Pages

Monday, June 10, 2013

Bulacan, gugunitain ang ika-115 Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan



LUNGSOD NG MALOLOS –Sa temang “Ambagan Tungo sa Malawakang Kaunlaran,” sama-samang ipagdiriwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at ng libu-libong Bulakenyo ang ika-115 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas sa Hunyo 12, 2013, ganap na ika-8:00 n.u sa makasaysayang Simbahan ng Barasoain.

Layon ng nasabing taunang selebrasyon na maipaalala ang kahalagahan ng mga makasaysayang pangyayari at lugar sa Pilipinas partikular na ang papel na ginampanan ng Simbahan ng Barasoain bilang isa sa mga lugar na may malaking ambag sa pagkamit ng kasarinlan ng mga Pilipino.

Sinabi ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado na mas malaki ang magagawa at mapagtatagumpayan kung sama-samang kikilos ang bawat isa.

“Hindi natin makakamit ang kalayaan kung hindi nagsama-sama at nagtulung-tulong ang ating mga dakilang bayani. Kung nagawa nila noon na labanan ang mga mananakop magagawa natin ngayon na sama-samang labanan ang mga nagpapahirap sa lipunan, ang mga nagkukulong sa ating mga karapatan,” pahayag ni Alvarado.

Kasama ang iba pang mga opisyal ng Bulacan, pangungunahan ni Gob. Alvarado ang pagtataas ng watawat ng Pilipinas sa patio ng Simbahan ng Barasoain na susundan nang pag-aalay ng bulaklak sa rebulto ni Gen. Emilio Aguinaldo, ang kauna-unahang pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Inaasahang dadalo sa pagtitipon si Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr. bilang panauhing pandangal.

Katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan ang Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas sa pagsasakatuparan ng nasabing gawain.

Ang Araw ng Kalayaan ay isang taunang pambansang holiday sa Pilipinas na ipinagdiriwang tuwing  Hunyo 12, mula sa paglaya ng Pilipinas sa Espanya noong 1898. Ito ay ang itinuturing na Pambansang Araw ng bansa.

No comments:

Post a Comment