Pages

Saturday, March 2, 2013

COMELEC: Aaksyunan ang sumbong sa Radyo Bulacan




MALOLOS—Walang panahon para magbukas ng Facebook ang Commssion on Elections (Comelec ) sa Bulacan upang tunghayan angmga sumbong laban sa mga lumalabag sa batas ng halalan.

Ito ay sa kabila ng paghikayat ng punong tanggapan ng Comelec samga botante na gamitin ang social media upang isumbong o ipabatid ang mga lumalabag sa batas.

Ngunit sa kabila ng kawalan ng panahon para magbukas ng Facebook ng Comelec-Bulacan, hinikayat din nila ang mga botante na ipahatid sa mga mamamahayag partikular na sa Radyo Bulacan ang mga sumbong.

Ito naman ay ipababatid ng Radyo Bulacan at ibang pang mamamahayag sa Comelec Bulacan.

“Makatitiyak kayong aaksyunan naming ang inyong mga reklamo basta ipinadaan sa mga media at Radyo Bulacan,” ani Abogado Elmo Duque sa panayam ng Radyo Bulacan noong Martes, Pebrero 26.

Ang pahayag ni Duque ay kaugnay ng tanong kung gagawa at magbubukas ang Comelec-Bulacan ng sariling account sa Facebook.com upang doon ipahatid ng mga Bulakenyo reklamo partikular na sa mga ilegal poster.

Ito ay kaugnay ng artikulong inilabas ng Mabuhay hinggil sa pagpapatanggal ng Comelec Bulacan sa mga tarpaulin poster ni Bro. Eddie Villanueva sa bakod ng Kapitolyo at ng mga katulad na poster ng Alay-Buhay party list sa mga terminal ng tricycle sa bayan ng Hagonoy noong Pebrero 21.

Ilegal na poster na ipinatanggal
“Wala na kaming oras kahit magbukas lang ng Facebook,” ani Duque.

Ipinaliwanag niya na ang limitadong bilang ng mga kawani ng Comelec sa lalawigan ay kasalukuyang nakatutok sa pagsasagawang mga voters education campaign.

Layunin ng kampanya ang pagapapataas ng antas ng kaalaman ng mga botante para sa tapat, malinis payapa at makahulugang halalan sa Mayo.

Sinabi niya na magsasagawa ang mga tanggapan ng Comelec sa bawat bayan ng mga voters education campaign simula ngayong Marso.

Gayunpaman, sinabi niya na hindi nila tinatalikuran ang pagpapatupad ng batas sa halalan, partikular na sa ilegal poster.

Sa panayam, nagpasalamat si Duque samga nagsisipag-ulat sa kanila kung saan matatagpuan ang mga ilegal na poster sa lalawigan.

Inihalimbawa niya ang mga poster ni Villanueva at ng Alay Buhay partylist na matapos makunan ng mamana ito ay itinawag sa Comelec Bulacan.

“Kailangan natin ang aktibong pagbabantay sa halalan upang mapigilan ang mga pandaraya at paglabag sa batas,” ani ng Abogado.

Iginiit niya na matapos matawag ang pansin hinggil sa mga ilegal poster sa kapitolyo at Hagonoy, agad din niyang tinawagan ang mga tagapag-ugnay ng mga kandidato maging ang election officer sa mga nasabing bayan upang tanggalin ang mga poster.

Ipinaliwanag ni Duque na ang mga campaign posters ay dapat nakalagay sa mga common poster area.

“Pag wala sa coomon poster areal, ilegal yan, maliban yung mga mga nasa private properties na may permiso,”aniya.

Sa pag-iikot naman ng mamamahayag na ito sa bayan ng Plaridel, Bocaue, Balagtas, Guiguinto, Paombong at Hagonoy, at maging sa Malolos, muling napansin ang mga poster ng kandidato sa mga poste.

Ilan sa mga ito ay muling nakunan ng larawan.

Sa bayan ng Baliwag, ilang residente na rin ang nagsimulang kunan ng larawan ang mga poster na nasa mga post eng kuryente.
 
Ang mga nasabing larawan at naka-post na sa sa isang Facebook group ng mga taga-Baliwag na tinatawag na Baliwag Socio-Political Group.

Una rito, ipinayo ni Comelec Commissioner Grace Padaca ang paggamit mga social networking sites sa pag-uulat ng mga paglabag sa batas ng halalan.

Ito ay nasundan ng pagbubukas ng Comelec ng sariling Twitter at Facebook accounts.

Sa panayam ng Mabuhay kay Padaca noong Disyembre, ang mga reklamo ay maaaring matagalan bago mahatatulan, ngunit maaaring gamitin ang mga larawan sa social networking sites upang mapuwersda ang mga kandidato na ituwid ang kanilang pangangampanya.  Dino Balabo

No comments:

Post a Comment