Saturday, August 24, 2013

Higit 7-metro inilalim ng Angat Dam, pero hindi nagpatapon ng tubig





NORZAGARAY, Bulacan—Mahigit pitong metro ang itinaas ang water elevation sa Angat Dam sa loob ng apat na araw ngunit hindi ito nagpatapon ng tubig sa panahon ng pananalasa ng bagyong Maring.

Batay sat ala ng Provincial Disaster Riosk Reduction Management Office (PDRRMO), ang water elevation sa Angat Dam noong Lunes ng umaga, Agosto 19 ay 194.01 meters above sea level (masl), at umakyat sa 201.26 masl noong Biyernes ng hapon, Agosto 23.

Ngunit hindi nagpatapon ng tubig ang Angat Dam dahil sa ang spilling level nito ay 210 masl.

Ayon kay Inhinyero Rodolfo German, general manager ng Angat River Hydro Electric Power Plant (Arhepp), hindi totoo ang mga napabalitang nagpatapon sila ng tubig.

“Mababa pa ang tubig sa dam,” sabi ni German sa panayam ng Mabuhay.

Ang tinutukoy niya ay ang 210 masl na spilling level ng dam.

Iginiit pa niya na kung sila ay magpapatapon ng tubig, tiyak na magbibigay sila ng babala sa PDRRMO.


Una rito,may mga kumalat na balita sa text messages at maging sa radyo na nagpatapon ng tubig ang Angat Dam.

Ang mga balitang ito ay naghatid ng pangamba sa maraming Bulakenyo partikular na sa mga nakatira sa mga bayang nasa gilid ng Angat River.

Ang pangamba ng mga Bulakenyo ay kaugnay ng karansan noong Oktubre 2011 kung kailan ay napalubha ng tubig na pinatapon mula sa dam ang pagbaha sa mga bayan ng Pulilan,Calumpit, Paombong at Hagonoy.

Ang kalagayang ito ay sinasamantala ng ilan na nagpapakalat ng mapanlinlang na impormasyon na naghahatid ng pangamba sa mga Bulakenyo.

Ipinalala naman ng PDRRMO na huwag basta naniniwala sa mga kumakalat na text messages.

Ayon kay Liz Mungcal, pinuno ng PDRRMO,hindi lamang iisang text message ang kanilang itinuwid na may kaugnayan sa pagpapatapon ng tubig mula sa Angat Dam.

“Kapag nagpatapon ang Angat Dam, tiyak na magko-coordinate sa amin, at kami ang nagpapalabas ng babala,”ani Mungcal.

Ng kanilang babala ay ipinahahatid nila sa mga Municipal Disaster Risk Reduction Management office sa lalawiga,

Bukod dito,nagpo-post din silang mga impormasyon sa kanilang facebook account na PDRRMC Bulacan Rescue. Dino Balabo

Bulacan muling isinailalim sa state of calamity, halos kalahati ng lalawigan lumubog


Photo by Jeff Lobos


MALOLOS—Muling isinailalim sa state of calamity ang buong lalawigan ng Bulacan dahil sa isa hanggang apat na talampakang pagbahang hatid ng Bagyong Maring na nagpa-igting sa hanging habagat na nagdulot na walang patid na pag-ulan mula noong Linggo, Agosto 18.

Ito ang ikatlong suno na taong isinailalim sa state of calamity ang lalawigan. Una ay noong 2012 matapos manalasa ang mga bagyong Pedring at Quiel at noong Agosto 2012 ng manalasa ang bahang hatid ng hanging habagat.

Batay sa tala ng Provincial Disater Risk Reduction Management Office , halos kalahati ng 569 barangay sa Bulacan ang lumubog sa  baha.

Umabot sa 208,201  pamilya o 952,038  katao ang napektuhan ng pagbaha kung saan ay 7,790 pamilya o 31,383 katao ang inilikas mula sa 122 barangay sa 15 bayan at lungsod sa lalawigan.

Umabot naman sa P116,509,373.82  ang inisyal na halaga ng napinsalasa sakahan sa Bulacan ayon sa tala ng PDRRMO noong  Agosto 23 bukod pa sa P5,5,000,000 halaga ng nasirang imprastraktura.

Dahil dito, umabot naman sa P12,500,000 ang halaga ng relief goods na inisyal na ipinamahagi ng kapitolyo.

Ayon kay Gob. Wilhelmino Alvarado,ang pagdedeklara ng state of calamity sa lalawigan ay bahagi ng pagtatangka na mapabilis ang pagbangon ng mga apektadong Bulakenyo.

Sinabi naman ni Bokal Michael Fermin na ipinahatid ni Alvarado ang kahilingan sa Sangguniang Panglalawigan upang isailalim sa state of calamity ang Bulacan noong Miyerkoles, Agosto 21.

Kinabukasan, pinagtibay ng Sangguniang Panglalawigan ang isang resolusyon na nagsasailalim sa lalawigan sa state of calamity.


