Pages

Sunday, May 12, 2013

VM Violago nahaharap sa patong-patong na kaso




 
Violago
SAN RAFAEL, Bulacan—Tatlong magkakahiwalay na kaso ang hinaharap ng bise-alkalde ng bayang ito kaugnay ng pagpaslang sa isang pulisya na diumano’y kaibigan niya.

Batay sa mga dokumento, sinampahan ng kasong murder ng mga kaanak ng pinaslang na si SPO1 Rafael Bartolome si Cipriano Violago, ang kasalukuyang bise alkalde at kandidatong alkalde sa bayang ito.

Si Violago ay sinampahan ng kaso nina Luz, Rolando, Rael, Leonarda, Estrelita at Herbert na pawang may apelyidong Bartolome, at ni Adorable Bartolome-Parabas; pawang mga kaanak ni SPO1 Bartolome na pinaslang noong Mayo 13, 2012 sa bayang ito.

Kaugnay nito, nagsampa rin ng mga kasong grave coercion at obstruction of justice sa Ombudsman for Luzon si Supt. Boy Hernandez, hepe ng bayang ito laban kay Violago.

Ang nasabing kaso at kaugnay na kasong preventive suspension na isinampa ni Hernandez laban kay Violago ay kapwa nakabinbin pa sa tanggapan ng Ombudsman for Luzon.

Veneracion: Binili lang
Samantala, biglang nagtago si Violago noong Mayo 8 o ilang araw bago maghalalan dahil sa pagpapalabas ng isang warrant of arrest (WOA) ni Judge Corazon Domingo-Ranola ng Regional Trial Court (RTC) Branch 10 laban kay Violago dahil sa kasong murder.

Noong Mayo 10, nagpalabas ng isang opisyal na pahayag sa video ang asawa ni Violago na si Maria Isabel, kasama ang mga kapartido ng bise alkalde at isinisi kay Mayor Lorna Silverio ang pagpapalabas ng WOA.

Ang nasabing WOA at inilarawan pa ni Kapitan Edison Veneracion, kandidatong Bise-Alkalde na kapartido ni Violago bilang "harassment."

Nag-akusa pa si Veneracion na “binili lang yung WOA.”

Ang pagpapatupad ng nasabing WOA ay pansamantalang ipinatigil ng special third division ng Court of Appeals noong Mayo 10 matapos umapela si Violago.

Dahil dito, muling nakapagpatuloy ng pangangampanya si Violago hanggang noong Mayo 11.

Samantala, nilinaw ni Mayor Silverio na wala siyang kinalaman sa warrant laban kay Violago dahil hindi siya kasama sa kaso.
 
Silverio: Convenient excuse
“I’m not a party to the case, bakit sa akin nila isinisisi ang warrant,” ani Silverio at iginiit na pulisya ang nagpursigeng magsampa ng kaso kay Violago.

Sinagot din ni Silverio ang mga paratang na binili ang WOA.

“Saan ba nakakabili ngayon ng warrant, baka yung TRO ay nabili din,”pahayag pa ng alkalde.

Ayon pa kay Silverio, kung may dapat panagutan sa batas si Violago ay dapat niya itong harapin at huwang siyang gamitin bilang “convenient excuse.”

“Dahil ba halalan, kaya sa akin nila isinisisi ang kaso nila, harapin na lang nila,” ani ng alkalde.

Ang mga kaso laban kay Violago ay nag-ugat sa pamamaslang kay SPO1 Bartolome sa Lapid’s Ville sa Barangay Tambubong ng bayang ito noong Mayo 13, 2012.

Bukod kay Violago, kinasuhan din ang apat niyang mga tauhan na sina Vergel dela Rosa Liquino, Barangay Pansumalok sa bayang ito; Nicolas Mangaluz alias Boyet at Joel Mangaluz ng Barangay Bahay Pare, Candaba, Pampanga; at Tristan S. Cruz IV, ng Barangay  Tanauan sa bayan ng Bustos.

Batay sa mga ulat ng pulisya, si Bartolome ay napaslang matapos rumesponde sa tawag ng isang kaibigan sa Lapids Ville.

Pagdating ni Bartolome sa lugar, pinagbabaril siya ng dalawang suspek.

Ang nasabing insidente ay isinisi kay Violago at sa kanyang mga tauhang kinasuhan rin.

Si Violago ay dating kapartido ni Silverio sa halalan noong Mayo 2010.

Siya ay ama ni Bokal Mark Cholo Violago, ang kinatawan ng Pederasyon ng Samahan ng mga Kapitan ng Barangay sa Sangguniang Panglalawigan ng Bulacan.
(Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment