Pages

Tuesday, April 17, 2012

Bulacan garden, dadalhin sa CCP



LUNGSOD NG MALOLOS- Bilang isa sa mga nagtataguyod ng mga programang pangkalikasan, magsasagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado ng limang araw na exhibit na tinawag na Halamang Bulakenyo @CCP A National Garden Expo na magsisimula sa ika-18 hanggang ika-22 ng Abril 2012.
Ito ay kaugnay ng pagdiriwang ng Earth Day Big Event 2012 na gaganapin sa Liwasang Kalikasan, Cultural Center of the Philippines, Pasay City kung saan itatampok ng Bulacan Garden Association at Bonsai Plant Groups ang mga nagagandahang halaman at halamang gamot na matatagpuan sa lalawigan.
Tinatayang 80% ng mga halaman ay nagmumula sa mga bayan at lungsod sa Bulacan kabilang na ang mga bayan ng Guiguinto, Hagonoy, San Rafael, Calumpit ang mga lungsod ng Malolos at San Jose Del Monte.
“Ipinagmamalaki natin hindi lamang ang mayaman nating kasaysayan kundi maging ang ating mga naggagandahang halaman na isinusuplay natin sa buong bansa, kaya nga kilala ang Bulacan bilang garden capital ng Pilipinas,”ani Elizabeth Alonzo, pinuno ng Provincial Youth, Sports, Employment, Arts, Culture and Tourism Office.
Bukod sa promosyon ng magandang kalidad ng mga halaman sa lalawigan, layon din ng nasabing expo na makapagbigay ng oportunidad at exposure sa Small and Medium Enterprises (SMEs).
Inaasahang dadalo sa nasabing pagtitipon sina CCP President Dr. Raul Sunico, Department of Tourism, mga lokal na opisyal ng Bulacan sa pamumuno ni Alvarado at   iba pang mga stakeholder ng turismo. ###

No comments:

Post a Comment