Pages

Wednesday, April 17, 2013

IWMF humanga sa unang pangkat ng Pilipinong mamamahayag na sumailalim sa fellowship



LUNGSOD NG PASIG—Humanga ang International Women’s Media Foundation (IWMF) sa siyam na Pilipinong mamamahayag na sumailalim sa Environmental Investigative Reporting Fellowship na natapos noong Sabado, Abril 6.

Kaugnay nito, ikinagalak ng beteranang investigative journalist na si Marites Vitug ang pagbubukas ng programa ng IWMF sa bansa upang mapataas ang antas ng kasanayan ng mga mas batang mamamahayag.

“Nagulat si Nadine sa quality ng mga report ninyo, hindi niya inaasahang ganoon kabigat at kaganda ang magiging produkto ninyo,” sabi ni Imelda Abano, ang program manager ng IWMF sa bansa at pangulo ng Philippine Network of Environmental Journalists (PNEJ).

Ang tinutukoy ni Abano ay Nadine Hoffman-De Cicco, ang director of programs ng IWMF na nakabase sa Washington DC, sa Estados Unidos.

Sina Abano at Hoffman-De Cicco ay nagkausap sa telepono noong gabi ng Biyernes, Abril 5 o ilang oras bago isagawa ang huling sesyon at pagtatapos ng fellowship na nagsimula noong Hunyo 2012.

Idinagdag pa ni Abano na ikinumpara ni Hoffman-DeCicco ang kakayahan ng mga Pilipinong mamamahayag sa ibang mamamahayag na lumahok sa ibang programa ng IWMF sa ibang bansa.

Ang siyam na piling mamamahayag sa bansa na nakasama sa walong buwang pagsasanay at fellowship ay sina Purple Romero ng Rappler.com, Riziel Cabreros ng ANC, Rouchele Dinglasan ng GMA Network, Anna Valmero ng Loqal.ph, Malou Guieb ng Business Mirror, Rhodina Villanueva ng Philippine Star, Bong Sarmiento ng BusinessWorld at MindaNews, Lira Fernandez ng Interaksyon.com, at Dino Balabo ng Radyo Bulacan, Mabuhay, Punto Central Luzon at Philippine Star.

Hindi nakasama sa mga nagsipagtapos ng fellowship si Kate Alave ng Philippine Daily Inquirer at GMA Network dahil sa tawag ng tungkulin sa ibayong dagat.

Ang bawat isa sa siyam na IWMF fellow ay sumailalim sa mga serye ng pagsasanay sa loob ng walong buwan at nakapaglathala at nakapagsahimpapawid ng tatlo hanggang apat na special report.

Ang mga special report ay karaniwang tumalakay sa mga usaping may kaugnayan sa kalikasan tulad ng pagmimina, pagsisinop ng basura, pagbaha, pagkakalbo ng kabundukan, biodiversity, pagsasaka at produksyon ng isda.

Bawat isa sa siyam na IWMF fellows ay ginabayan ng mga beteranong mamamahayag na tulad nina Marites Vitug, Howie Severino, Miriam Grace Go, Robert Jaworksi Abano, Abner Mercado, Red Batario, Nonoy Espina, Malou Mangahas at Tonette Orejas.

Ayon sa IWMF, layunin ng walong buwang fellowship na maihanda ang mga kalahok sa pagbuo ng mga “innovative, in-depth reporting on environmental issues in the Philippines, highlighting the voices of women.

Ang bawat isa siyam na fellows ay tumanggap ng sertipiko ng pagkilala at tig-P80,000 suporta sa panahon ng pagsasanay at pagbuo ng mga special report.

Kaugnay nito, magpahayag ng kagalakan si Vitug sa pagbubukas ng IWMF ng programa sa bansa
“I am glad IWMF started a program in the Philippines, which our young journalists deserve,” ani Vitug.

Bilang isa sa mga mentor na gumabay sa mga kalahok sa fellowship, idinagdag pa niya na, “I really feel helping the successor generation, it was good chance to mentor you all. We don’t like to end up in the field with only the gray hair dominant.”

Ayon pa kay Vitug, nararapat sa larangan ng pamamahayag ngayon ang batang mamamahayag na may “fresh mind, innovative spirit and lots of imagination.” Dino Balabo

No comments:

Post a Comment