Ngunit sa kabila nito, ang pagsasailalim sa lalawigan sa state of calamity ay hindi naging bahagi ng ulat ng PDRRMO hanggang noong Biyernes, Agosto 23.

Sa halip, ang nakatala sa ulat ng PDRRMO ay ang pagsasailalim sa state of calamity sa mga bayan ng Obnado, Hagonoy, Paombong, at ilang barangay sa Calumpit.

Maging sa ulat ng Department of Trade and Industry (DTI) na nagdeklara ng price freeze mga bayang nasa ilalim ng state of calamity.

Ang tanging kabilang sa ulat ng DTI ay ang mga bayan ng Obando, Hagonoy, Paombong, at Calumpit.  Hindi pa kasama sa ulat ng DTI noong Agosto 23 ang kabuuan ng Bulacan.

Ang pagbahang dulot ng walang patid na pag-ulan ay naging sanhi rin ng pagkansela ng mga klase at trabaho sa ibat-ibang bayan at lungsod mula Lunes, Agosto 19 hanggang Biyernes, Agosto 23.

Ilang pangunahing lansangan naman ang lumubog sa malalim na baha kaya’t hindi nadaanan ng maliliit na sasakayan.

Bukod dito,napilitan ding magpatapon ng tubig angIpo at Bustos dam.

Batay sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) na inilabas noong Huwebes, Agosto 22, umabot sa 205 barangay sa 16 na bayan at lungsod sa lalawiganang lumubog sa baha.


Kabilang dito ay ang mga bayan ng Balagtas, Baliwag, Bocaue, Calumpit, Guiguinto, Hagonoy, Marilao, Obando, Paombong, Plaridel, Pulilan, San Miguel at Sta. Maria, at mga Lungsod ng Malolos, Meycauayan at San Jose Del Monte.

Batay sa tala ng PDRRMO ang bahang nagpalubog sa mga barangay sa lalawigan ay may lalim na mula isa hanggang apat na talampakan, depende sa lokasyon.

Ang pagbaha ito naging sanhi upang mapigil o mabalamang daloy ng trapiko samga pangunahing lansangan tulad ng macArthur Highway sa Bocaue, Marilao,Meycauayan, Malolos at Calumpit.

Hindi naman nadaanan ng maliliit sa sasakayan ang lansangan sa Panginay, Balagtas, gayundin sa MacArthur Highway sa pagitan ng Marilao at Bocaue; at pagitan ng Malolos at Calumpit.

Katulad noong nakaraang taon kung kailan ay pinalubog malakas ng ulan na hatid ng hanging habagat ang kahabaan ng MacArthur Highway sa Malolos mula sa Barangay Tikas hanggang Longos, ito ay muling pinalubog ng ulan na hatid ng bagyong Maring mula Lunes hanggang Huwebes.

Sa paglubog na ito ay kabilang ang kahabaan ng MacArthur Highway sa Crossing ng Malolos,sa harap ng Kapitolyo at Bulacan State University (BulSU) na nagmistula na namang malalim na ilog.

Maging ang loob ng bakuran ng kapitolyo at BulSU ay pinasok ng tubig baha.

Dahil sa malakas na buhos ng ulan nag nagbunga ng malawakang pagbaha, nagpalabas ng utos ang mga alkalde mula sa ibat-ibang bayan ay lungsod sa lalawigan upang suspendihin ang klase.

Ito ay sinundan pang deklarasyon ng Malakanyang para sa suspension ng klase.

Ang suspensyon sa mga klase ay idineklara lamang bawat araw sa pag-asa ng mga punong bayan at lungsod na huhupa ang ulan at baha.

Ngunit hanggangnoong Huwebes, Agosto 22 ay patuloy pa rin ang manaka-nakang pag ulan at hindi pa humuhupa ang baha sa ilang bahagi ng lalawigan tulad sa Hagonoy at Calumpit.

Dahil dito, nagpasiya ang ilang alklade na suspindehin ang klase noong Biyernes, Agosto 23.

Manging ang ilang pamantasan sa lalawigan tulad ng BulSU, La Consolacion University-Philippines (LaCUP),Centro Escolar University, Kolehiyo ng Guiguinto, Immaculate Conception Seminary sa Guiguinto, at Dr. Yanga’s Colleges Inc.,(DYCI) sa Bocaue ay nagkansela na rin ng klase.   Dino Balabo

Monday, August 19, 2013

Bustos at Ipo dam, tuloy sa pagpapakawala ng tubig





Patuloy pa rin ang pagpapatapon ng tubig ng dalawang dam sa Bulacan dahil na rin sa patuloy na pag-ulan haqtid ng bagyong Maring.

Mula kahapon ang Ipo dam ay nagpapakawala pa rin ng tubig ngayon sa lakas na 36.9cms sa isang radial gate nito ng 0.2 meters.

Ang water level ng Ipo dam ay 100.18meters sa spilling level nito na 101meters.

