Pages

Monday, December 24, 2012

SPECIAL REPORT(3/3): Solusyon ba sa polusyon ang butas na batas?





MALOLOS—Dalawang batas pangkalikasan ang pinagtibay ng Sangguniang Paglalawigan ng Bulacan sa loob lamang ng halos isang taon mula 2011.

Ito ay ang bagong provincial environment code na pinagtibay noong Hulyo 2011 at ang ordinansang nagbabawal sa paggamit sa plastic sa lalawigan na pinagtibay nitong nakaraang Mayo.

Katulad ng iba pang mga batas pambansa tulad ng Clean Air Act, Clean Water Act, at Solid Management Act, ang dalawang ordinansang nabanggit ay kapwa naglalayon na mapangalagaan ang kalikasan sa lalawigan partikular na ang kabundukan at maging ang mga katubigan.

Ngunit sa kabila ng pagpapatibay sa mga nasabing batas, patuloy pa rin ang polusyon sa katubigan ng Bulacan na ayon sa mga managingisda at namamalaisdaan ay patuloy na lumalason sa tubig at nagpapaliit sa produksyon ng isda at iba pang lamang tubig.

Sa pagsasaliksik ng mamamahayag na ito, samut-sari ang naipong panukalang solusyon para mapigil ang polusyon sa kapaligiran, partikular na sa katubigan.

Kabilang dito ay ang mga sumusunod.

·         Istriktong pagpapatupad ng Republic Act 9003 o ang Ecological Solidwaste Act na sumasakop sa pagsisinop ng mga basura.

·         Pagtatayo ng isang toxic waste treatment plant sa lalawigan upang ang mga waste water ng mga pabrika ay doon linisin bago padaluyin sa mga sapa at ilog.

·         Pagkontrol o pagpapatupad ng regulasyon sa sobrang paggamit ng aqua feeds na sa itinuturing pangunahing sanhi ng polusyon sa katubigan, sa ilog man o sa karagatan.

·         At ang pagsasampa ng demanda laban sa mga pamahalaang lokal at mga pabrika na nagsasanhi ng polusyon.

Ayon kay Abogado Rustico De Belen, ang dating hepe ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO), ang patupad ng batas ay isang bukod pa sa magpapatupad ng batas.

“Nandiyan na ang mga batas na yan, pero ang problema ay sino ang magpapatupad at paano ipapatupad,” tanong ni De Belen sa panayam bago siya nagbitiw sa tungkulin noong Oktubre.

Bilang isang abogado, ipinaliwanag niya na ang batas magkakaroon lamang ng kahulugan at kabuluhan kung ito ay ipinatutupad.

At dahil ang mga batas ay napagtibay na, nilinaw niya na ang mga magpapatupad nito ay ang mga namumuno sa pamahalaang lokal, partikular na ang mga alkalde at punong barangay.

Ngunit ang pagpapatupad ng batas ay hindi batas ididikta sa tao upang sumunod, sa halip ay nangangailangan ito ng sapat na impormasyon para sa epektibong pagpapatupad.

Ito ay nangangahulugan na kailangan isang tanggapan na nakatutok sa pangangalaga sa kalikasan na tinukoy ng Local Government Code of 1991 bilang Muncipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) o CENRO para sa mga lungsod o city.

Batay sa tala ng BENRO, pito lamang sa 21 bayan sa lalawigan ang may na Menro, at ang mga Lungsod ng San Jose Del Monte, Malolos at Meycauayan ay may CENRO.

Ang mga bayang may MENRO ay ang mga bayan ng Donya Remedios Trinidad, Guiguinto, Hagonoy,  Norzagaray, Plaridel, at Sta. Maria.

Ngunit ayon kay De Belen, sa mga nabanggit na bayan at lungsod, tatlo lamang ang aktibong MENRO o CENRO.

Batay pa rin sa talang BENRO ang mga bayang walang nakatalagang MENRO ay may mga “designated MENRO”.

Ito ay ang mga bayan ng Angat, Balagtas, Baliuag, Bocaue, Bulakan, Bustos, Calumpit, Marilao, Obando, Pandi, Paombong, Pulilan, San Ildefonso, San Miguel, at San Rafael.

Ang ”designated MENRO” ay mga taong inatasan na hawakan ang responsibilidad bilang MENRO ngunit wala pang sariling tanggapan dahil hindi pa iyon nalilikha.

Ang mga designated MENRO ay karaniwang may ibang trabaho, katulad ni Teresita Tetangco ng Pulilan na kung minsan ay siya ring tumatayong Municipal Information Officer.

Ang ibang tanggapan naman ng MENRO ay pansamantalang iniaatas sa namumuno o kinatawan ng mga Municipal Planning and Development Office (MPDO).

“Madaliang malaman kung seryoso ang pamahalaang lokal sa pangangalaga sa kalikasan,” ani De Belen at iginiit na iyon ay masasalamin sa pagbuo ng tanggapan ng MENRO at pagtatalaga ng mga tao na gagawa ng trabaho at tungkuling itinatakda ng nasabing tanggapan.

Isa sa mga dahilan kung bakit hindi nagbubuo ang mga pamahalaang lokal ng MENRO ay dahil sa kabila na ito ay binabanggit ng Local Government Code, ang nasabing posisyon ay “optional.”

Ito ay nangangahulugan na magbuo at magtalaga ng tao sa nasabing tanggapan o hindi ay walang lalabaging batas ang namumuno sa pamahalaang lokal.

Ngunit ayon kay de Belen, hindi man sapilitan o mandatory ang pagbuo ng MENRO at pagtatalaga ng mga taon mamamahala sa nasabing tanggap, lubhang kailangan ito sa kalsalukuyan at darating na panahon.

Ito ay dahil sa patuloy ang hamon ng mga hagupit ng kalikasan sa bawat pamayanan at kailangan matugunan sa lalong madaling panahon.

“Paano tutugon sa hamon ng climate change ang ating mga pamahalaang lokal kung walang tanggapan at mga tao na mamamahala doon,” ani de Belen.

Inihalimbawa niya na magiging madali sana ang pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan kung may tanggapan ng MENRO ang bawat bayan na silang mag-iipon ng impormasyon sa kanilang lugar upang maging batayan ng pagpapatupa dng batas.

Iginiit pa niya na dahil sa kawalan ng MENRO, hindi rin nakakapagsagawa ng mga inspeksyon at pagbabantay ang mga pamahalaang lokal samga establisimyentong lumalabag sa batas.

Bukod dito, wala ring malinaw na programa nabubuo at naipapatupad para sa pangangalaga ng kalikasan.

Ang kakulangan ito sa kapatagan ay higit na kapansin-pansin sa kabundukan at mga baybayong dagat.

Ayon kay. Brother Martin Francisco ng Sagip Sierra Madre Environmental Society Inc., (SSMESI) napapabayaan din ang kabundukan.

Dahil dito, patuloy ang pagkaubos ng mga punong kahoy, maging ang mga ilegal na pagmimina at pagku-quarry sa kabundukan ng Bulacan.

Ang mga illegal na gawaing ito ay malaki rin epekto sa katubigan at pangisdaan dahil kapag malakas ang ulan ay natatangay ng umaagos na tubig ang putik, kaya’t ang tubig sa kailugan ay namumula o kulay banto.

Ayon sa mangingisdang si Rodolfo Cabangis, ang pagiging banto ng tubig sa kailugan ay nagiging sanhi upang mamatay ang mga semiliya ng isda, at malalaki naman ay naitataboy sa karagatan.

Bukod sa epekto ng bantong tubig sa kailugan, binigyang diin din ni Cabangis ang mga naaanod na basura sa kailugan.

“Sobra ang basura lalo na yung mga plastic, iyang pumapatay sa mga isda,” ani Cabangis.

Iginiit niya na kung masisinop lamang ang mga basura, ay hindi ito makakapinsala sa pangisdaan sa lalawigan.

Para naman kina Pedro Geronimo at Patrocinio Laderas, kailangan ng regulasyon sa sobrang paggamit ng aqua feeds sa mga malalaking palaisdaan sa Bulacan.

Ngunit sa kasalukuyan ay wala pang lokal na ordinansang napagtibay sa lalawigan para sa regulasyon ng paggamit sa aqua feeds.

Bilang isang beteranoing namamalaisdaan, sinabi ni Laderas na sa kawalan ng batas na nagre-regulate sa paggamit ng aqua feeds, mas makabubuti ay magsagawa ang mga namamalaisdaan ng ‘self-regulation.”

Ito ay nangangahulugan na sila na ang magkokontrol sa paggamit ng feeds batay sa ipinapayo ng Buerau of Fisheries and Aquatic Resources, na ayon naman kay Lito Lacap ay sinusunod ng ilang namamailaisdaan.

Bilang tagapangulo ng Integrated Services for the Development of Aquaculture (ISDA), sinabi  ni Lacap na ilan sa mga kasapi nila ay nagsasagawa na ng self regulation sa paggamit ng aqua feeds.

Gayunpaman, inayunan niya ang panukalang pagbuo ng ordinansa ng magtatakda ng mga pamantayan sa paggamit ng aqua feeds.

Dahil sa walang batas na sumasaklaw at nagtatakda ng pamantayan sa paggamit ng aqua feeds, sinabi ni Abogado Danilo Domingo na hindi ito ilegal.

Bilang dating alkalde ng Malolos, sinabi ni Domingo na ang problemang hatid ng aqua feeds ay nakarating din sa kanya.

Bilang abogado, iginiit niya ang pagpapatayo ng isang toxic waste treatment plant sa lalawigan na siyang maglilinis ng waste water ng mga pabrika.

Ipinaliwanag ni Domingo na mas malaki ang pinsalang hatid sa palaisdaan ng mga pabrika sa lalawigan kumpara sa mga gumagamit ng aqua feeds.

Inihalimbawa niya ang insidente ng madalas na paglutang o pagka-gango ng mga isda sa Labangan channel sa mga bayan ng Paombong, Hagonoy at Calumpit noong dekada 90.

Ito ay kinumpirma din ni Alfredo Lunes, isang dating mangingisda na ngayon ay Kagawad ng barangay Pugad sa Hagonoy.

Ayon kay Lunes, kapag may pabrikang nagpatapon ng waste water sa ilog, nagsisilutang ang mga isda at ang iba ay parang gusting umahin sa pampang.

Sinabi rin ni Lunes na ang pagpapatapon ng waste water sa ilog ay karaniwang isinasabay ng mga pabrika sa pagbuhos ng ilan katulad nong 2007.

Ayon kay Lunes, hindi lang polusyon ang hatid ng pagpapatapon ng waste water, sa halip ay nagtulak din ito sa tabing dagat ng tinatawag nilang “mga salot na isda.”

