Pages

Monday, February 4, 2013

KAHIT WALANG PONDO: Media monitor sa halalan palalawakin ng CMFR


CMFR Executive Director Melinda Quintos-De Jesus with seminar workshop participants.


LUNGSOD NG MAKATI—Sa kabila ng kawalan ng pondo, tiniyak ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR) ang muling pagsasagawa ng media monitoring sa coverage sa halalan.

Bukod dito, sinabi rin ng CMFR, ang pangunahing media watch dog sa bansa, na mas higit nilang palalawakin ang kanilang monitoring.

Ayon kay MelindaQuintos-De Jesus, CMFR executive director, makikipag-ugnayan sila sa mga pamantasan, non-governmental organization at mga mamamahayag para sa boluntaryong pagmomonitor sa halalan.

“We don’t have enough funds this year, but we will still conduct a broader monitoring of reports for the 2013 elections,” ani Quintos-De Jesus sa panayam matapos ang isinagawang seminar-workshop hinggil sa Responsible Journalism and Press Freedom na isinagawa sa Asian Institute of Management (AIM) Conference Center sa lungsod na ito noong Enero 30 hanggang Pebrero 2.

Iginiit pa ni De Jesus na “we will ask journalists in the provinces and other volunteers from colleges and universities.”

Sa panayam, sinabi niya ang kahalagahan ng monitoring sa news coverage sa panahon ng halalan dahil nakatutulong ito sa pagbibigay ng perspektibo sa pag-uulat ng mga mamamahayag.

Bilang isang media watchdog sa bansa, ang CMFR ay unang nagsagawa ng media news coverage sa halalan noong 1992.

Ito ay ipinagpatuloy nila sa mga sumunod pang halalan, at pagkatapos ng bawat halalan ay isinasalibro nila ang kanilang ulat kasama ang pagsusuri sa mga ulat.

Noong 2010, higit na pinalawak ng CMFR ang kanilang monitoring sa tulong ng Cebu Citizens Press Council (CCPC) sa pamamagitan ng pagsasagawa ng katulad na gawain sa lalawigan ng Cebu.

Kabilang sa gawain sa isinagawang monitoring ay ang pagsusuri sa halaga ng mga ginugol ng mga kandidato sa mga anunsyo sa radyo, telebisyon at mga pahayagan.

Nagsagawa rin sila ng pagsusuri sa tema ng mga mensahe sa mga balitang nailathalata at naisahimpapawid.

Ayon kay Luis Teodoro, deputy executive director ng CMFR, lubhang mahalaga ang pagsasagawa ng monitor.

Ito ay dahil sa nakatutulong ito sa mga mamamahayag at mga pahayagan at himpilan ng telebisyon at radyo na maituwid ang mga pagbabalita at madagdagan ang mga pagkukulang sa paghahatid ng balita.

Kabilang dito ay ang pagbibigay ng higit na pansin sa mga isyu na dapat tutukan ng mga kandidato sa halip na pagpapasikat lamang sa kanilang sarili.

Ayon pa kay Teodoro, nakakatulong din sa mga botante ang monitor dahil mas nagiging makahulugan ang mga ulat ng mga mamamahayag.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment