Pages

Saturday, December 1, 2012

Pagkukumpuni sa parola sa Bulacan, pangungunahan ng Sigla Movement




HAGONOY, Bulacan—Pangungunahan ng isang non-governmental organization (NGO) ang pagpapakumpuni sa parola sa bayang ito na may pitong taon nang walang ilaw.

Ang pagkukumpuni ay inaasahang matatapos bago magpasko ngayong taon.

Ayon kay Grossman Dax Uy, tagapangulo ng Sigla Movement of the Philippines (SMP) Bulacan chapter, lubhang mahalaga para sa mga mangingisda ang parola na matatagpuan sa baybayin ng Manila Bay sa Barangay Pugad ng bayang ito.

Ito ay dahil sa ang ilaw ng parola ang nagsisilbing gabay sa mga mangingisdang pumapalaot sa karagatan ng Maynila kung gabi.

“Uunahin namin yung pagpapailaw sa parola, saka isusunod yung pagpapatibay sa pundasyon nito,” ani Uy matapos bisitahin ang parola noong Sabado kasama ang mga kasapi ng SMP.

Sinabi pa ni Uy na lumagda na sila sa isang memorandum of agreement (MOA) ni Kapitan Ramon Atienza ng Barangay Pugad para sa pagpapakumpuni at pamamahala sa nasabing parola.

Ayon kay Rommel Santos, dating kagawad ng nasabing barangay, ang parola ay mahigit ng 80 taon.

Sinabi ni Santos na ilang matatanda sa kanilang barangay na may edad  na higit 77-taong gulang, bata pa sila ay nakatindig na ang parola.

Ngunit may mga nasasabi rin na panahon pa ng Kastila ay nakatindig na ang parola na nagsilbi ring gabay sa mga bumibiyaheng bangka kung gabi.

Bibigyang diin naman ni Kagawad Alfredo Lunes ng Barangay Pugad na ang nasabing parola ay unang naiilawan ng coleman.

Noong dekada 70, ito ay ginamitan ng kuryente ngunit palagiang nasisira kapaga bumabagyo dahil sa napuputol sa malakas na hangin ang kable ng kuryente.

Nitong huling bahagi ng dekada 90, ang parola ay pinalitan ng solar powered batteries at solar lamp.

Ngunit sa nakalipas na pitong taon ay hindi nagamit ang parola dahil sa nag-expired ang baterya nito

Dahil dito, hulining ng tulong sa mga opisyal ng mas matataas na tanggapan  ang mga namumuno sa Barangay Pugad.

Noong nakaraang taon, inilathala sa facebook.com ni Kagawad Bernard Dave Concepcio ang kalagayan ng parola na nakatawag pansin sa mamamahayag na ito.

Dahil dito, pinauntahan at kinunan ng larawanng mamamahayag na ito ang nasabing parola; na nakatawag naman ng pansin ni Bulacan Governor Wilhelmino Alvarado.

Inihain ni Alvarado sa Central Luzon Regional Development Council (RDC) ang panukala sa pagpapakumpuni noong Hunyo 30 ng nakaraang taon.

Kinatigan ng RDC ang panukala ni Alvarado matapos isulong ng mga kasapi nito ang pagpapatayo ng dagdag na parola sa mga bayan ng Obando at Paombong sa Bulacan, maging sa lalawigan ng Pampanga at Bataan.

Inendorso ng RDC sa Malakanyang aty sa Department of Transportation and Communications (DOTC) ang nasabing proyekto sa mga parola noong Oktubre 2011.

Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pang nakikitang pagkilos ang pamahalaang pambansa  sa pamamagitan ng DOTC.

Ayon kay Uy, ang plano ng SMP na pagpapakumpuni sa parola ay hindi isang pakikialam sa kakayahan ng pamahalaan, kungdi isang pagkakataon na makatulong sa mamamayang Bulakenyo partikular na sa mga mangingisda. (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment