Pages

Thursday, September 13, 2012

Ika-114 guning taon ng Kongreso ng Malolos gugunitain



LUNGSOD NG MALOLOS- Dadaluhan ng dalawang miyembro ng gabinete na sina Kalihim Florencio B. Abad ng Department of Budget Management at Kalihim Armin A. Luistro ng Department of Education ang paggunita sa ika-114 guning taong Pagbubukas ng Kongreso ng Malolos sa darating na Setyembre 15, 2012, 7:00 n.u sa Simbahan ng Barasoain sa lungsod na ito.
Ayon kay Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado, ang paglingon at pagbibigay halaga sa nakaraan ay kinakailangan upang makatulong sa pagpapatatag ng pundasyon ng lalawigan.
“Hindi natin binabalikan ang nakaraan upang ibalik ang lungkot at sariwain ang hapdi ng kahapon, kundi nais nating alalahanin ang dahilan kung paanong nabubuhay tayo ng malaya ngayon, nais nating buhayin muli sa ating mga puso ang matinding pagnanais ng ating mga bayani na ibigay sa mga mamamayan ang nararapat na para sa kanila, sa ating paglingon sa nakaraan, nawa ay mabuhay at hindi na mawala sa ating mga isipan ang tunay na diwa ng pagmamahal sa bayan,” dagdag ni Alvarado.
Bahagi ng programa ang pag-aalay ng bulaklak bilang pagbibigay parangal kay dating Pangulong Emilio Aguinaldo na susundan ng paglagda sa deklarasyon ng pagkakaisa at pagkilos para sa global warming at climate change ng mga kinatawan ng Liga ng mga gobernador, punong bayan at lungsod at liga ng mga barangay.
Pagkatapos nito ay pasisinayaan ang isinaayos na pook pangkasaysayan ng simbahan ng Barasoain na pangungunahan nina Gob. Alvarado, Bise Gob. Daniel Fernando, Kalihim Abad, Kalihim Luistro, mga kinatawan ng distrito sa Bulacan, Mayor Christian Natividad, Vice Mayor Gilbert Gatchalian, Ma. Serena I. Diokno, pinuno ng National Historical Commission, kasapi ng Sangguniang Panlalawigan at mga punongbayan at punong lungsod sa lalawigan.
Darating din upang makiisa sa pagdiriwang ang mga senior citizen, mag-aaral, guro, non-government organization, at iba pang sektor sa Bulacan.
Samantala, mula ika-9 ng umaga hanggang ika-5 ng hapon gaganapin naman ang Regional General Assembly ng Graduate Education Association of Chartered Colleges and Universities of the Philippines o GEACCUP sa Bulacan Capitol Gymnasium.
At bilang panapos na gawain para sa isang linggong pagdiriwang ng mayamang kultura at kasaysayan ng Bulacan ay gaganapin ang Gawad Dangal ng Lipi kung saan bibida ang mga Bulakenyong umangat sa kani-kanilang napiling larangan na gaganapin sa Hiyas Pavilion, ganap na ika-6 ng hapon.

No comments:

Post a Comment