Pages

Tuesday, December 18, 2012

Di pa magugunaw ang mundo, ayon sa mga Pinoy astronomers


LUNGSOD NG QUEZON—May Pasko pa at hindi pa magugunaw ang mundo.

Ito ang buod ng mga pahayag ng mga pangunahing Pilipinong dalubhasa sa astronomiya hinggil sa mga hulang napabalita na magugunaw ang mundo sa Disyembre 21.

Ang nasabing hula ay batay sa pag-aaral sa kalendaryo ng tribung Maya ng Mexico na nagsasabing matatapos ang mundo sa nasabing araw; ngunit ayon sa mga Pinoy Astronomers, mas dapat pag-ukulan ng pansin ang pagkasira ng kagubatan sa halip ng pagkagunaw ng mundo.

Ayon kay Dr. Jesus Rodrigo Torres, pangulo ng Rizal Technological University (RTU), haka-haka lamang ang pananaw na “paskong pagkagunaw” at walang malinaw at kongkretong batayan.

Binigyang diin niya na kaya kumalat at lumaki ang balita hinggil sa nasabing haka-haka ay dahil sa may eksaktong araw na binabangggit ito.

“Marami na ang nagsabi na magugunaw ang mundo, dati ay noong year 2000, tapos biglang nabago, pero hindi naman natutuloy,” ani Torres sa mga dumalo sa isang talakayan na isinagawa sa Annabel’s Restaurant sa Lungsod na ito noong Biyernes, Disyembre 14.

Kinabukasan, Disyembre 15, nagpahayag ng pagsang-ayon sa pananaw ni Torres si Gob. Wilhelmino Alvarado sa kanyang lingguhang palatuntunan sa Radyo Bulacan.

Binigyang diin ng punong lalawigan na bilang isang Katoliko, “walang nakakaalam kung kailan magugunaw ang mundo, maliban sa Diyos na maylikha ng mundo.”

Bilang isang siyentipiko, binigyang diin ni Torres ang kahalagahan ng paglalahad ng ebidensya at batayan sa hula.

Sinabi niya na walang malinaw at kongkretong batayan ang mga nagpakalat ng hula, kaya’t binigyang diin niya na “matutuloy pa ang Pasko, hindi pa magwawakas ang mundo.”

Ayon kay Torres, nagkaroon ng pagkakamali ang mga unang eksperto na nagsagawa ng pag-aaral sa Mayan Calendar.

“Ang sinabi nila ay magtatapos ang mundo sa Disyembre 21, 2012 wala ng nakatala sa Mayan calendar pagkatapos ng araw na iyon. Pero ang hindi nila sinabi na iyon talaga ang katapusan ng bawat taon sa Mayan Calendar,” ani Torres.

Bukod rito, nilinaw din niya ang mga haka-hakang napabalita na sasalpukin ng planetang Nefiru ang mundo.

“It is also wrong kasi kung may planetang sasalpok sa mundo, matagal na nating nakita yan at maging mga amateur astronomers natin ay makikita kung may planeta o asteroid na sasalpok sa mundo,” ani Torres.

Inayunan din ito ni Dr. Custer Deocaris, isang professor ng Astrobiology sa RTU.

Sinabi niya na dahil sa Mayan Calendar, dumami ang mga ispekulasyon  hinggil sa pagkagunaw ng mundo.

Kabilang dito ay ang balitang magkakaroon ng solar storm kung saan ay magbubuga ng solar energy ang araw na maaaring makasira sa mga kagamitang elektroniko sa mundo tulad ng cellular phones at mga computers.

Ngunit ayon kay Deocaris, ang solar storm ay isang regular event sa solar system na nagaganap tuwing ika-apat na taon katulad ngayon na nagkakaroon ng solar maxima.

Sinabi niya na pagkatapos ng siklo ng solar maxima ay kasunod naman ang solar minimum kung kailan ay maliit lamang ang mga solar flare ng araw.

Inayunan din ito ni Frederick Gabriana, isang positional astronomer ng RTU.

Pinabulaanan din ni Gabriana ang haka-hakang magugunaw ang mundo dahil sa posibilidad ng galactic alignment na lilikha ng tidal force sa mundo.

“Ang termino na ginamit ng mga humuhula na magugunaw ang mundo ay planetary alignment, wala po tayong word na ganyan sa astronomy,” ani Gabriana.

Hinggil sa tidal force na diumano’y ihahatid ng galactic alignment o pagtatapat-tapat ng mga planeta, sinabi niya na walang dapat ikabahala doon.

Nilinaw ni Gabriana na batay sa kanilang kalkulasyon, ang tidal force na ihahatid ng posibleng galactic alignment ng mga planeta ay kasing lakas din lamang ng tidal force na hatid ng buwan sa mundo.

“It won’t affect the earth, kasi kung nakakapinsala yung tidal force ng buwan, eh di matagal na sana tayong nagunaw,” aniya at muling iginiit na kasing lakas lamang ng tidal force ng buwan ang sinasabing tidal force ng galactic alignment.(Dino Balabo)


No comments:

Post a Comment