Pages

Monday, January 21, 2013

ARAW NG REPUBLIKA: PNoy, “El Presidente” at “Darna”lalahok sa Araw ng Republika




MALOLOS—Payak ang inihandang pagdiriwang para sa paggunita ng ika-114 na taon ng Araw ng Republika sa Barasoain sa Enero 23 na idineklarang isang non-working holiday sa Bulacan ng Malakanyang.

Ngunit inaasahang dudumugin ito ng mga Bulakenyo na nais masilayan hindi lamang si Pangulong Benigno Aquino, kungdi ang mga bituin ng pinilakang tabing na nagsiganap sa mga pelikulang “El Presidente” at “Darna.”

Kaugnay nito, kinumpirma ni Gob. Wilhelmino Alvarado noong Sabado, Enero 19 inimbitahan bilang panauhing tagapagsalita si Pangulong Aquino sa nasabing pagdiriwang.

Ngunit iginiit niya na may posibilidad na hindi makarating ang Pangulo dahil sa aalis ito ng bansa sa nasabing araw upang dumalo sa pulong ng mga opisyal sa World Economic Forum (WEF) sa Swrizerland.

“Naghihintay pa kami ng kumpirmasyon,” ani Alvarado at iginiit na walang pasok sa Bulacan sa Enero 23 dahil sa Proclamaton No. 533 na nilagdaan ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr.m noong Disyembre 12.

Layunin ng proklamasyon ang malawakang pag-alaala sa nasabing araw na inilarawanni Alvarado bilang araw ng pagsilang ng pamahalaang Pilipino.

Iginiit pa niya na noon pang nakaraang linggo ay abala na ang kapitolyo at ang pamahalaang lungsod ng Malolos sa paghahanda para sa payak na pagdiriwang.

“Gusto kasi ng Pangulo ay simpleng pagddiriwang lamang dahil tinamaan tayo ng kalamidad noong Agosto at iba pang bahagi ng Pilipinas bago matapos ang 2012,” ani Alvarado sa kanyang lingguhang programang “the Governor’s Hour” na isinahimpapawid sa Radyo Bulacan noong Sabado, Enero 19.

Sa kabila naman ng pagahahanda para sa payak na pagdiriwang, inaasahang dudumugin ng mga Bulakenyo ang pagdiriwang dahil sa inaasahang pagdating ni Gob. ER Ejercito ng Laguna at Gob. Vila Santos ng Batangas.

Ang dalawa ay kapwa dating bituin sa pinilakang tabing ngunit paminsan-minsan ay gumagawa pa rin ng pelikula.

Si Gob. Santos ay higit na napatanyag sa kanyang pelikulang “Darna” Sis. Stella L” at iba pa, samantalang katatapos lamang ni Gob. Ejercito sa pelikulang “El Presidente.”

Bukod sa dalawang gobernador, inaasahan din ang paglahok nina Gob. Juanito Victor Remulla ng Cavite, Lilia Pineda ng Pampanga, Aurelio Umali ng Nueva Eciaja, Victor Yap ng Tarlac, Wilhelmino Alvarado ng Bulacan at Mayor Alfredo Lim ng Maynila.

Ayon kay Mayor Christian Natividad, ang mga nasabing opisyal ay kanilang inanyayahan sa layuning higit na mapalawak ang pagdiriwang ng Araw ng Republika.

“Hindi lang Bulacan ang nakinabang sa pagpapasinaya ng Republika sa Malolos noong 1899, buong Pilipinas ang nakinabang, pero ang Bulacan lamang ang gumugunita sa Araw ng Republika,” ani Natividad.

Nilinaw din niya ang dahilan ng pag-iimbita sa mga pinuno ng mga nasabing lalawigan at lungsod.

Ayon kay natividad ang mga nasabing lalawigan at lungsod ay kumakatawan sa walong sinag ng araw sa watawat ng Pilipinas.

Ang walong sinag na araw sa bandila ay kumakatawan sa unang walong lalawigang nag-aklas at lumahok sa rebolusyon laban sa rehimeng Kastila sa Pilipinas.

No comments:

Post a Comment