Pages

Sunday, February 3, 2013

Alvarado kumpirmadong unopposed




MALOLOS—Kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) na walang katunggali sa halalan sa Mayo ang gobernador ng Bulacan na si wilhelmino Alvarado.

Ito ay matapos diskwalipikahin ng Comelec En Banc  ang dalawang indipendienteng kandidato sa pagkagobernador ng Bulacan.

Ayon kay Abogado Elmo Duque, provincial election supervisor sa lalawigan na ang decision ng Comelec ay batay sa kanyang rekomendasyon matapos ang pakikipagpulong sa mga apparent nuisance candidates sa lalawigan noong Oktubre.

Almera
Sa panayam sa telepono, sinabi ni Duque na “gusto naming matiyak na hindi magiging katatawanan ang halalan sa Bulacan.”

Matatandaan na noong Oktubre ay pinulong ni Duque ang pitong apparent nuisance candidates sa lalawigan kabilang ang dalawang indipendienteng kandidatong gobernador na sina Jaime Almera at Ernesto Balite.

Ipinaliwanag ni Duque na layunin ng nasabing pulong na masukat ang kakayahan ng mga kandidato na makapagsagawa ng kampanya sa buong lalawigan, partikular nsa sa mga kandidato bilang gobernador.

Ang nasabing pulong ay nasundan ng rekomendasyon ni Duque sa Comelec Law Department, at noong Enero 18, nagpalabas ng desisyon ang Comelec En Banc.

Balite
Ayonkay Duque, ang desisyon ng Comelec En Banc ay pinal na.

Batay sa impormasyon na nakatala sa website ng Comelec (www.comelec.gov.ph), tanging ang pangalan ni Alvarado ang nakatala bilang kandidfatong gobernador sa lalawigan.

“Iyan na ang final list ng certified candidates for the 2013 elections,” ani Duque patungkol sa nakatala sa website ng Comelec.

Iginiit pa niya na ang nasabing impormasyon o talaan ng mga kandidato ang ililimbag ng Comelec simula Pebrero 4 sa gagamiting balota para sa halalan sa Mayo 13.

Kaugnay nito, sinabini Duque na hindi pa nakakapgdesisyon ang Comelec sa kaso ng diskwalipikasyon na isinampa ni Kinatawan Marivic Alvarado ng unang distrito ng Bulacan laban sa kanyang nag-iisang katunggali na si Sahiron Salim, isang retiradong pulis.

Bilang isang indipendienteng kandidato, nagsumite ng Certificate of Candidacy (COC) si Salim bilang kanditatong kongresista sa unang distrito ng Bulacan noong Oktubre.

Ngunit makalipas ang ilang araw ay nagsampa ng kaso para sa kanyang diskwalipikasyon si Kint. Alvarado.

Sa kanyang petisyon sa Comelec, sinabi ni Kint. Alvarado na si Salim ay kumandidatong gobernador sa lalawigan ng Sulu noong 2010 at nakaipon ng pinakamaliit na bilang ng boto sa mga nagtunggali.

Kaugnay nito, sinabi ng mga tagamasid sa pulitika sa lalawigan na kapag natuloy ang diskwalipikasyon kay Salim, ang mag-asawang Alvarado ang kauna-unahang mag-asawang kandidato sa halal na posisyon sa lalawigan na walang katunggali.

Sa naunang panayam kay Jose Rey Munsayac, isang dating Bokal, ang mga kumandidatong gobernador sa Bulacan sa nagdaang 20 taon ay pawang may katunggali.

Gayunpaman, sa kabila ng may nakatalang kalaban sa balota ay halos hindi naman naramdaman ang epekto ng oposisyon sa kandidatura ng mga dating gobernador na tulad nina Roberto Pagdanganan at Josefina Dela Cruz sa kanilamng magkahiwalay na kampanya mula 1988 hanggang 2004. (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment