Showing posts with label Calumpit. Show all posts
Showing posts with label Calumpit. Show all posts

Saturday, January 25, 2014

Bulacan nasa state of alert na dahil sa tumataas na kaso ng tigdas





MALOLOS—Isinailalim na sa state of alert ang lalawigan ng Bulacan dahilsa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga hinihinalang kaso ng tigdas.

Higit namang pinaigting ang pagbabantay sa lungsod na ito matapos magtala ng pinakamataas na bilang ng kaso ng nakakahawang sakit, kasama ang mga bayan ng San Miguel, Hagonoy at Calumpit.

Gayunpaman, wala pang idinedeklarang outbreak ng tigdas sa lalawigan dahil hindi na pa nakukumpirma kung ang virus na naging sanhi ng pagkakasakit ng mga Bulakenyo ay nagmula sa tigdas.

Batay sa tala ng Provincial Epidemiology Surveillance Unit (PESU) umabot sa 115 ang kaso ng tigdas na naitala sa unang 16 na araw ng Enero.

Ito ay higit na mataas na ulat na 90 na ipinalabas ng Provincial Public Health Office (PPHO) noong Miyerkoles, Enero 15.

Batay ulat ng PESU, nasa ilalim na ng state of alert ang lalawigan dahil sa mabilis na pagtaas ng kaso ng hinihinalang tigdas.

Ito ay nangangahulugan ng higit na pagpapaigting sa pagbabantay sa lalawigan partikular na sa mga barangay.

Ayon kay Dra. Jocelyn Gomez, pinuno ng PPHO, hindi pa nagdedeklara ng out break sa Bulacan, ngunit nasa “outbreak mode” na ang kanilang pagkilos.

Ang “outbreak mode” ayon kay Gomez ay ang mas maigting na monitoring at surveillance.

Ito ay nangangahulugan ng paghahanap o “tracking” sa mga “unimmunized children” o mga kabataang hindi pa nababakunahan.

Kapag natukoy at natagpuan ang mga nasabign kabataan, ay pinapayuhan ang mga magulang nito na pabakunahan ang kanilang mga anak upang maging mas matuibay ang katawan laban sa tigdas.

Ang tracking ay isinagawa sa pamamagitan ng pagbisita sabawat bahay, samantalang ang bakuna ay libre.

Inatasan na rin ang mga duktor na bigyan ang mga kabataanng bitamina A, bukod pa sa araw-araw na pag-uulat ng kaso ng tigdas na kanilang ginamot.

Ang mga atas sa mga dukto ay ipinahatid rin sa mga lokal na opisyal na inatasan din ng kapitolyo sa pamamagitan ng PPHO na magsagawa ng gawain upang mapataas ang anatas ng kaalaman ng mga Bulakenyo laban sa tigdas.

Batay sa tala ng PESU, ang mga naitalang nagkasakit ng tigdas sa Bulacan ay nasa pagitan ng edad na dalawang buwan at 37  taong gulang.

Ayon pa sa ulat,ang mga karaniwang (37) nagkasakit ay nasa edad na limang taon pababa.

Bukod dito,dalawa ang naitalang nasawi sa tigdas sa lalawigan sa unang dalAwang linggo ng Enero.

Kabilang dito ay isang batang may edad dalawang taon sa bayan ng San Miguel at sanggolna may edad anim na buwan mula sa Barangay Taqbing-Ilog sa Marilao.

Ayon kay Dr.Gomez, ang mga nasabig kaso ay pawang “suspek” lasa tidgas dahil hindi pa natatapos ang pagsusuri ng RegionalInstitute for Tropical Medicine (RITM) na nakabase sa kalakhang Maynila.

Ipinaliwanag ni Gomez na ang bawat biktima kinakitaan ng sintomas ng tigdas at ang dalawang nasawi ay namatay dulot ng kumplikasyon.

Dahil hindi pa nakukumpirma ng RITMkung tigdas nga ang sanhi ng sintomas, patuloy na pinag-iingat ang publiko. (Dino Balabo)

Tuesday, December 17, 2013

Walang susulingan ang Hagonoy at Calumpit kapag nabugta ng Angat Dam





HAGONOY, Bulacan—Naghahanda na ngayon ng mga pamamaraan ang mga kasapi ng municipal disaster risk reduction management office (MDDRMO) sa bayang ito sa posibilidad ng pagkasira ng Angat Dam.

Ito ay dahil sa maaaring walang masulingan ang mga resident e ng Hagonoy at Calumpit kung sakaling masisira ang Angat Dam na maghahatid ng malalim at malawakang pagbaha.

“Definitely, walang evacuation center sa Hagonoy at Calumpit,” sabi ni Liz Mungcal, ang hepe ng provincial disaster risk reduction management office (PDRRMO) na nagmula rin sa bayang ito.

Ang pahayag ni Mungcal ay kanyang inilahad sa mga kasapi ng mga disaster risk reduction management office (DRRMO) ng ibat-ibang bayan  at mga mamamahayag noong Lunes, Disyembre 9 kaugnay ng isang oryentasyon hinggil sa planong earthquake at dam break drill.