Tuloy tuloy din sa pagpapakawala ang Bustos dam sa lakas na 96.88cms sa water elevation na 17.50meters.

Umabot na rin kasi sa over flowing level ang Bustos dam.

Ayon kay Engr. Precioso Pangilinan, operations engineer ng National Irrigation Administration, kailangan nilang magbawas ng tubig dahil sa malakas ang inflow ng tubig mula sa Bayabas river.

Dagdag pa daw dito ang pagpapatapon ng tubig mula sa ipo dam kayat kahapon pa lamang ay nagbawas na sila ng tubig.

Ito daw ay bahagi ng kanilang preemptive releasing upang maiwasan na maipunan sila ng maraming tubig.

Kailangan na rin daw kasing pangalagaan ang Bustos dam na may kahinaan na at nas estado na kailangan na nito ng rehabilitasyon.

Paliwanag ni Pangilinan na kapag umakyat kasi sa 18meters ang taas ng tubig sa Bustos dam ay otomatikong bubukas ang dalawang rubber dam nito na magpapakawala ng tig-500cms na siyang magpapabaha sa bayan ng Calumpit at Hagonoy.

Kayat ngayon pa lamang aniya ay unti-unti na silang nagbabawas ng tubig upang makayanan ng Angat river ang kanilang inilalabas na tubig.

Aniya, inaasahan na sila ay magpapakawala ng tubig hanggang sa Miyerkules. 

Sa ngayon ay maliit lamang aniya ang kanilang inilalabas at hindi naman ito makakalikha ng pagbaha ngunit sakaling lumakas pa ang ulan dito ay maoobliga na daw silang maglakas ng ipinatatapong tubig.

Samantala, baha din sa ilang lugar sa Bulacan dahil sa patuloy na pag-ulan.

Lubog sa baha ang Tikay Elementary school. Sa bukana pa lamang nito ay kita na ang hanggang tuhod na lalim ng tubig.

Hanggang tuhod din ang baha sa baranggay Sto Rosario, Caingin, Bagna, Matimbo at Panasahan sa Malolos.

Lubog din sa baha ang halos lahat ng baranggay sa Hagonoy dahil sa pag-ulan at high tide.

Nasa tatlo hanggang apat na talampakan ang lalim ng tubig ang ilang lugar sa Hagonoy.

Pitong bayan naman ang apektado din ng pag-ulan at high tide sa bayan ng Bulakan na hanggang apat na talampakan din ang lalim ng tubig.

Ito ay ang mga baranggay Bagong Bayan, San Nicolas, Taliptip, Perez, Bambang, Sta. Ana at Sta. Inez.

Hanggang dalawang talampakan naman ang lalim ng tubig sa mga baranggay ng Tawiran, Lawa, Hulo, Paco , Binauangan, Salambao, Panghulo at Paliwas. Jose R. Ramos

Walang dapat ipangamba sa pagpapatapon ng tubig ng dam







MALOLOS—Walang dapat ipangamba ang mga Bulakenyo sa kabilang pagpapatapon ng tubig ng dalawang dam sa lalawigan.

Ito ang buod ng mga naging pahayag ng matataas na opisyal sa lalawigan matapos magpatapon ng tubig ang Ipo at Bustos Dam  noong Linggo.

Ayon kay Gob. Wilhelmino Alvarado, ang pagpapatapon ng tubig ay bahagi ng preemptive release ng mga dam.

“Kontrolado at unti-until lang ang kanilang pagpapatapo,” ani Alvarado at sinabing ito ay bahagi ng paghahanda sa posibilidad ng dagdag na ulan na darating hatid ng pagpapaigting ng bagyong Maring sa hanging habagat.

Inayunan din ito ni Liz Mungcal,ang hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office na nagsabing maliit lamang ang ipinatapong tubig ng dalawang dam.

Batay sa talang PDRRMO, mababa sa 200 cubic meters per second ang ang pinagsamang tubig na pinatapon ng dam.

Nilinaw ni Mungcal na hindi ito masyadong makaapekto samga bayan ng Hagonoy at Calumpit at iginiit na kung aabot sa 500 cms ang patatapuning tubig, magbubunga ito ng pagbaha.

Ngunit sa kabila ng pahayag ng dalawa ay halos kalahati ng 26 na barangay sa bayan ng Hagonoy ang lumubog kahapon.

Ayon kay Hilton Hernando ng Pampanga River Flood Forecasting Warning Center, ang nasabing pagbaha ay hatid ng high tide o pagtaas ng tubig mula sa dagat.

Ngunit para sa mga residente ng Hagonoy, ang high tide ay pinalubha pang magdamang na ulan mula noong Linggo.

Gayundin ang pananaw ng mga residente ng Paombong, Marilao, Meycuayan, Obando at Bulacan.

Inamin nila na mataas ang high tide kahapon, ngunit higit na tumaas ito dahil sa nakadagdag ang malakas na ulan noong Linggo ng gabi.  Dino Balabo