Pages

Thursday, May 9, 2013

TINUTUGIS NG CIDG: Kandidatong mayor, 4 pa nagtatago




LUNGSOD NG MALOLOS —Tinutugis ngayon ng pulisya ang isang kandidatong alkalde sa Bulacan matapos magpalabas ng warrant of arrest ang korte kaugnay ng pagpaslang sa kaibigang pulis ng kandidato.

Ang kandidatong target ngayon ng Criminal Investigation Detection Team (CIDT) manhunt ay si incumbent Vice Mayor Cipriano Violago ng San Rafael na kasalukuyang tumatakbo sa pagka-alkalde ng nasabing bayan.

Si Violago at apat pang suspek ay pinaghahanap ng CIDT-Bulacan matapos magpalabas ng isang WOA noong Miyerkoles si Judge Corazon Domingo-Ranola ng Regional Trial Court (RTC) Branch 10 sa lungsod na ito kaugnay ng pagpaslang kay SPO1 Rafael Bartolome na isang operatiba ng CIDT noong May 13, 2012.

Ang apat pang itinuturong kasabwat ni Violago ay sina Vergel dela Rosa Liquino ng Barangay Pansumalok,San Rafael; Nicolas Mangaluz alias Boyet at Joel Mangaluz, kapwa ng Barangay Bahay Pare, Candaba, Pampanga; at Tristan S. Cruz IV ng Barangay Tanauan, Bustos, Bulacan.

Walang inirekomendang piyansa sa mga akusado.

Batay sa tala ng korte, nagsampa ng kasong murder ang CIDT laban kay Violago at apat pang suspek dahil sa pagpaslang kay Bartolome na sinasabing malapit na kaibigan ng kandidato.

Si Bartolome ay pinaslang ng dalawang nakamotorsiklong suspek sa Lapid’s Ville Subdivision sa Barangay Tambubong, San Rafael noong Mayo 13, 2012 matapos rumesponde sa tawag ng isang kaibigan.

Bilang isang kandidato sa halalan sa Lunes, si Violago ay tumatakbo sa ilalim ng bandila ng Liberal Party (LP) laban kay incumbent Mayor Lorna Silverio ng National Unity Party (NUP).

Si Violago ay nagsilbing running mate ni Silverio noong 2010 elections at ama ni Board Member Mark Cholo Violago, ang kinatawan ng ng Association of Barangay Captains (ABC) ng Bulacan sa Sangguniang Panglalawigan.

No comments:

Post a Comment