Ang tinutukoy niya ay ang mga isdang kanduli na karaniwang lumalaki sa tubig tabang at kumakain ng maliliit na isda.

“Salot na isda sa tabing dagat ang mga kanduli dahil kapag napasok sa baklad o lambat, tiyak na uubusin ang isda at hipon doon,” ani Lunes na nagsabing hinuhuli din nila ang kanduli, ngunit mababa ang presyo kapag ibinenta.

Dagdag naman ni Cabangis, :”wala na ngang mahuli mapapasukan ka pa ng kanduli, lalong wala kang kikitain.”

Iginiit pa niya ang kakulangan ng pagpapatupad ng batas na inayunan nina Francisco at Geronimo.

Para kay De Belen, ang batas ay hindi isang “silver-bullet” na kapag ipinatupad ay tuluyang maglalaho ang problema.

Sa halip nilinaw niya na ito isa lamang sa maraming hakbang na dapat isagawa ng gobyerno kung seryoso ang mga namumuno sa pangangalaga sa kalikasan.

Inayunan ito ni Francisco na nagsabing sa dinami-dami ng batas na napagtibay, isa man ay halos hindi nararamdaman sa mga dulong bahagi ng lalawigan tulad ng kabundukan at baybaying dagat dahil sa kawalan ng nagpapatupad.

“Dapat ipakita natin sa bawat mamamayan na ang batas ay batas at hindi ito butas,” ani Francisco.

Nilinaw niya na hanggat hindi ipinatutupad ng maayos ang mga batas, hindi magkakaroon ng disiplina ang mga mamamayan partikular na sa pagsisinop ng basura at magpapatuloy ang polusyon sa kailugan na papatay sa mga lamang tubig na ikinabubuhay ng maraming Bulakenyo.

Iginiit pa niya na ang lahat ng bagay ay magkakaugnay, ngunit katulad ng tinuran ni De Belen, dapat magkaroon ng mga namamahala sa mga tanggapang magpapatupad ng batas upang mapag-ugnay ng paglilingkod bayan, pangangalaga sa kalikasan, produksyon ng pagkain at kabuhayan ng mamamayan ng Bulacan. (Dino Balabo)


(PAALALA MULA SA PATNUGOT:  Ito ang ikatlo sa tatlong ulat na bunga ng pagsasaliksik ng may akda bilang isa sa mga kalahok sa Environmental Investigative Reporting Fellowship sa ilalim ng International Women's Media Foundation (IWMF) na nakabase sa Washington DC, USA.  Ang may akda ay isa sa 10 mamamahayag na sumasalalim sa isang taong fellowship training na nagsimula noong Hunyo).

SPECIAL REPORT (2/3): Nasaan ang mga isda? Ang unti-unting paglalaho ng samut-saring buhay sa baybayin ng Bulacan





CALUMPIT, Bulacan—Napailing si Caridad Robles habang binibilang ang perang kinita sa pagbebenta ng lutong ulam sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ) sa lungsod ng Quezon.

Ito ay dahil sa tantiya niya ay kapos ang kanyang kinita para sa baon at panggastos ng kanyang dalawang anak na nag-aaral sa Bulacan Polytechnic College (BPC) at Buacan State University sa lungsod ng Malolos.

Bilang isa sa mga libo-libong Bulakenyang may asawang overseas Filipino worker (OFW), pinagtitiyagaan niya ang pagtitinda ng mga lutong isda at ba pang lamang dagat sa ibat-ibang tanggapan sa kalakhang Maynila tatlong beses isang linggo.

Sa kanyang pagsisimula ng pagtitinda may anim na taon na ang nakakaraan, maganda ang kanyang kita dahil nakakabili siya ng paninda sa punduhan ng bayan ng Hagonoy sa mababang halaga.

Ngunit ang sitwasyong ito ay unti-unting nagbago sa patuloy ng pagbaba ng produksyon ng isda sa lalawigan, partikular na mga huli sa karagatan sa mga nagdaang taon.

Ang kalagayang ito ay hindi maitatanggi dahil maging mga biyahera at tindera ng isda sa bayan ng Hagonoy ay napapansing ang karaniwang isda na kanilang naititinda sa bawat araw ay mga ionalagaan, lumaki at huli sa mga palaisdaan, samantalang ang dating masagang huli sa karagatan ay unti-unting naglalaho.

Ito ang isa samga pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo ng isda at patuloy na pagliit ng kinikita ng mga maliliit na tinderang katulad ni Robles samantalang patuloy na tumataas ang bilihin at lumalaki ang gastos ng pamilya.

“Kailangang magtiyaga, kasi kung aasa lang sa padala ng mister ko ay hindi makapag-aaral ang mga bata, sa ganitong paraan, kahit pang-araw-araw na gastos o baon ay kinkita na,” sabi niya.

Ang pagbaba ng produksyon ng isda ng Bulacan ay isinisisi ng mga mangingisda, opisyal at mamamayan sa patuloy na polusyon sa kailugan.

Ito, ayon sa mga opisyal ay sanhi ng kawalan ng disiplina sa pagsisinop ng basura at kawalan ng matinong programa ng pamahalaan para sa pagpapatupad ng solid waste management.

Katunayan, patuloy pari ang operasyon ng mga dumpsites sa maraming bayan sa lalawigan  samantalang itinatakda ng batas na dapat ay sanitary land fill (SLF) na ang gamitin.

