Pages

Tuesday, January 15, 2013

PNoy imbitado sa ika-114 na taong pagdiriwang ng Araw ng Republika




MALOLOS—Umaasa si Gob. Wilhelmino Alvarado sa paglahok ni Pangulong Benigno Aquino III sa pagdiriwang ng ika-114 na guning taon ng pagpapasinayan sa kauna-unahang Demoraktikong Republika sa Asya sa Enero 23.

Ang nasabing araw ay idineklarang ni Aquino bilang isang non-working holiday sa lalawigan ng Bulacan ayon sa Proclamation No. 523 na nilagdaan ni Executive Secretary Paquito Ochoa noong nakaraang Disyembre 10.

Ito ay matapos magpahatid ng imbitasyon sa Pangulo ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa pamumuna ni Dr. Serena Diokno.

Kaugnay nito, itatampok sa isang eksibisyon ang mga memorabilia at obra ng dalawang Bulakenyong  pambansang alagad ng sining na sina Ernani Cuenco at Guillermo Tolentino sa pagsasagawa ng taunang Fiesta Republika ng Lungsod ng Malolos na magsisimula sa Enero 17 at matatapos sa Enero 30.

“Sana ay makarating ang Pangulo, at sana walang makasabay na appointment sa January 23,” anio Gob. Alvarado sa kanyang lingguhang palatuntunang “the Governor’s Hour” na isinasahimpapawid sa Radyo Bulacan.

Ang pahayag ay ginawa ni Alvarado noong Sabado, Enero 12.

Ipinabatid ng punong lalawigan na ang imbitasyon sa Pangulo ay naipahatid na ng NHCP.

“Umaasa ako na makakarating ang Pangulo dahil malapit sa kanyang puso ang kasaysayan,” ani Alvarado.

Binigyang diin pa niya lubhang mahalaga ang pagdiriwang ng Araw ng Republika para sa bansa at inilartawan pa na “ito ang birthday  Republika ng Pilipinas, dito tayo nagsimula.”

Hinggil sa pagdedeklara ng Pangulo na isang non-working holiday ang Enero 23 sa lalawigan ng Bulacan, sinabi ni Alvarado na ito ay isang magandang pasimula.

Gayunpaman, sinabi niya na dapat ay buong bansa ang gumugunita sa Araw ng Republika at hindi ang Bulacan lamang.

“Dapat at national holiday ito,” ani ng punong lalawigan at binanggit na nagpasa siya ng isang panukalang batas sa kongreso noong siya ay isa pang kongresista.

Hindi pa napagtibay ang nasabing panukalang batas, kaya’t ito ay muling inihain sa Kongreso ni Kint. Marivic Alvarado, ang maybahay ng gobernador.

Kinatigan naman ng mga historyador sa lalawigan ang panukala ng mag-pasawang Alvarado na itakda bilang isang national holiday ang Araw ng Republika tuwing ika-23 ng Enero.

Ayon kay Isagani Giron, dating pangulo ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan (Sampaka), ang Araw ng Republika at dapat gunitain ng bawat Pilipino.

Ito ay dahil sa ito ang kauna-unahang demokratikong republika sa buong Asya.

Ang Araw ng Republika ay pinasinayaan sa makasaysayang simbahan ng Barasoain noong Enero 23, 1899 matapos mapagtibay ang Saligang Batas ng Malolos ng mga kasapi ng Kongreso ng Malolos.

Ang nasabing Kongreso ay pinasinayaan noong Setyembre 15, 1898 at siya ring nagpatibay sa kalayaang idineklara ni Heneral Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite noong Hunyo 12, 1898.

Samantala, itatampok sa idaraos na Fiesta Republika sa lungsod na ito ang eksibit ng mga memorabilla at obra ng mga National Artists na sina Ernani Cuenco at Guillermo Tolentino.

Layunin nito na maipagmalaki at maipakilala sa bagong henerasyon ang mga dakilang likhain ng mga Pambansang Alagad ng Sining na anak ng Malolos.

Naging popular si Tolentino dahil sa kanyang likhang Oblation na makikita sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman at ang Bonifacio Monument na matatagpuan sa Lungsod ng Kalookan.

Noong Hunyo 24, 2012, ginanap ang paghawi ng tabing sa pananda ng kasaysayan na inilagay ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas sa kanyang pook na sinilangan, sa Sabitan, Sto Rosario.

Samantala, si Cuenco na mula sa Barangay Tikay ay kilala bilang isang magaling na kompositor.

Ilan sa mga pinatanyag nyang komposisyon ang “Gaano ko ikaw kamahal “ at “ Kalesa”.

Ang Tolentino y Cuenco Exhibit ay bubuksan sa Enero 17 kasabay ng pagbubukas ng Fiesta Republika sa Museo ng Barasoain at tatagal ito hanggang Enero 30.

Muling isasagawa ang taunang Fiesta Republika kaalinsabay ng ika-114 guning taon ng  pagkakatatag ng unang republika ng Pilipinas sa Malolos.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment