Pages

Friday, May 24, 2013

Bokal Fermin bagong Senior Board Member



MALOLOS—Nasungkit ni Bokal Michael Fermin ang karangalan bilang Senior Board Member ng Sangguniang Panglalawigan matapos magtamo ng pinakamataas na porsyento ng boto.

Ikinagalak ito na Fermin at nagpasalamat sa pagtangkilik sa kanya ng mga botante mula sa unang distrito.

“Maraming salamat, hindi ako makapaniwala  na ako ang magiging Senior Board Member,” aniya sa isang panayam sa telepono noong Mayo 21.

Ito ay dahil sa si Fermin ay nagmula sa bayan ng Calumpit na nasasakop ng unang distrito.

Kumpara sa Lungsod ng Malolos at bayan ng Hagonoy, mas mababa ang bilang ng botante sa Calumpit.

Ang Lungsod ng Malolos ay sinasabing teritoryo ng muling nahalal na si Bokal Ayee Ople at sa Hagonoy naman nagmula ang muli ring nahalal na Bokal na si Felix Ople.

Batay sa tala ng Commission on Elections (Comelec), umabot sa 282,857 aqng botante sa unang distrito na bumoto sa katatapos na halalan.

Sa nasabing bilang, umabot sa 167,051 ang nakuhang boto ni Fermin para sa 59.05 porsyento ng kabuuang bilang ng bumotong botante.

Pumangalawa naman sa kanya si Felix Ople na nakakuha ng botong 157,104 o 55.54 porsyento; at pangatlo si Ayee Ople na ang botong 151,776  ay 53.65 porsyentong kabuuang bilang ng bumoto.

Ang pumang-apat ay si Bokal Enrique Dela Cruz na may kabuuang botong 153,263 o 52.81 porsyento ng kabuuang bilang ng bumoto na 290,164 sa ikalawang distrito.

Ang panglimang puwesto ay nakuha ni Bokal Enrique Delos Santos ng ikapat na distrito na may kabuuang botong 193,446 o 50.18 porsyento ng kabuuang bilang na 385,449 ng botante na bumoto sa ika-apat na distrito.

Ayon kay Fermin, hindi niya inaasahan na magiging senior board member dahil mas mataas ang botong nakuha ng mga kapwa halal na Bokal.

Ngunit ayon kay Abogado Elmo Duque, ang Provincial election supervisor sa Bulacan ang pagpili sa Senior Board Member ng Sangguniang Panglalawigan ay batay sa porsyento ng bilang ng boto ng nanalong kandidato at kabuuang bilang ng bumoto sa kanilang distrito.

Ang resulta ng pagpili sa Senior Board Member ay inilabas ng Comelec noong Martes, Mayo 21 o walong araw matapos ang halalan.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment