Pages

Wednesday, April 25, 2012

Apela ni PNoy sa media: Balansehin ang pagbabalita





MAYNILA—Nakiusap si Pangulong Benigno Aquino III sa mga mamamahayag sa bansa na patuloy na itaguyod ang balanseng pamamahayag at iwaksi ang negatibismong nakatutok sa di magagandang balita.

Ang pakiusap ng Pangulo ay kanyang inihayag sa pagbubukas ng dalawang araw na ika-16 na National Press Forum ng Philippine Press Institute na isinagawa sa Traders Hotel Manila noong Lunes, Abril 23 kaugnay ng ika-48 taong pagkakatatag nito, at ika-25 taong pagiging aktibo matapos mahimlay sa panahon ng batas militar.

Bilang panauhing tagapagsalita sa pagbubukas ng taunang National Press Forum, itinanon ng Pangulo kung nananatili pa ba ang prinsipyong nagtaguyod sa pamamahayag sa mahabang panahon.

“Nasaan na po ba tayo ngayon? Nandiyan pa po kaya ang prinsipyo ng “get it first, but get it right,” o napalitan na ito ng “get it first, siguruhin na bebenta ang storya, at kung hindi tama ang impormasyon, mag-sorry ka na lang,” aniya.

Nagpahayag siya ng kalungkutan na matapos isailalim sa batas militar ang bansa ay nagmistulang human tape recorder ang mga mamamahayag.

“Naibalik po ang kalayaan noong 1986. Angkop din po sigurong itanong kung napanatili din natin ang mga haliging sandigan ng inyong institusyon: kredibilidad at integridad, patas na pagtimbang sa situwasyon, at katapatan sa mga datos at detalye,” ani ng Pangulo.

Binigyan diin di niya pagkakaiba ng pamamahayag noon at ngayon ng kanyang sabihin na “Bata pa po ako noong una kong narinig ang kuwentong iyan. Ano na po ba ang nagbago mula noon, at ano ang mga nanatili? Ang mga estudyante kaya ngayon, pinagbabasa pa rin ng diyaryo sa klase? Kami po dati, talagang tinutukan at pinasubaybay sa mga pangyayari sa lipunan. Diyaryo po ang basehan namin ng kaalaman; bihirang-bihira po kaming makakita ng maling spelling, maling grammar, at mas lalo pong bihira ang maling datos o detalye. Malinaw po ang pagkakaiba ng op-ed, at ng balitang totoong nangyari lang ang laman.”

Sa kasalukuya, sinabi ng Pangulo na marami ang nagbabalita ngunit kapos sa pagsusuri at pagkumpirma sa impormasyon.

Inihalimbawa niya ang mga impormasyong lumabas sa Twitter.com kung saan ay sinabing siya daw ay nakipa-date sa Greenhills sa Koreanang broadcaster na si Grace Lee.

Ayon sa Pangulo, lalong umugong sa media ang nasabing balita ng ito ay isahimpapawid ng isang Tv network na di naman daw nagkumpirma sa impormasying isinahimpapawid.

“ Na nakipag-date daw ako. May nagkusa man lang po bang kumuha ng panig namin bago ito inere? Ang network pong nagbalita nito, may reporter na bahagi ng Malacanang Press Corps. Tinext man lang po kaya siya at inutusang dumungaw sa bintana para makita kung umalis ba ang aking convoy? Mukhang mas ganado silang bumanat muna, at nung nalaman nilang nakuryente sila, saka na lang sila humingi ng pasensya. May patutsada pang siguro raw ay magaan ang trabaho noong araw na iyon,” sabi ni Aquino.

Hindi rin pinalampas ng Pangulo ang negatibong pagbabalita hinggil sa pagbisita ng Emir ng Qatar sa bansa kung saa ay may mga nagbalita na hindi raw sila nagkita ng Emir.

“Kamakailan lamang, bumisita ang Emir ng Qatar sa ating bansa. Ibinalita ito sa isang artikulo, pero sa pamagat pa lang — “Qatar’s Emir cuts short state visit” — tila ba nagtatanim na ng pagdududa. At kapag naman binasa mo ang artikulo, para bang ang mensahe ay “hindi nagkita ang Pangulo at ang Emir, pero matagumpay ang kanilang bilateral meeting.” Ang nakapagtataka pa, ibinalita rin naman nila ang mga pinirmahang kasunduan, at may mga litrato at video pa nung nagcover sila sa pagpupulong na ito, pero parang sinadya na palabuin ang balita. Kayo nga po ang tanungin ko: Anong silbi na pagdudahin ang publiko kung malinaw naman pala na may nangyaring pagpupulong,” ani Aquino.

Iginiit pa niya, “Nakakalungkot po na natabunan nito ang mabuting balita na sana’y nakapagpa-angat ng loob ng mga Pilipino.”

Nagpahayag din siya ng pagkadismaya sa pagbabalita hinggil sa mga travel advisory ng ibang bansa sa Pilipinas.

“Tayo lang yata ang kaisa-isang bansa sa mundo na nagbabalandra ng mga negatibong travel advisory sa sariling mga pahayagan. Ang paglabas ng ganitong mga babala ay nakasalalay sa persepsyon ng ambassador na naninirahan dito sa Pilipinas; isa sa pinanggagalingan ng kaniyang opinyon ay ang mga balitang nakakalap niya mula sa diyaryo at telebisyon. Pero dahil nga sa negatibismo sa pagbibigay-balita, at sa walang puknat na pagwawagayway sa ating travel advisories, kahit pa wala namang direktang banta sa Pilipinas, palaging kinukwestyon ng ibang mga bansa kung ligtas nga ba silang magtungo sa atin,” ani Aquino.

Ayon sa Pangulo, may magaganda ring balita na lumabas, ngunit ang nagbalita nito ay ang mga pahayagan o magazine na hindi Pilipino.  Kabilang dito ay ang Newsweek at Time Magazine.

Para naman sa magdang balita, sinabi ni Aquino na sa buwan lang ng Pebrero ay umabot sa  411,000 ang mga turistang bumisita sa bansa at tinataya niya na kung magpapatuloy ang ganitong bilang ay hindi imposibleng umabot sa 4.8-Milyong turista ang bibisita sa bansa sa taong ito.

Bukod dito ay ang 12 proyekto kabilang na ang pagkumpuni sa Baler-Casiguran road na laging naaapektuhan ng mga landslide

Idinagdag pa niya na P133-Billion ang suma total ng pera ng kaban ng bayan na mapupunta sa mga proyektong makakapagpaginhawa sa buhay ng kapwa natin Pilipino.

Ipinagmalaki rin niya ang mabilis na paglilitis sa itinuturing na carnap king na Raymond Dominguez.

Ayon sa Pangulo, isang taon at apat na buwan lamang ang itinagal ng paglilitis at nahatulan si Dominguez ng 17 hanggang 30 taong pagkakabilanggo, bukod pa sa bbumaba ng 59 porsyento ang insidente ng carnapping sa nagdaang taon matapos sumuko si Dominguez.

Gayunpaman, ikinumpara ng Pangulo ang mga balitang lumabas sa panahon ng pamamayagpag ng carnapping sa bansa at paghatol ng Korte sa Bulacan kay Dominguez.

“Naaalala rin po ninyo siguro kung paano hinakot ng mga report ukol sa carnapping ang mga headline noong nakaraang taon. Nito pong isang linggo lang, na-convict si Raymond Dominguez na pinuno ng carnapping syndicate. Nadesisyunan ang kaso sa loob ng isang taon at apat na buwan; ang hatol: labimpito hanggang sa tatlumpung taon ng pagkakakulong. Ayon din po sa istadistika ng ating kapulisan, bumaba ng 59.4 percent ang insidente ng carnapping sa taong 2011. May nagsabi po bang, “ang galing ng mga pulis natin; ang galing ng mga prosecutor natin?” Nagpapasalamat nga po ako at nabitbit sa ating mga pahayagan ang kaso ni Dominguez; yun nga lang, yung krimen niya noong nakaraang taon, inilathala above the fold. Itong conviction niya, below the fold naman nilathala,” aniya.

Ipinaalala ni Aquino na magkatambal ang mga tungkulin ng gobyerno at mga mamamahayag.

“Hindi ko naman po hinihiling na mag-imbento kayo ng kuwentong-kutsero upang pabanguhin ang gobyerno. Pero kung ibabalanse po natin, at iisipin na ang bawat salita ay nakakaapekto sa buhay ng kapwa natin Pilipino, tiyak ko po na mas madali nating maaabot ang kolektibo nating mithiin para sa bayan,” aniya.

Dagdag pa niya, “kuung magpupunla po tayo ng pagdududa, paghihirap ang dulot nito. Ngunit kung pag-asa ang ating itatanim, kasaganahan naman ang ating aanihin. Sa inyong pagpupursigi na maabot ang pinakamataas na antas ng propesyunalismo, integridad, at kredibilidad sa larangan ng pamamahayag, naniniwala akong maiaangat ang uri ng ating demokrasya kung sa gitna ng nagtutunggaling boses at opinyon, may mahubog tayong isang Pilipinas na may mas matibay na lipunan, mas nagkakaisang tinig, at mas positibong sambayanan.”

Ang ika-16 na National Press Forum na may temang “Media Accountability and Public Engagement”  ay inorganisa ng PPI.

                                                                                                               
Ito ay nilahukan ng 199 mamamahayag at mga patnugot ng mga kasaping pahayagan ng PPI, kasama ang mga guro at mag-aaral ng pamamahayag sa bansa.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment