habang ikinakadkad mo ang iyon pisi o sinulid upang mapatayog ang burador.

Maririnig mo pa ang mga sigwan ng kapwa bata.  May kantiyawan. Nagatatawanan, nagpapataasan ng lipad ang mga burador, habang hinuhulaan kung kanino ang unang sisisid at babagsak sa tuktok ng mga punong kahoy kayawanan o sasabit sa kable ng kuryente o antenna ng telebisyon sa mga bubong.

Kay sarap balikan ang iyong pakiramdam sa panahong iyon lalo na’t nanatiling matayog ang iyong burador sa kabila ng malakas na ihip ngh hangin.

Kay sarap tangtangin o hila-hilahin ng pisi o sinulid na parang hinihila pataas dahil sa malakas na hanging nagpapalipad sa iyoing burador.

Pakiramdam mo’y nakikipaghilahan ka sa mga anghel sa langit na naiinggit sa tayog ng iyong burador.

Hindi mo rin maitatanggi ang iying lungkot kapag nalagot ang iyong pisi at naka-alagwa ang iyong burador na ilang oras ding pinagtiyagaang buuin.

Pero, kahit nawalan ka ng iyong burador, maligaya ka pa rin dahil sa malayo babagsakan nito, maaring sa kabilang barangay o bayan.

O, kay sarap balikan ng nakalipas.  Kay sarap magbalik tanaw sa panahong ika’y bata.

Ninanamnam ko ang malayong nakalipas ng tanungin ako ng aking anak na na si Bethany Eirene.

“Daddy, ganito ba,” tanong niya sa akin habang kinukulayan ang paro-parong naka-drowing sa papel ng burador na ibinigay sa kanya ng organisador ng Kite Making and Flying Festival.

Hindi naman sana ako gagawa ng burador dahil magkokober lang ako sa nasabing festival.  Pero dahil sa araw ng Linggo, isinama ko ang aking mag-ina para mamasyal sa mall, pero ng makita ni Bethany Eirene ang mga batang gumagawa ng burador, naingganya’t nakisali siya.

“Yes, anak ganyan nga. Very good. Tingkaran mo pa ang kulay,” ang tugon ko sa kanya upang ipagpatuloy ang pagkukulay, samanatalang inihahanda ko kawayang balangkas na magsisilbing patigas sa burador.

Napagkumpara ko tuloy ang aking pinagdaanan noon, at ang kasalukuyan.

Noon, lumang dyaryo ang gamit namin o kaya ay gamit na typewriting paper.  Pag may papel de hapon ka noon, sosyal ka.

Noon, tingting lang ang gamit naming balangkas.  Ngayon, kawayang kinayas ng manipis.

Noon, mumo o kaning lamig an gaming pandikit.  Ngayon ay glue at pandikit na nabibli sa mga bookstore o school supplies.

“Daddy, etong tali,” ani ng aking nag-iisang supling habang iniaabot sa akin ang pisi.

Nangiti ako, sabik na ang anak ko dahil matatapos na ang burador niya.  “Salamat anak, matatapos na tayo.”

Muli, naalala ko na noon ang kidkiran namin ng sinulid o pisi ay lata ng Alaska.  Ngayon, may saril ng kidkiran ang pisi.

Habang pinalilipad namin ang burador, naalala ko ang yumaong punong patnugot ng Mabuhay na si Jose L. Pavia na mas kilala sa tawag na JLP.  Siya ang nagsilbing mentor ko mula 2004 hanggang sa kanyang pagpanaw noong Abril.

Bilang mentor ko, si JLP ang nagpalipad sa akin, at ako ang burador. Nakakatulad ng pagpapalipad ng burador ang mentoring o pagsasanay.  Kapag malakas ang hangin at nag-iikot ang burador, hinihila pababa ito ng nagpapalipad; o kaya ay medyo lalargahan ang pisi, pagkatapos ay muling hihilahin upang muling tumaas.

Sa panahon ng pagsasanay sa akin ni JLP, kapag may pagkakamali ako, tinatawag niya ang aking pansin at itinatama ako. Kapag tama ginagawa ko, unti-unti niya akong nilalargahan katulad ng burador upang tumayog.

Ngayong wala na siya, hindi nangangahulugan na putol na ang pisi na nag-uugnay sa amin. Ang totoo, ang kanyang mga aral ang nagsisilbing pisi sa aming dalawa saan man siya naroon.   Ang pising ito ang nais kong ituro sa aking supling.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment