Pages

Wednesday, April 17, 2013

Bantayan ang mga dam upang matiyak ang katatagan




LUNGSOD NG MALOLOS—Ligtas pa rin ang mga dam sa Gitnang Luzon matapos yumanig ang isang lindol na may lakas na magnitude 5.4 noong Huwebes, Abril 4 na tumama sa Baler, Aurora.

Ngunit ipinayo ni Inhinyero Roderick Dela Cruz na kailangang magsagawa ng pagbabantay at pagsusuri sa mga dam upang matiyak ang katatagan ng mga ito.

Sa kanyang presentasyon noong araw ding iyon sa mga opisyal ng Kapitolyo, National Power Corporation (Napocor) at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), sinabi ng dam safety expert na sa Amerika, kapag lumindol ng mas malakas sa magnitude 5, agad silang nagsasagawa ng mga pagsusuri.

Ito ay dahil sa iyon ang itinatakda ng kanilang batas at pamantayan sa pamamahala sa mga dam.

“We want to be sure of the safety of our facilities,” ani Dela Cruz sa pagsisimumula ng kanyang presentasyon mahigit isang oras matapos lumindol.

Bilang isang lead dam safety engineer ng Southern California Edison (SCE), si Dela Cruz ay namamahala sa 82 naglalakihang dam na ang mga edad ay nasa pagitan ng 80 hanggang 100 taon.

Inihayag niya na ang mga kritikal na istraktura ng dam na dapat suriin matapos ang lindol ay ang dike, spillway at iba pang bahagi.

Ito ay upang matukoy kung may naiwang pinsala ang lindol, maliit man o malaki.

Ayon kay Dela Cruz, ang regular na pagsusuri sa mga istraktura ng dam ay isa sa mga benepisyong pagkakaroon ng isang national dam safety law na itinakda ng pamahalaang pederal at estado ng Amerika.

Sa Pilipinas,nagpahayag siya ng kalungkutan na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring national dam safety law.

Binigyang diin pa niya ang kalagayang ibat-ibang pangkat ang namamahala sa mga dam sa bansa.

“There are many stakeholders in dam operations in the Philippines, but there is no single office that monitors the dams because there is no law on dam safety,” ani Dela Cruz.


Nagpahayag din siya ng kalungkutan na sa kasalukuyan ay natutulog sa Kongreso ang panukalang batas para sa national dam safety program.

Kaugnay nito, tiniyak ng Napocor na nananatiling matatag ang Angat Dam sa bayan ng Norzagaray matapos ang lindol noong Abril 4.

“Hindi naman masyadong naramdaman dito,” sabi ni Inihinyero Rodolfo German, ang general manager ng Angat River Hydroelectric Power Plant (Arhepp).

Iginiit pa ni German na ang karaniwang nagsasagawa ng pagsusuri sa Angat Dam ay ang Napocor Dams and Waterways division kasama ang mga kinatawan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Gayunpaman, hindi masagot ni German ang katanungan kung agarang nagsagawa ng pagsusuri sa Angat dam ang Napocor at ang Phivolcs matapos ang lindol.

Ang Angat Dam ay itinayo at sinimulang gamitin 43 taon na ang nakakaraan.

Ito ay napipintong isailalim sa kauna-unahang rehabilitasyon matapos matukoy sa mga pag-aaral na ang dike ng dam ay nakatayo di kalayuan sa splay o sanga ng Marikina West Valley Faultline.

Ayon sa Philvolcs, ang nasabing faultline ay gumagalaw sa pagitan ng 200 at 400 taon. Sa kasalukuyan, natapos na ang 200 taon ng di paggalaw ng faultline.

Ito ay nangangahulugan na anumang oras ay maaaring gumalaw at lumikha ng lindol na may lakas na magnitude 7.2 ang faultline. Dino Balabo

No comments:

Post a Comment