Pages

Friday, May 17, 2013

Pinakamaraming boto sa kasaysayan ng halalan sa Bulacan, nakamit ni Fernando




MALOLOS—Congrats! Ang lakas mo Vice Gov!

Ito ang magkakahiwalay na pagbating ipinahatid ng mga Bulakenyo sa muling nahalal na Bise-Gobernador ng Bulacan na si Daniel Fernando matapos malathala sa Mabuhay Newspaper-Bulacan fan page ang larawan niya na may nakalagay na mensaheng “highest vote earner.”

Ito ay dahil sa ang bise-gobernador na isa ring artista ang nag-iisang kandidato sa lokal na posisyon na nakaipon ng pinamakataas na bilang ng boto sa isang halalan sa kasaysayan ng Bulacan.

Kaugnay nito, apat pang artista o celebrity na kumandidato sa ibat-ibang halal na posisyon sa lalawigan ang hindi pinalad na magwagi katulad ni Fernando na unang nakilala sa pelikulang “ScorpioNights 1.”

Ayon kay Abogado Elmo Duque, provincial election supervisor ng Commission on Elections (Comelec) sa Bulacan, mahigit sa kalahati ng 1,497,873 rehistradong botante sa Bulacan ang bumoto sa releksyunistang bise gobernador na hinamon ng dalawang katunggali.

Batay sa certificate of canvass and proclamation (COCP) na ipinagkaloob ng Provincial Board of Canvassers (PBOC) kay Fernando, umabot sa 853,558 Bulakenyo ang bumoto sa bise gobernador.

Ngunit hindi pa kasama sa nasabing bilang ang boto mula sa lungsod ng Meycauayan.

Batay sa pinal na tala ng PBOCang kabuuang botong naipon ni Fernando ay 914,960.

Ang nasabing bilang ay mas mataas sa mahigit 894,593 botong naipon ni Gob. Wilhelmino Alvarado na kumandidato bilang unopposed o walang kalaban.

Ang kabuuang botong naipon ni Alvarado ay ang pinakamatyaas na boto para sa isang gobernador sa kasaysayan ng lalawigan.

Ayon kay Duque ang naipong boto ni Fernando sa halalan ngayong 2013 ay ang pinakamataas na bilang ng boto na naipon ng isang lokal na kandidato sa isang halalan sa kasaysaysan ng Bulacan.

Sa panayam ng Mabuhay, itinanong kay Duque kung ang bilang ng botong naipon ni Fernando ay pinakamataas din sa iba pang lalawigan Luzon.

Ngunit ayon kay Duque, hindi pa niya ito masabi at iginiit na “I could only speak for this province.”

Ang mahigit 800,000 botong naipon ni Fernando sa katatapos na halalan ay higit na mas mataas sa botong mahigit na 535,000 sa halalan noong 2010.

Sa panayam ng Mabuhay matapos ang proklamasyon, mapakumbabang inilarawan ni Fernando ang bilang ng botong naipon ng kanyang sabihing “tsamba lang.”

Sa patuloy na pagtatanong ng Mabuhay sinabi niya na”siguro naramdaman ng tao na ang ating tanging layunin ay maglingkod para sa kapakanan ng lalawigan.”

Hinggil sa mga kapwa artista o celebrity na hindi pinalad sa kanilang kandidatura, simpleng ang naging mensahe ni Fernando.

“May bukas pa, kung talagang nasa puso ang paglilingkod, ituloy lang ninyo,” aniya at idinagdag pa na ang mga artista ay hindi lang popularidad ang puhunan, sa halip ay may puso ring handang maglingkod.

Ang iba pang celebrity na kumandidato sa Bulacan at ang artitang si Alex Castro na natalo bilang Bise-Alkalde sa Marilao; at ang mang-aawit na si Rey Valera na natalo rin sa pagka-bise alkalde ng Meycauayan.

Maging ang mang-aawit na si Imelda Papin ay hindi pinalad sa pagka-kongresita ng Lone District ng Lungsod ng San Jose Del Monte; gayundin ang komedyanteng si Long Mejia na muling natalo sa pagka-konsehal Calumpit.

Itoang ikalawang pagkatalo sa nasabing posisyon Mejia, samantalang si Castro ay unang nahalal na konsehal ng Marilao noong 2010.

Ipinayo pa ni Fernando sa mga natalong celebity na “huwag kayong susuko” na batay sa kanyang sariling karanasan.

Matatandaan na noong 1998, kumandidatongunit natalong bilang bise alkalde ng Guiguinto si Fernando; ngunit noong 2001, siya at nahalal na Bokal ng ikalawang distrito ng lalawigan.

Muli siyang nahalal noong 2004, ngunit noong 2007, kumandidato siya bilang bise gobernador; ngunit tinalo siya noon ni Kint. Wilhelmino Alvarado.

Noong 2010, nagtambal sina Alvarado at Fernando at kapwa sila nagwagi bilang gobernador at bise gobernador ayon sa pagkakasunod.

Bago pumasok sa pulitika si Fernando, siya ay itinalaga at nanungkulan bilang tagapangulo ng Sangguniang Kabataan ng Barangay Tabang sa bayan ng Guiguinto.

Kasunod nito ay ang pagpasok niya sa teatro noong dekada 80 hanggang sa mapabilang sa bumubuo ng pelikulang “Scorpio Nights 1.” (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment