Saturday, February 23, 2013

Bus mula sa probinsya lilimitahan sa MM upang lumuwag ang Edsa





LUNGSOD NG VALENZUELA—Tiniyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH)  na malilitahan ang operasyon sa Edsa ng mga bus na bumibiyahe  mula sa mga lalawigan.

Ito ay sa layuning higit na mapaluwag ang daloy ng trapiko sa Edsa, ang pangunahing lansasangan sa Kalakhang Maynila.

Ayon kay Kalihim Rogelio Singso ng DPWH, magtatayo sila ng tatlong terminal ng mga provincial bus sa kahabaan ng Edsa.

Ito ay matatagpuan sa Trinoma sa North Edsa, sa Uniwide Sales at sa FTI terminal sa lungsod ng Taguig.

Ayon kay Singson, layunin ng panukalang mga central terminal sa mga bus na mapaluwag ang daloy ng trapiko sa Edsa.

Para naman sa mga bus na bumibiyahe sa loob ng kalakhang Maynila, sinabi ng Kalihim na pinag-aaralan na nila ngayon ang pagtatayo ng mga elevated bus bay sa kahabaan ng Edsa.

“We will construct elevated bus platform or loading and unloading bays along Edsa,” ani Singson sa panayam ng Mabuhay noong Pebrero 7 sa lungsod na ito.

Ang konstruksyon ng nasabing elevated bus platform ay maaaring masimulan bago matapos ang buwan ng Mayo.

“Mukhang hindi makukuha sa disiplina driver at pasahero,  hindi na sila makakababa o sakay except sa mga designated bus platform,”  ani Singson.

Ipinaliwanag pa niya na ang pagpapaluwag ng daloy  ng trapiko sa Edsa ay isa sa mga problemang nais resolbahin ng administrasyong Aquino.

Iginiit pa niya na ang pagtatayo ng mga terminal para sa mga provincial bus ay isa sa mga tinututukan ng pangulo.

“The President’s major concern is how can we accelerate establishment of provincial bus terminals, kailangan kasing mailagay sa tamang lugar,” sabi ni Singson.

Ayon pa sa Kalihim, ang pagtatayuo ng central terminakl sa mga bus na bumibiyahe sa hilaga at timog Luzon ay isa sa mga problemang dapat masolusyunan bago simulan ang rehabilitasyon sa Edsa.

Bukod sa mga bus, sinabi niya na kasama sa rehabilitasyon sa Edsa aya ng pagtatanggal sa mga sidewalk vendors, mga istraktura at pagtukoy sa mga alternatibong daan.

Sinabi rin ni Singson na dapat ng magsagawa ng clearing sa mga kalsada sa kalakhang Maynila, matuloy man o hindi ang rehabilitasyon sa Edsa.

Inihalimbawa pa niya ang kalagayan sa Taft Avenue na inilarawan pa niya bilang “lawlessness.”

“Tingnan ninyo ang Taft Avenue, may mga tindahan, kung minsan may naliligo  o naglalaba pa sa kalye and that’s lawlessness already,” ani ng Kalihim.

Iginiit pa niya na, “kailangan ituloy ang rehab sa Edsa, kasi obligasyon ng gobyerno to restore local and national roads.”

Hinggil naman sa nagrereklamong publiko na maaapketuhan ng pagpapatupad ng mga proyektong pang imprastraktura, nakiusapa ng kalihim.

“Maaaring magsabay-sabay pero kakayanin natin, pero ang kailangan natin mula sa publiko ay pangunawa. Gusto ba nila ay extended o unti-unti ang paggawa, o mabilisan na may sakripisyo,” sabi niya.  Dino Balabo

Ilegal na posters sa Bulacan, sinimulang baklasin


Isa sa mga unang ipinatanggal  ng Comelec ang tent na ito sa paradahan  ng tricycle sa sa Hagonoy.



HAGONOY, Bulacan—Nagsimula ng magbaklas ng mga campaign posters na wala sa common poster area sa bayang ito ang ilang tauhan ng kandidato noong Huwebes, Pebrero 21.

Ito ay matapos iutos ni Abogado Elmo Duque, provincial election supervisor sa Bulacan ang pagsasagawang imbestigasyon hinggil sa mga illegal campaign posters.

Ang utos ni Duque ay kaugnay ng mga larawang kuha ng Mabuhay at iba pang Bulakenyo na ngayon ay naka-post sa mga social networking sites tulad ng Facebook.com.

Ang mga nasabing larawan ay inilathala sa Facebook.com 10 matapos magsimula ang kampanya ng mga kandidatong senador at party-list group.

Isa sa mga unang poster na tinanggap sa bayang ito ay ang poster ng Alay Buhay partylist dating nakalagay sa bakod ng munisipyo.

Ngunit ang iba pang poster ay hindi pa natatanggal ng katulad na poster ng nasabing party-list group sa terminal ng tricycle sa kabayanan ng Hagonoy, at mga poster ni Bro. Eddie Villanueva sa mga post eng kuryente at bakod ng kapitolyo sa Malolos.

 Maging ang mga poster ng mga kandidatong bise-alkalde ng bayang ito na sina Tina Perez at Lamberto Villanueva ay hindi pa natatanggal habang sinusulat ang balitang ito noong Huwebes ng gabi, Perbero 21.

Ayon kay Duque, ang mga kandidato at partidong sangkot sa paglalagay ng mga poster sa labas ng itinakdang common poster area ay padadalhan nila ng sulat upang tanggalin ang mga mga nasabing poster sa loob ng tatlong araw.

Ito ay matapos maimbestigahan at maidokumento ng Commission on Elections (Comelec) ang mga nasabing poster sa pamamagitan ng pagkuha ng larawan.

Batay sa pahayag ng Comelec, ang mga campaign posters na wala sa common poster area ay ilegal.

Ang pagbabawal na ito ay itinatakda ng Comelec Resolution No 9615 kung saan ay sinasabi ring bawal maglagay ng poster sa mga poste at kable ng kuryente, pader, punong kahoy, at maging s amga pampublikong istraktura, partikular na sa mga pag-aari ng gobyerno tulad ng mga tulay at bakod at gusali ng pamahalaan.

"The Comelec Resolution is very clear. Candidates may be allowed to put up their posters in designated Common Poster Areas (CPAs), but at their own expense. Sila ang gagastos para sa istruktura para makabit nila ang kanilang mga poster," ani James Jimenez, tagapagsalita ng Komisyon.

Idinagdag pa niya na "We cannot just allow candidates to post their campaign materials on electric posts, trees and other public structures. That is why we are allowing them to set up temporary structures in designated Common Poster Areas for the exclusive purpose of displaying their campaign materials."

Batay sa Resolusyon Bilang 9615 ng Comelec, ang mga partido at kandidato ay maaaring magtayo ng isang  common poster area sa bawat barangay na may 5,000 rehistradong botante.

Maaari ding maglagay ang mga partido at kandidato ng common poster area sa mga plaza, palengke, barangay centers, at lansangan na maraming dumadaan.

Nilinaw pa ng Comelec na ang mga common poster area at dapat may sukat lamang na 12 talampakang haba  at anim na talampakan ang taas.

Para sa mga indipendiente, ang commpion poster area ay dapat lamang may sukat na anim na talampakan ang haba at apat na talampakan ang taas. Dino Balabo

Thursday, February 14, 2013

Pagbibitiw ng Santo Papa, ikinalungkot ngunit hinangaan



Papa Benedicto XVI.  Ang larawang ito ay mula sa NY Daily News.



MALOLOS—Ikinalungkot ng mga Bulakenyo ang pahayag ngpagbibitiw sa tungkulin ni Papa Benedicto XVI , ngunit kaalinsabay nito ang paghanga sa pinuno ng may 1.2 Bilyong kasapi ng simbahang katoliko sa mundo.

Kaugnay nito, marami naman ang nagpahayag ng pag-asa sa posibilidad na isang Pilipino ang susunod na Santo Papa matapos mapaulat na kabilang si Cardinal Luis Antonio Tagle ng Maynila sa 10 pangunahing “papabili” o pagpipilian bilang susunod na pinuno ng Simbahan.

Ayon kina Bro. Eddie Villanueva at dating Gob. Roberto Pagdanganan, malungkot na balita ang pahayag ni Papa Benedicto XVI noong Lunes.

Ito ay patungkol sa pagbibitiw sa tungkulin ng Papa bilang pinuno ng may 1.2-B kasapi ng Simbahang Katoliko.

Isa sa pangunahing dahilan na binaggit ng Papa sa kanyang pabibnitiw sa tungkuling sa katapusan ng buwan ay ang kanyang kalusugan sanhi ng hinog na edad.

Inilarawan ni Villanueva ang desisyon ng Santo Papa bilang “ “supreme sacrifice”  at palatandaan ng “selflessness” sa dapat gayahin ng iba ng lider.

“I salute him for that. It is a sign of greatness,” ani  Villanueva sa panayam ng Mabuhay matapos ang paglulunsad ng kanyang kandidatura sa Capitol Gymansium sa lungsod na ito noong Martes bilang Senador sa ilalim ng bandila ng Bangon Pilipinas Party.

Bilang tagapagtatag ng Jesus Is Lord Movement (JILM), sinabi ni Villanueva na ang desisyon ng Santo Papa ay nag-ugat sa malalim na pagkakaunawa nito sa kapangyarihan ng krus at ng muling pagkabuhay ng Panginoong Hesus.

 “I read his two books, and he (Pope) has very clear understanding of the power of the cross and resurrection.  Sana lahat ng leader ay katulad niya na hindi kapit tuko sa posisyon,” sabi pa niya.

 Iginiit niya na ang bawat lider ng anumang organisasyon ay dapat maunawaan mvga prinsipyo ng “sense of selflessness, greatness and destiny.”

“He said he cannot do his job effectively anymore, that’s selflessness and other leaders must emulate him,” ani Villanueva.

 Para naman kay dating Gob. Pagdanganan kahanga-kahang ang desisyon ng Santo Papa.

“I am saddened, I thought he was doing well,” ani ng dating gobernador.
Idinagdag pa niya na “it is not only an act of sacrifice, it is noble act.”.

Ikinagulat ng buong mundo ang pahayag ni Papa Beedicto XVI noong Lunes.

Siya ang unang Santo Papa na magbibitiw sa tungkulin sa loob ng nadaang 600 taon, ayon sa mga ulat.

Pagkatapos naman ng bibitiw sa tungkulin ng Santo Papa sa katapusan ng buwan ay agad na magpupulong ang mga cardinal ng simbahan.

Kabilang dito ai Cardinal Luis Antonio Tagle ng Diyosesis ng Maynila

Ikinagalak naman ng maraming Pilipino ang posibilidad na si Tagle ang susunod na Santo Papa matapos mapabilitang kasama siya sa 10 “papabili.”

Ayon sa Reuters, isang wire news service, walang opisyal na kandidato para maging susunod na Santo Papa.

Implementasyon ng mga DPWH proj, di para sa LP candidates


 

LUNGSOD NG VALENZUELA—Pinabulaanan ni Kalihim Rogelio Singson ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga paratang na ang proyekto ng kanyang ahensya ay ginagamit para sa pagpapalakas ng kandidatura ng mga kasapi Liberal Party sa halalan sa Mayo.

Ito ang kanyang iginiit matapos pangunahan ang groundbreaking ceremony ng North Luzon Expressway (NLEX) Harbor Link project sa Valenzuela City kahapon.

Ayon sa Kalihim, noong pang nakaraang taon nakaplano ang mga proyektong pang-imprastraktura ng admininstrasyong Aquino.

“Hindi po pangkampanya ang mga infrastructure project na aming ipinatutupad ngayon. As a matter of fact, noong pang last year nakalista yon,” ani Singson.

Iginiit pa niya na mahigit 50 porsyento ng mga proyektong isasagawa sa taong ito ay nai-subasta na at nailabas na ang advertisement sa mga pahayaga.

“Transparent pong lahat iyan at nakalagay lahat sa aming website,” aniya.

Sa pagsusuri ng Mabuhay sa website ng DPWH, napag-alaman na kabilang sa mga malalaking proyektong isinasagawa at isasagawa ng ahensiya sa Bulacan ay ang mga flood control project sa Calumpit at konstruksyon ng North Food Exchange (NFEx) sa bayan ng Balagtas.

Ayon pa kay Singson, walang pinilipining proyekto ang administrasyong Aquino.

“We will implement projects regardless of party affiliation,” at hinamon pa ang mga nagbigay malisya sa mga proyekto na bisitahin ang mga proyekto o kaya ay magtano sa mga distrito.

Pinaalalahanan din niya ang publiko na kung marami ang naabala sa mga ginagawang proyekto noong nakaraang taon, asahan na mas marami ang mga proyektong gagawin ngayon.

Ito ay makaraang tumaas ng 55 porsyento ang pondo ng ahensya na umakyat sa P129-Bilyon mula sa dating P82.8-bilyong pondo.

Paliwanag ni Singson, ang dagdag na pondo ay resulta mula sa isang consensus ng Philippine Developmemnt Forum sa Davao City noong nakaraang linggo na nagsasabing mababa ang infrastructure investment sa bansa kumpara sa mga kasamang bansa sa South East Asian Nation (ASEAN).

“We failed in our commitment last year. That’s why we agreed to increase investments on infrastructure from 2.6 percent of our gross domestic product last year to five percent by 2016.”

Dagdag pa niya, sinisimulan na ang paghahanap ng kontraktor para sa mahigit dalawang libong proyekto ng ahensya sa 2013 bago pa magsimula ang election ban sa pagtatapos ng buwan ng Marso.

“Because of the election ban, which starts tail end of March, we have already advertised and started conducting the public bidding for 2,395 projects nationwide. That’s already 89 percent of the projects we are supposed to undertake in 2013,” ani Singson.
Ayon sa kanya, 25 porsyento ng pondo ng ahensya ay mapupunta sa Mindanao; 22 porsyento sa Northern Luzon habang 20 porsyento naman nito ay sa Southern Luzon.   Ron-ron Lopez at Dino Balabo