Pages

Friday, May 24, 2013

Ikalawang termino ni VG Fernando sasabayan ng pagbabalik sa teleserye



MALOLOS—Tiniyak ng Bise-Gobernador ng Bulacan na higit siyang magiging aktibo sa mga teleserye at muling mapapanood sa telebisyon matapos na muling mahalal.

“Babalik ako sa mga teleserye, I will be more active this time,” sabi ni Bise-Gob. Daniel Fernando sa isang esklusibong panayam.

Isa sa sa mga layunin ng pagbabalik sa telebisyon ng aktor na naging pulitiko ay makaipon ng pondo para sa matustusan ang itinayo niyang Dunong Filipino foundation.

Ang Dunong Filipino Foundation ay nagbibigay ng iskolarsip sa mga kapuspalad na mag-aaral sa Bulacan.

“Nagsimula na kami ngayong taon ito at may 100 scholars na kami, balak namin ay magdagdag pa para mas marami ang matulungan,” ani ng Bise Gobernador.

Binigyang pa ng diin ni Fernando na ang programa ng Dunong Filipino foundation ay isang ayuda sa sa programa ng kapitolyo.

Batay sa tala, umaabot na sa 13,000 ang bilang ng mga kabataang nasa ilalim ng scholarship program ng kapitolyo.

Ngunit sa kabila nito, may mga Bulakenyo pa rin na hindi nakakapasok sa iskolarsip kaya binuo ni Fernando ang Dunong Filipino foundation.

“Tulong naming ito sa programa ni Gob. Willy Alvarado, kaya kalahati lang ng scholarship ang ibinigay namin,” sabi ni Fernando.

Iginiit pa niya na ang kanyang kikitain sa mga teleserye ay kanyang ibubuhos sa Dunong Filipino Foundation.

Dahil dito itinanong ng mamamahayag na ito ang posibilidad na maapektuhan ng pagbabalik sa telebisyon ni Fernando ang kanyang tungkulin bilang bise gobernandor ng lalawigan.

“Hindi naman, nakipag-usap na ko para sa schedule para hindi magkasabay,” sabi niya patungkol sa mga producer at network.

Ayon pa sa kanya posibleng kontrabida ang maging papel niya sa teleserye.

Bilang aktor at bise gobernador ng lalawigan itinanong din ng mamamahayag na ito kung ano ang higit na mas mahalaga kay Fernando.

“Mahirap talikuran yung isa para sa isa.  Napapaligaya ko ang mga tao kapag nasa teleserye ako dahil na-e-entertain ko sila, pero napapasaya ko rin sila kapag naglilingkod ako sa kanila,” aniya.

Si Fernando ay produkto ng mga grupo san a gumaganap sa teatro sa Bulacan hanggang gumanap siya sa pelikulang “Scorpio Nights 1.”

Siya ay nagsimula sa pulitika matapos na italaga bilang tagapangulo ng Sangguniang Kabataan sa Barangay Tabang,Guiguinto.

Noong 1998, natalo siya sa kanyang kandidatura bilang bise alklade ng Guiguinto, ngunit nahalal na Bokal ng ikalawang distrito noong 2001 at 2004.

Noong 2007, natalos siya sa kanyang kandidatura bilang bise gobernador ng Bulacan, ngunit nagwagi siya noong 2010 at muling nahalal nitong Mayo 13 kung kailan ay nakaipon siya ng kabuuang botong 914,960.

Ito ang pinakamataas na bilang ng boto na nakuha ng isang lokal na kandidato sa isang halalan sa Bulacan. (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment