Pages

Wednesday, July 31, 2013

CLRAA 2013: P87.7-M kailangan sa rehab ng convention center

ni Dino Balabo
Ito ang Bren Z. Guiao Sports Complex sa Pampanga kung saan isasagawa ang CLRAA 2013.(Larawang kuha ni Ric Gonzales ng Central Luzon Business Week)


LUNGSOD NG MALOLOS—Dilapidated na!

Ito ang paulit-ulit na salitang ginamit ng mataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa paglalarawan ng ayon sa kanila’y “kalunos-lunos” na kalagayan ng Bren Z. Guiao Convention and Sports Center sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga.

Bukod dito, sinabi ng DPWH na “ninakawan” at “napabayaan” pa ang nasabing sports center kung saan ay pinaplanong  isagawa ang tunggaliang pampalakasan ng Central Luzon Regional Athletic Association (CLRAA).

Ang CLRAA ay isasagawa sa Disyembre 15 hanggang 20 ng taong kasalukuyan.

Ayon sa tanggapan ni Engr. Antonio Molano, direktor ng DPWH sa Gitnang Luzon, aabot sa P87.7 milyon ang gugugulin sa rehabilitasyon ng sports center upang maisagawa doon ang CLRAA halos limang buwan mula ngayon.

Sinabi ng DPWH, kabilang sa mga kukumpunihin ay ang track and field oval at Olympic size football field, swimming pool, parking lot, covered badminton court, drainage canal at ang sports center mismo na kinabibilangan ng basketball, volleyball, at tennis court.

“Dilapidated na ang rubber ng oval dahil sa flooding, wala na rin yung mga lighting, kaya kailangang i-replace lahat, at itaas ang oval ng one and a half meter,” ayon sa DPWH. Dahil dito,mangangailangan ng halagang P50.3 milyon para sa pagkukumpuni sa nasabing bahagi ng sports center.

Ang Olympic size swimming pool na huling kinumpuni noong 2004 ay mangangailangan ng P2.5 milyon. Ito ay dahil sa nilulumot na ang nasabing swimming pool bukod sa sira na rin ang mga makina nito.

Para sa parking area at drainage canal sa paligid ng sports center, gugugol ng halagang P3.4 milyon at P3.5 milyon, ayon sa pagkakasunod. Ito ay dahil sa napag-iwanan ng kalsada ang parking lot kaya’t iyon ang pinakamababang bahagi, gayundin ang may 1.3 kilometrong kanal na ayon sa DPWH ay dapat palakihin ang water holding capacity.

Ang parking lot ay planong itaas ng 0.7 meter upang maging mas mataas ito sa kalsada.

Ang convention center naman na may 3,000 metro kuwadrado ay mangangailangan ng P7.5 milyon dahil sira na at hindi gumagana ang mga air-conditioner nito.

Ang mismong sports complex na kinabibilangan ng basketball, volleyball, tennis at sepak takraw court ay mangangailangan ng P11.7 milyon.

Ito ay dahil sa lumulubog iyon sa baha at napabayaaan. Kailangan ding itaas ng 0.7 meter ang elevation ng sports complex.

Ang covered badminton court na may 552 metro kuwadrado ay mangangailangan ng P2.8 milyon, samantalang aabot sa P6.1 milyon ang magagastos para sa perimeter lighting.

Ayon sa DPWH, hindi ma maaaring pumasok sa loob ng covered court dahil sa ilang bahagi nito ay bumagsak na.

Palagi rin iyon na binabaha at walang linya ng kuryente na sa hinala nila ay ninakawan.

Ayon kay Kinatawan Oscar Rodriguez nakahanda silang tumulong para sa mabilisang pagpapakumpuni sa Bren Z.Guiao Convention and Sports Center.

“Nakakahiya na dito sa San Fernando isasagawa ang CLRAA kung hindi tayo nakahanda,”aniya.

Bilang dating alkalde ng Lungsod ng San Fernando, sinabi niya na nasa ilalim ng pamamahala ng Kapitolyo ng Pampanga ang sports center.

Ikinuwento niya na ang pagmamay-ari sa sports center at Pampanga High School ay tinangkang ilipat sa lungsod,ngunit hindi nakasama sa paglilipat ang pagmamay-ari sa lupain nito sa panahon ni dating Mayor Rey Aquino.

Nagpahayag din ng pag-asa si Rodriguez na mapopondohan ng DPWH at ng Department of Education ang pagpapakumpuni sa sports center sa lalong madaling panahon.

Ito ay dahil sa may sapat na pondo ang pamahalaang pambansa.

Ayon sa kinatawan, nagpasok ng kabuuang P28-bilyon kita ang mga government operated and controlled corporation (GOCC) noong Hunyo sa pamahalaang nasyunal.

Una rito, sinabi ni Isabelita Borres, direktor ng DepEd sa Gitnang Luzon na ang CLRAA 2013 ay napagkasunduang isagawa sa Pampanga sa Disyembre.

Ipinaliwanag pa niya na mula 2003, bukod sa Aurora, tanging ang Pampanga ang lalawigan sa rehiyon na hindi pa nagkakapag-host ng taunang palaro.

No comments:

Post a Comment