Para naman sa mga maliliiit na mangingisda at namamalaisdaan, isa sa mga pangunahing sanhi ng polusyon ay ang sobrang paggamit ng aqua feeds ng mas malalaking palaisdaan na kinumpirma naman ng Integrated Services for the Development of Aquaculture (Isda), ang samahan ng malalaking namamalaisdaan sa Bulacan at iba pang lalwigan sa Gitnang Luzon.

Gayunpaman, sinabi ni Lito Lacap, tagapangulo ng Isda na kinikilala ng kanilang mga kasapi ang paggagalik sa tradisyunal na pamamaraan ng pamamalaisdaan kung saan ay tampok ang hinndi paggamit ng aqua feeds sa pagapapalaki ng isda sa pagitan ng bawat pag-anii.

Bilang isang lalawigan sa baybayin ng Manila Bay, ang Bulacan ay isa sa mga nangungunang lalawigan sa bansa sa larangan ng produksyon ng bangus mula sa mga palaisdaan.

Bukod dito, isa rin ang Bulacan sa tatlong pangunahing lalawigan sa produksyon ng talaba, tilapia at mga sugpo, ayon sa tala ng Bureau of Agricultural Statistics (BAS) sa pagitan ng 2001 at 2004.

Ngunit ayon sa matatandang mangingisda at namamalaisdaan sa lalawigan, ang kasaganang ito ay hindi maikukumpara sa kasaganaang hatid ng galanteng karagatan sa mga nagdaang dekada.

“Noon, hindi ka na lalayo sa baybayin ng dagat at mapupuno na ang bangka mo” ani Rodolfo Cabangis,59, isang mangingisda mula sa Barangay Pugad ng bayan ng Hagonoy patungkol sa pangingisda sa baybayin ng Manila Bay noong dekada 50 hanggang 70.

Ngunit ngayon, ang mga mangingisda sa bayang ng Hagonoy ay nakakarating sa bukana ng Manila Bay sa Isla ng Corregidor upang mangisda dahil sa halos wala ng mahuli sa baybayin ng Bulacan.

Ipinagmalaki pa niya na kahit pamamalakaya lamang ang hanapbuhay noon ay nakakayang pag-aralin ng mga magulang ang kanilang mga anak hanggang kolehiyo.

Ngunit dahil sa masaganang biyaya mula sa karagatan, marami namang kababata niya ang naging kampante sa pamumuhay at mas minabuting maging mangingisda, sa halip na magtapos ng pag-aaral.

Bilang isang mangingisda sa halos 30 taon, sinabi ni Cabangis na may mga pagkakataon sa mga nagdaang panahon na halos lumubog ang kanilang bangka sa dami ng mga isdang nahuhuli sa karagatan.

Kabilang dito ang mga isdang dalagang bukid, sapsap, maya-maya, kanduli, apahap, mamamale, kitang, maging mga alimasag, pusit, galunggong at marami pang iba.

“Marami nahuhuli noon, napakarami ng kabuhayan noon, mamimili ka ng huhulihin noon at yung maliiit itinatapon lang namin, pero ngayon ultimo dulong hinuhuli ngayon,” sabi niya at iginiit na maging ang maliliit na isda na tulad ng dyako at langaray na dati ipinakakain sa manok at baboy ay tinutuyo na rin at ibinebenta.

Inayunan ito ni Carlos Garcia, isang namamalaisdaan sa bayan ng Bulacan na nagsilbi rin Kapitan ng Barangay Perez.

Ayon kay Garcia, sadyang masagana ang isda sa karagatan noong dekada 60 kaya’t maging sa kailugan ng Bulakan ay sagana ang mga ito.

“Dati kahit sa likod ng munisipyo ng Bulakan ay maraming nahuhuling alugasin, pero ngayon, kahit tilapia ay pailan ilan na lamang.

Ilan sa sinisi nila sa pagliit ng pagiging maramot ng karagatan ngayon ay ang patuloy na pagdumi ng tubig sa karagatan at kailugan.

Hindi rin lingid kina Gob. Wilhelmino Alvarado at Bise Gobernador Daniel Fernando ang pagbabago sa kailugan.

Sa panayam, ikinuwento ng dalawng pinakamataas na opisyal sa lalawigan ang kanilang karanasan noong kanilang kabataan.

Ayon kay Alvarado, sa ilog ng Barangay Sto. Rosario sa bayan ng Hagonoy noong sila ay bata pa.

“Iyon ang aming swimming pool noon, malinaw at malinis ang tubig noon,” ani ng gobernador at iginiit pa na maging sa ay maraming nahuhuli sa kailugan ngayon.

Ngunit bukod sa pagiging malinis ng ilog noong siya ay bata, binigyang diin din ni Alvarado ang samut-saring halaman dati ay tumutubo sa mga gilid ng ilog.

“Dati ay may mga diliwaryo, kulasi, sasa, palapat, bakawan at balanggot sa gilid ng ilog,” sabi niya at idinagdag na ito ay napalitan na ng mga bahay.

Para naman kay Max Crisostomo, ang pangulo ng Hagonoy Municipal Cooperative Development Council (MCDC), hindi lamang ang pagtatatayo ng mga bahay ang sanhi ng pagkaubos ng mga samut-saring halamang nabubuhay sa gilid ng mga ilog na nagiging tahanan at itlugan ng mga isda at iba pang lamang tubig.

Ipinaliwanag ni Crisostomo na ang pagpapalawak ng mga palaisdaan ay isa sa mga dahilan ng pagkaubos ng mga ibat-iang halaman sa mga gilid ng ilog.

Sinabi niya na ang mga pilapil ng palaisdaan ay dating natataniman ng mga punong kahoy, ngunit sa paglipas ng panahon ang mga ito ay hinawan ng mga namamalaisdaan upang hindi mapagkublihan ng mga magnanakaw ng isda sa palaisdaan kung gabi.

Igniit pa ni Crisostomo bukod sa mga isda, maging mga ibon at iba pang hayop ay naapektuhan ng pagkaubos ng mga punong kahoy tulad ng bakawan sa mga pilapil ng palaisdaan.

Kabilang dito ay ang ibat-ibang uri ng ibog kabilang ang Philippine Mallard o Philippine wild duck na dati sa marami ang matatagpuan sa baybayin ng Bulacan.

Bukod sa mga bakawan, hinawan din ang mga sasahan sa bayan ng Paombong upang bigyang daan ang produksyon ng mga isda sa palaisdaan.

Isang epekto naman nito ang pagbaba ng produksyon ng suka mula sa sasa kung saan ay mas nakilala ang bayan ng Paombong, kaya’t sa kasalukuyan malaking porsyento ng sukang ibinebenta sa nasabing bayan ay nagmumula na sa lalawigan ng Quezon.

Para naman kay Fernando, nakakahigit ang kawalan ng disiplina sa pagsisinop ng basura sa lalawigan.

Ikiunuwento niya na noong siya ay isang tinedyer sa Barangay Tabang sa bayan ng Guiguinto, palagi silang naliligo sa patubig sa Barangay Santor at Barangay Look 2nd sa katabing lungsod ng Malolos.

Ngunit ngayon, halos hindi na mapaliguan ang nasabing patubig at ayon kay Fernando maging ang mga kailugan ay nakakahalintulad na rin ng basurahan.

Ito ay hindi itinanggi ni Abogado Henry Villarica, ang asawa ni Kinatawan Linabelle Ruth Villarica ng ika-apat na distrito ng Bulacan.

Ayon sa abogado, noong bata sila ay sa ilog sila ng Marilao naliligo, ngunit nagyon, kahit matilansikan lang siya ng tubig mula sa nasabing ilog, siya ay parang nadidiri dahil sa dumi nito.

Ang pahayag ni Abogado Villarica ay hindi maitatanggi dahil noong 2008, ang kailugan ng Marilao-Meycauayan-Obando ay napabilang sa 30 pinakamaruruming lugar sa buong mundo.

Ang polusyon naman sa nasabing kailugan ay isinisi sa halos 100-taon ng kapabayaan at pag-abuso ng mga pabrika ng sapatos, alahas at battery recycler na dati’y nagpapatapon ng waste water sa kailiugan.

Batay sa tala ng Department of Environment and Naturl Resources (DENR), ang nasabing kailugan kasama ang mga ilog ng Bocaue, Balagtas at Guiguinto ay nakakabilang sa mga ilog na “biologically dead.”

Ang kalagayang ito ay hindi nalihim kay Inhinyero Herminio Del Rosario, kaya’t minabuti nilang mag-asawa na ibenta ang minanang palaisdaan ng kanyang maybahay sa Barangay Saluysoy Meycauayan.

“Hindi na mapakinabangan, hindi na halos makabuhay ng isda,” ani ng Inhinyero.

Sa iba pang bayan sa lalawigan, lumalaki rin ang posibilidad na mabenta ang mga bukirin at palaisdaan dahil sa pananaw ng mga magsasaka at namamalaisdaan ay lumipas na ang panahon ng pagiging produktibo nito.

Ang pananaw na ito ay kumikilala sa kalagayan ng patuloy na polusyon sa tubig.

Sa kalagayang ito, ang mga higit na apektado ay ang mga maliliit na mangingisdang katulad ni Cabangis at tinderang katulad ni Robles.

Ito ay dahil sa hindi sila katulad ng mga namamalaisdaan na maaaring ibenta ang palaisdaang pinagkukunan ng kabuhayan.

Dahil hindi naman maibebenta ni Cabangis karagatang dating pinagkukunan ng kabuhayan, lumipat na siya ng hanap buhay.

Sa kalagayan naman ni Robles, umaasa siya na kapag nakatapos ang kanyang mga anak sa kolehiyo ay hindi na siya masyadong dedepende sa pagtitinda ng lutong isda sa mga tanggapan sa kalakhang Maynila.

Ang malaking tanong ngayon ay saan kukuha ng kabuhayan ang susunod na salinlahi ng mangingisda at tindera ng isda kung patuloy na mawawasak ng polusyon ang katubigang pinagkukunan ng kabuhayan ng kasalukuyang salinlahi?  (Dino Balabo)

(PAALALA MULA SA PATNUGOT:  Ito ang ikalawa sa tatlong ulat na bunga ng pagsasaliksik ng may akda bilang isa sa mga kalahok sa Environmental Investigative Reporting Fellowship sa ilalim ng International Women's Media Foundation (IWMF) na nakabase sa Washington DC, USA.  Ang may akda ay isa sa 10 mamamahayag na sumasalalim sa isang taong fellowship training na nagsimula noong Hunyo).

SPECIAL REPORT SIDE BAR: Perwisyo at benepisyo ng baha




CALUMPIT, Bulacan—Baha na naman, taun-taon na lang baha.

Ito ang katagang nasambit ng mga Bulakenyo sa pananalasa ng baha na hatid ng hanging habagat noong Agosto na nagpaalala sa kanila ng pinakamalalim na baha na nagpalubog sa Bulacan noong Setyembre at Oktubre noong nakaraang taon.

