Pages

Tuesday, May 7, 2013

PCOS sa bawat presinto sa Bulacan, kasado na







LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan- Nakagayak na ang mga Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine na nakadestino sa bawat presinto para sa nalalapit na kalagitnaang terminong Halalan sa Mayo 13, 2013.

Patunay dito ang pagkukumpleto sa kabuuang 1,962 na mga PCOS machine na naipakalat sa may 554 na mga presinto o polling center sa Bulacan. Ayon kay Atty. Elom Duque, Provincial Election Officer ng Commission on Elections (COMELEC) sa lalawigan, bukod sa tapos na ang pagdedeliber ng nasabing mga PCOS, selyado na rin ito ng mga security precautions upang matiyak na maging malinis, mapayapa at kapani-paniwala ang parating na halalan.

“Sa pagseselyo ng ating mga PCOS, pinapatunayan lamang na walang ‘hokus-PCOS dito. Lahat ng mga nagtatangka na magkakadayaan, dadayain dahil may kasabwat sa COMELEC o sa mga titsers, lahat ng iyan ay misleading opinion without concrete basis. Huwag tayong magpadala sa mga espikulasyon dahil nakakagambala ito sa dapat na maging mapayapang halalan. Bago mag-sealing, nagkaroon pa tayo ng mock-voting. Ang bawat kunwari ay bumoto, sila mismo ang nagpasok ng kanilang balota sa ating PCOS. Pagkatapos, binilang natin ito ng manual para makita na accurate ang bilang ng PCOS machine sa bawat ipapasok na balota sa araw ng botohan,’ paliwanag pa ni Duque.

Ayon naman kay Gng. Olivia Clemente, isang guro ng Barasoain Memorial Elementary School na kasapi ng Board of Election Inspectors (BEI) sa presintong nakadestino rito, malaki ang pagkakaiba ng manu-manong halalan, na sa mahabang panahon ay nakagisnan at pinagtiisan, kumpara sa ngayo’y moderno at mabilis na sistema ng automated elections. 

“Dati noong manual lang, nagsisimula ang bilangan pagakatpos lamang ng halalan kaya inaabot ng madaling araw ang pagbibilang at pagud na pagod ang mga guro. Sa automated, sa bawat ipinapasok na balota ng isang botante, ang timano, nabibilang na agad. Kaya pagkatapos ng oras ng botohan, bilang na. Ipapasa na lang namin sa municipal canvassing center ang election return na nasa thermal paper na dati nasa isang malaking envelope pa,” pagkukwento pa ni Clemente.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Atty. Duque na hindi mababalam ng kahit na anong ‘power interruption’ ang magiging resulta ng halalan dahil may back-up na chargeable battery ang bawat PCOS na sinertipikahan ng Department of Science and Technology (DOST) na bukod pa sa mga naging pagsasanay ng ahensiya sa mga gurong magiging BEI. Sakali namang magka-aberya ang isang partikular na PCOS, agad aniya itong iuulat sa COMELEC Headquarters sa Maynila upang makapagpadala ng back-up PCOS sa mismong araw na iyon.

Samantala, tinataya ng COMELEC na makakapagproklama ng lahat ng mga nanalong kandidato sa Mayo 14, 2013 o isang araw matapos ng mismong halalan. Matatandaan na noong Mayo 10, 2010, na siyang kauna-unahang pampanguluhang halalan na automated, Mayo 12 pa lamang ay nakapagproklama na ng mga nanalo basta “huwag lang magkakaroon ng delay sa transmittal ng mga resulta mula sa mga bayan na agad namang naiaayos kung may problema sa signal,” ani Duque. Shane Frias Velasco, PIA

No comments:

Post a Comment