Pages

Saturday, August 3, 2013

Ang buhay ng isang guro



Ni Rica B.Vidal



Mahusay dumisiplina, tagapagtanggol ng mga mag-aaral,ang kanyang arali`y parang tubig sa batis ang linaw. Maayos sa kagamitan, pananamit at pagkilos, magalang at may pananampalataya sa Diyos.

Tumatayong pangalawang magulang natin sa eskwelahan, nagmumulat ng mga matang nakapikit at nagbubukas ng isipan tungo sa mga bagong kaalaman.

Walang kapagurang tsine- tsek ang ating mga papel at kinu - compute ang mga grado natin upang makita ang ating galing sa akademiko.

Tama ka kaibigan !

Siya si Titser, Maestra, Mam at Sir na kasama-sama natin tuwing sasapit araw ng Lunes, Martes, Miyerkules, Huwebes at Biyernes. Ang taong gumagabay sa bawat aralin sa paaralan, na madalas din nating pinasasakit ang ulo, lalo na kung di tayo nakikinig  sa mga leksyon n`yang ibinibibigay.


Maituturing nating isang aklat na nakabukas sa tuwi-tuwina dahil handang-handa siya sa mga katanungan natin araw- araw. Na kahit nakukulitan, patuloy  pa rin si Mam sa pagsagot.

Kapag tinawag sa tungkulin, walang Sabado o Linggo sa kanya. Iiwanan anumang gawain sa bahay at susunod sa utos ng nakatataas.

Hirap na hirap sa pagba -budget ng oras, mapa -pamilya at gawaing pampaaralan. Tapos na ang maghapon sa paaralan dala pa rin ang malaking bag na naglalaman ng ibat- ibang klase ng papel na tatapusin pa sa bahay kung may oras pa. Di na nga n`ya makuhang magsuklay at magpulbos kaya nakataas na lang ang kanyang buhok  sa pamamagitan ng itim na goma.

Pati pagmemeryenda , pagkain ng pananghalian ay wala na sa oras, kasama pati pag jingle. Tuluyan na niyang nakaligtaan ang kanyang mga  personal na pangangailangan.

Dulot nito`y ubo, sipon, lagnat at kung minsa`y seryosong sakit  na wala ng lunas. Kahit nakakaramdam ng di maayos na kalagayan, nanghihinayang magpatingin sa doktor at ayaw lumiban sa klase, sapagkat inaalala pa rin  ang kanyang mag-aaral na minamahal.

Sa sobrang worka-holic nawalan na ng oras at panahon sa kanyang asawa`t anak kaya di na sila nagkakaintindihan sa bahay. Naging produktibo sa propesyon naging ma-problema naman ang pamilya.

Gabi pa lamang, iniisip  na n`ya ang teknik o paraan kung paano tuturuan ang mahihina n`yang mga bata, samantalang nakararamdam siya ng kalungkutan kung asignaturang itinuro  ay di naintindihan.

Maayos  si Maestra at laging may ngiti sa kanyang mga labi kung  pero sa kabila noon ay maraming nakakubling pasanin sa buhay, na tanging siya lamang ang nakakaalam.

Pinagkakasya ang kakarampot na sahod buwan-buwan, kaya`t ang tanging paraan  para magdagdagan ang pera ng mag-anak  ay loan doon. . . loan dito. . . ang ginagawa.
Saan man maharap mapa- GSIS,Pag-ibig, MTMAS, Cocolife,at iba pa ay kanyang sisiyabin.

 Sa ika- 5 ng Oktubre muli na nama nating gugunitain ang " World Teacher`s Day", bibigyang pagkilala at parangal ang ating mga guro. Ito ay dahil sa kanilang dedikasyon at walang sawang pagganap sa tungkulin.

 Isang araw na pagbibigay saya at pagpapahalaga , ngunit sa paglipas ng panahon naging masalimuot ang buhay, sa larangan ng pagtuturo ni Sir at Mam sa silid aralan.


Nawalan na ng sariling diskarte o kamay na bakal, kaya lalong nahirapang mapatuto at mahubog  ang mabuting asal ng kanyang mga mag-aaral. Resulta nito ay ang malaking pagbaba ng kalidad ng edukasyon ngayon sa ating bansa.

Hanggang sa ngayon maraming kaso na ang  naisampa  kay pobreng guro, na ang sanhi ay dahil sa mumunting bagay na sumira sa kanyang personalidad at integridad. Sa pagkakataong ito lumiit ang kanyang ginagalawan pati pagtingin ng komunidad na nasasakupan.

 Sa kapanahunan natin ngayon napakahirap isipin  na ang guro`y isang  bayani . . . Huwaran pa kaya silang maituturing ng lahat?

Ang ating tanging maiaalay sa mga guro ng ating bayan, mahalin, igalang, at huwag kalimutan, kabutihan, kahusayan ang kanilang inilaan at ibinigay upang maiangat ang ating kabataan tungo sa tagumpay na inaasam. 

(Ang artikulong ito ay sinulat bilang kontribusyon ni Rica B.Vidal para sa pahayagang Mabuhay. Si Vidal ay isang guro mula sa Barangay Buliran sa bayan ng San Miguel,Bulacan.)

No comments:

Post a Comment