Masasalamin sa himig ng pananalita ang pagkadismaya sa hanay ng mga mamamayan dahil sa hindi lamang ari-arian nila ang napinsala ng baha, sa halip ay maging hanapbuhay nila ay naantala.

Sa madaling salita, ang una nilang pakahulugan sa pananalasa ng baha ay perwisyo, ngunit sa mga namamalaisdaan sa lalawigan na napinsala din ay may nababanaag na benepisyo.

Ang benepisyo mula sa baha ay isinatinig ni Abogado Rustico De Belen, ang dating hepe ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO) na nakapanayam ng Mabuhay bago siya nagbitiw sa tungkulin noong nakaraang buwan.

Katulad ng mga pahayag ng mga namamalaisdaan sa bayan ng Hagonoy, sinabi ni De Belen na ang pagbaha ay isang paraan ng kalikasan sa paglilinis sa sarili ito.

“Its nature’s way of cleasing our river systems and water ways,” ani ng dating hepe ng BENRO.

Ipinaliwanag niya dahil sa dami ng tubig na dumadaloy sa kailugan, natatangay nito ang mga basura at iba pang bagay na nagsasanhi ng polusyon.

Ito ay kinumpirma ni Pedro Geronimo, isang beteranong namamalaisdaan sa Hagonoy.

Ayon kay Geronimo, ang tubig sa kailugan at sa dalampasigan ng dagat ay umiikot lamang.

“Pag low tide, lumalabas ang polluted na tubig sa dagat, pero hindi masyadong lumalayo, kaya pag high tide, bumabalik din,” ani Geronimo.

Ito ay inayunan din ni Carlos Garcia, isang dating kapitan ng Barangay Perez sa bayan ng Bulakan, at isa ring beterano sa larangan ng pamamalaisdaan.

Ayon kay Garcia, kailangan ng maraming tubig ang dumaloy sa mga kailugan upang mapalitan ang maruming tubig doon.

“Karanasan na naming iyan na karaniwang dumadami ang isda sa ilog ilang buwan pagkatapos ng baha o tag-ulan dahil luminis ang tubig,” ani Garcia.

Maging sina Rodolfo Cabangis ng Barangay Pugad sa bayan ng Hagonoy at dating Bokal Patrocinio Laderas ay umayon din.

Gayunpaman, sinabi nila na kapag naitulak ng baha sa karagatan ang basura, ang mga isda naman sa karagatan ang napipinsala.

Bilang isang mangingisda sa baybayin ng Manila Bay sa loob ng 30 taon, binanggit ni Cabangis ang mga pygmy shark na sumasad sa dalampasigan ng Malolos sa mga nagdaan taon.

Ayon kay Cabangis, matapos mamatay ang pygmy shark at binuksan ang tiyan nito upang magsagawa ng necropsy o pagsusuri at natuklasang nakakain ng maramin plastic ang malaking isda.

“Isipin na lang natin na yung malalaking isda ay kinakain ang plastic, pero yung maliliit lalo na yung mga similya pa lang, ano mangyayari sa kanila kapag napasok sa sa plastic na naanod sa tubig,” ani Cabangis at sinabing ang isda at karaniwang pasulong ang paglangoy at madalang ang paurong.  (Dino Balabo)

SPECIAL REPORT (1/3): Polusyon sa kailugan, nagpababa sa produksyon ng isda sa Bulacan





HAGONOY, Bulacan—Katulad ng ibang ina, maagang gumising si Lorie Umali upang ipagluto ng almusal ang kanyang mga supling na papasok sa eskwela.

Habang hinihintay niyang maluto ang sinaing, sinimulan na niya ang pagpiprito ng hotdog, ang paboritong ulam sa almusal ng kanyang mga anak na nagsisilbi ring pangunahing pagkukunan ng protina.

Kung minsan ay tocino o longganisa ang kanyang niluluto para sa almusal at sa kanyang pagluluto ay nagbabalik sa kanyang balintataw na noong siya ay bata pa, ang katulad na ulam ay ihinahahanda lamang kapag may okasyon tulad ng Pasko o kaya ay kaarawan.

Para kay Umali, mas madaling lutuin ang mga katulad na ulam at kung minsan ay mas mura pa kaysa isda.

Ngunit mayroon pang isang paliwanag hinggil sa unti-unting pagkakahilig ng mga tao sa mga processed meat at pagbabago ng preperensiya sa pagkukunan ng protina na halos ay hindi napapansin ng marami.

Ito ay ang unti-unting pagbaba ng produksyon ng isda partikular na sa lalawigan ng Bulacan na isinisisi na patuloy na polusyon sa kailugan.

Ang pagbaba ng produksyon ng isda sa Bulacan ay nagsimulang maramdaman nng mga mangaingisda at namamalaisdaan noong ikalawang bahagi ng dekada 90, matapos ang mahigit 10 taon ng masaganang ani sa mga palaisdaan at panghuhuli ng mga isda sa karagatan.

Iisa ang sinisisi ng mga mga opisyal ng pamahalaan at ng sektor ng pangingisda sa pagbaba ng produksyon ng isda sa lalawigan.

Ngunit magkakahwalay ang kanilang pananaw kung ano ang higit na nagiging sanhi nito.

Para sa mga opisyal ng pamahalaan, ang pangunahing sanhi ng polusyon sa kailugan ng Bulacan ay ang kakulangan sa pagpapatupad ng batas para sa pagsisinop ng basura o Republic Act 9003 na kilala rin bilang Ecological Solidwaste Act of 2000.

Inayunan ito ng ilang mangingisda, ngunit para sa mga namamahala ng mga palaisdaang may sukat na 50 ektarya pababa, ang pangunahing sanhi ng polusyon sa katubigan ng mga kailugan ay ang sobra-sobrang paggamit ng aqua feeds sa mg naglalakihang palaisdaan.

Ngunit aliman sa dalawa ang tunay na sanhi ng polusyon, hindi pa rin maitatanggi ang pagbaba sa taunang produksyon sa isda ng Bulacan na nakakaapekto daan-daang libong pamilyang Bulakenyo na umaasa sa isda para pagkunan ng protina at pagkain, at libo-libong pang pamilya na ang ikinabubuhay ay pangingisda.

Bilang patunay ng pagbaba ng produksyon ng isda sa lalawigan ng Bulacan, sinaliksikng mamamahayag na ito ang tala ng Bureau of Agricultural Statistics (BAS) ng Department of Agriculture (DA) mula 2004 hanggang 2011.

Sa unang tingin ay parang maliit lamang ang ibinababa bawat taon ng produksyon, ngunit kung titingnan ang ibanaba sa mas mahabang panahon, ito ay nakakabahala, bukod pa sa kalagayang ang populasyong halos 3-Milyon ng Bulacan ay tumataas ng mahigit tatlong porsyento bawat taon.

Ayon sa tala ng BAS, ang kabuuang produksyon sa isda ng Bulacan noong 2004 ay umabot sa 53,804.3 metriko tonelada, na bumaba sa 40,790.91 metriko tonelada noong 2011.

Maliban noong 2008 kung kailan ay medyo umangat ang produksyon sa 51,768.93 metriko tonelada, malinaw sa tala ng  BAS ang pagbaba ng produksyon sa bawat taon sa loob ng walong

Bilang isang lalawigang ang lokasyon ay biniyayaaan ng kabundukan, malapad na parang, mahahabang ilog at malawak na dalampasigan, ang Bulacan ay pangunahing lalawigan sa bansa sa produksyon ng bangus na pinalalaki sa mga palaisdaang ang tubig ay brackish water o naghahalo ang tubig tabang mula sa kailugan at tubig alat mula sa karagatan.

Ngunit ang karangalan bilang pangunahing bangus producer ng bansa ay posibleng di magtagal dahil sa patuloy din ang pagbaba ng produksyon ng bangus sa Bulacan.

Batay sa tala ng BAS, umabot sa 34, 785.00 metriko tonelada ang produksyong bangus ng Bulacan noong 2004.

Ngunit noong 2011, ito ay bumaba sa 23,019.66 o mahigit 10,000 metriko tonelada.

Para sa Panglalawigang Tanggapan ng Pagsasaka, ang pagbaba ng produksyon sa isda ng Bulacan ay sanhi ng pinagsama-samang problema na patuloy na humahamon sa industriya.

“It’s a confluence of many factors,” ani Michael De Guzman ng nasabing tanggapan.

Sa kanilang taunang ulat, inilahad ng tanggapan ang ilan sa mga dahilan ng pagbaba ng produksyon ng isda sa lalawigan at kabilang ditoang epekto ng climate change, patuloy na polusyon sa katubigan, at ang paglilipat ng gamit ng mga palaisdaan mula sa pagpapalaki ng bangus patungo sa paggmit nito sa pagpaparami ng fry o binhi.



Ang iba namang palaisdaan, ayon sa ulat ng tanggapan ay lumipat sa pag-aalaga ng sugpo mula sa pag-aalaga ng bangus.

Ngunit ang higit na nakakabahala ay ang pagbaba ng mahigit na 70 porsyento sa taunang produksyon ng mga namamalakaya sa Bulacan o commercial fishing sector.

Batay sa tala ng Pangalalawigang Tanggapan ng Pagsasaka, ang produksyon ng mga namamalakaya sa lalawigan noong 2001 ay 2,151 metriko tonelada na bumaba sa  469,27 metriko tonelada noong 2009.

Ang kalagayan ng pangisdaan sa Bulacan ay hindi lingid kay Dr. Remedios Ongtangco, ang direktor ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Gitnang Luzon.

Naniniwala si Ongtangco na maraming dahilan ang polusyon sa katubigan, ngunit mas naniniwala siya na iyon ay sanhi ng kakulangan sa pagsisinop ng basura.

Ipinaliwanag ng direktor na ang isda ay nabubuhay sa tubig at kailangan nito ng malinis na tubig.

Ayon kay Ongtangco, ang kalidad ng tubig ay nakakaapekto sa lahat ng lamang tubig, nasa karagatan man o sa mga palaisdaan.

Sa panayam, nilinaw niya na ang susi para sa malinis na tubig ay nasa pagpapatupad ng batas sa pagsisinop ng basura.

“Our local government units are the ones responsible for waste anagement and unless the truly implement it, our fish production will aways be threaten,” aniya.

Inayunan ito ni Abogado Rustico De Belen, ang dating hepe ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO) ng kapitolyo ng Bulacan,

Inamin ni De Belen na ang di pagsisinop ng basura at kakulangan sa pagpapatupad ng RA 9003 ng mga pamahalaang lokal tula dng mga bayan, lungsod at mga barangay ang mga pangunhing sanhi ng polusyon sa katubigan.

Bilang halimbawa, binanggit niya ang mga basurang plastic na karaniwang makikita sa mga sapa, ilog at iba pang daang tubig sa lalawigan.

Ngunit para sa beteranong namamalaisdaan na si Pedro Geronimo ng Barangay Sto. Rosario sa bayang ito, hindi lamang basurang di nasinop ang sanhi ng polusyon.

Sa panayam, binigyang diin niya ang sobrang paggamit ng mga aqua feeds ng mag malalaking palaisdaan sa lalawigan.

“Semi-intensive pa lang yung sistema nila, pero apektado na ang maliliit na palaisdaan at mga mangingisda kapag nagpatapon ng tubiga ng mas malalaking palaisdaan,” ani Geronimo.

Ang kanyang tinutukoy ay ang mga namamahala sa mga palaisdaang mahigit 50 ektarya ang lawak, na kung minsan ay umaaabot pa sa 1,000 ektarya.

Kinumpirma din ito nina Patrocinio Laderas at Lito Lacap.

Si Laderas ay isang beteranong namamalaisdaan sa bayang ito na nagsilbong Bokal sa mula 2001 hanggang 2010, samantalang si Lacap ay pangulo ng Integrated Services for the Development of Aquaculture (ISDA), isang samahan ng mga namamahala sa malalaking palaisdaan sa Bulacan at ibang bahagi ng Gitnang Luzon.

Ayon kay Laderas, kapag kumikita ang mga namamalaisdaan, naiingganya ang mga ito na bumili pa ng mas maraming palaisdaan upang mapalawak ang negosyo.

Ngunit ayon sa kanya, kapag sumobra ang lawak ang palaisdaang pinamamamahalaan, doon nagkukulang sa akmang pamamahala.

“Nagiging bahala na ang sistema, hindi scientific,” ani Laderas.

Iginiit niya na simula dekada 80 ay higit na lumakas ang industriya ng pamamalaisdaan sa bayang ito, ngunit pagdating ng 1995, napilitan siyang ilipat ang operasyon niya sa Bikol dahil mas malinis ang tubig doon.

“Marumi na ang tubig sa Bulacan kaya lumipat ako sa Bikol, pero di nagtagal nagkaroon din ng mga minahan sa Bikol at naperwisyo palaisdaan ko,” ani ng dating Bokal.

Katulad ni Geronimo isa sa tinukoy ni Laderas na sanhi ng polusyon ay ang sobrang
paggamit ng aqua feeds.

Hindi naman itinanggi ito ni Lacap, sa halip ay sinabi niya na nagsisimula ng magbago ng pamamaraan sa pamamalaisdaan ang kanilang mga kasapi.

Ayon kay Lacap, nagbibigay ng patlang ang mga kasapi nila sa paggamit ng pamamaraang tradisyunal at intensive fish farming.

Ngunit para kay De Belen, ito ay bahagi lamang ng mas malawak na problema sa basura, at iginiit na ”they might be correct that excessive use of aqua feeds is a factor in
water pollution, but poor waste management remain as primary factor.”

Upang tugunan ang problema sa basura sa lalawigan, sinabi ni De Belen nagsagawa sila ng isang summit para sa Provincial Solidwaste Management Board upang bigyang direksyon ang mga mabababang pamahalaang lokal.

Ayon kay De Belen, “nasa mga bayan, lungsod at barangay pa rin ang bola sa solidwaste management, kasi sa kapitolyo hanggang sa technical guidelines lang kami, sila pa rin ang pagpapatupad ng batas.”

Sa kabila naman ng summit, hindi pa rin halos kumilos ang mas nakakararaming pamahlaang lokal sa lalawigan.

Bilang patunay, sinabi ni De Belen na marami pa rin bayan sa lalawigan ang gumagamit ng open dumpsite, ang iba sa mga ito ay malapit sa katubigan.

Itinatakda ng Implementing Rules and Regulation ng RA 9003 na ang  mga basurahan o sanitary landfill ay dapat mahigit 50 metro ang layo sa mga tubig.

Una rito, kinondena ni Obispo Pablo David ng Pampanga ang patuloy na operasyon ng mga open dumpsite sa Gitnang Luzon.

Sa kanyang talumpati sa mga dumalo sa isinagwang environmental summit para sa mga guro na isinagawa sa  La Consolacion University-Philippines (LaCUP), hinikayat din ni David ang mga lumahok na idimanda ang mga pamahalaang lokal na di sumusunod sa RA 9003.

Ito ay bilang tugon sa mas naunang pahayag ni Lormelyn Claudio, ang direktor ng Environmental Management Bureau (EMB) sa Gitnang Luzon na nagsabing hindi nila basta makasuhan ang mga pamahalaang lokal dahil kasama nila ito sa pagpapatupad ng batas.

Ayon kay Claudio, mahigit na sa 80 pamahalaang lokal sa Gitnang Luzon ang nagpahayag na ipatutupad ang RA 9003 matapos nilang balaan ang mga ito na sasampahan ng kaso. (Dino Balabo)

(PAALALA MULA SA PATNUGOT:  Ito ang una sa tatlong ulat na bunga ng pagsasaliksik ng may akda bilang isa sa mga kalahok sa Environmental Investigative Reporting Fellowship sa ilalim ng International Women's Media Foundation (IWMF) na nakabase sa Washington DC, USA.  Ang may akda ay isa sa 10 mamamahayag na sumasalalim sa isang taong fellowship training na nagsimula noong Hunyo).