Ito ay kanyang inihayag matapos ipakita sa mga kasapi ng DRRMO  ang Angat Dam break flood map o mga mapa ng bawat bayang maaapektuhan ng posibleng pagkasira ng Angat Dam kung lilindol ng may lakas na 7.2 magnitude.

Makikita sa mga nasabing mapa ang posibleng maging lalim ng baha sa bawat barangay sa mga bayan at lungsod na maaapektuhan ng kung masisira ang Angat Dam.

Ang sipi ng mga mapa na nagmula sa Tonkin and Taylor International (T&T) at Engineering and Development Corporation of the Philippines (EDCOP) ay ipinagkaloob ng PDRRMO matapos isaayos ng Provincial Planning and Development Office (PPDO).

Batay sa nasabing mapa, ang bahang ihahatid ng pagkasira ng dam ay nasa pagitan ng isa hanggang 30 metro ang lalim, depende sa mga lugar.

Sa bayan ng Hagonoy, tinatayang aabot lamang sa isang hanggang tatlong metro ang maaaring maging baha ayon sa inundation map mula sa T&T at EDCOP.

Ngunit sa kabuuan, sinasabi ng T&T at EDCOP na posibleng madagdagan pang lalimng baha sa bawat bayan ng dalawa hanggang tatlong metro, depende sa sitwasyon.

Sa kabila nito hindi kumbinsido si Mungcal at Gob.Wilhelmino Alvarado na kapwa nagmula sa bayang ito na aabot lamang sa isa hanggang tatlong metro ang lalim ng baha sa Hagonoy, na posibleng umabot sa anim na metro kung isasama ang margin of error.

Ito ay dahil na rin sa mga nagdaang karanasan ng Hagonoy noong  1978 at 2001 kung kailan lumubog ang nasabing bayan sa malalim na baha.

Ang sitwasyong ito ay unang binigyang pansin ni Inhinyero Roderick dela Cruz, isang dam safety expert mula sa Hagonoy na nakabase sa Estados Unidos.

Sa kanyang pag-aaral habang nagsisilbing tagapayo ni Alvarado sa ilalimng Balik Scientist Program (BSP) ng Department of Science and Technology (DOST), inihayag ni Dela Cruz ang resulta ng kanyang pananaliksik.

Batay sa pagsasaliksik ni Dela Cruz, ang lumubog sa mahigit dalawang metro baha ang Hagonoy noong 1978 matapos magpatapon ng 5,000 cubic meters per second (cms)ng tubig ang Angat Dam. 

Noong 2011, umabot sa 1,700 cms ng tubig ang pinatapon ng Angat Dam at lumubog sa halos dalawang metrong baha ang bayang ito.


Ayon kay Dela Cruz, kung masisira ang dam, posibleng rumagasa ang 800-Milyon hanggang 900-milyong kubiko metro ng tubig mula sa Angat Dam patungo sa Manila bay na dadaan sa mga bayan sa gilid ng Angat River kasama ang Calumopit at ang bayang ito.

Batay sa pagtaya ni Dela Cruz, maaaring umabot sa 20 hanggang 60 talamapakan ang lalim ng maging baha sa bayang ito at sa Calumpit dahilsa dami ng tubiog na lalabas mula sa dam.

Dahil sa kalagayang ito, pinag-iisipan ng MDRRMO ang Hagonoy ang posibleng mag solusyon.

“Hindi simpleng ang paghahanda sa Hagonoy, kailangan ay maging akma sa sitwasyon,” sabi ni Edgardo Montances,isang kasa;pi ng MDRMMO ng bayang ito.

Sinabi pa niya na ilalahad niya ito sa pinuno ng MDRRMO upang higit na mapag-aralan.

Kabilang naman sa mga posibleng solusyon ay ang paghahanda ng mga bangka sa bawat purok ng mga barangay, bukod pa sapaghikayat ng mga mamamayan ng maghanda ng mga salbabida.

Ito ay dahil na rin sa mas mabagalang magiging daloy ng tubig sa Calumpit at Hagonoy kumpara sa mga bayan ng San Rafael, Bustos, Baliwag at Plaridel na posibleng pagragasa.

Bukod sa mga bangka at salbabida,kailangang ding ihanda ng mga mamamayan ang mga pangunahing kailangan tulad ng tubig, pagkaing de lata, baterya, flashlight, gamot, ilang damit at mga pangunahing dokumento.  (Dino Balabo)

Monday, December 2, 2013

KAPAG NABUGTA ANG ANGAT DAM: 100,000 ang masasawi sa Bulacan



Bahang hatid ng bagyong Pedring at Quiel sa Hagonoy noong 2011.


MALOLOS CITY—Hindi bababa sa 100,000 Bulakenyo ang maaaring masawi kapag nasira ang Angat Dam, ayon sa mataas na opisyal ng Engineering and Development Corporation of the Philippines (EDCOP) na nagsagawa ng pag-aaral sa nasabing dam noong 2012.

Kaugnay nito, ikinakasa ng Kapitolyo ang isang malawakang earthquake at dam break drill ngayong Disyembre kung saan ay kasama ang malalaking pamantasan sa lalawigan bilang paghahanda sa posibilidad ng malakas na lindol na maaaring sumira sa Angat Dam at sumalanta sa Bulacan.

Noel Ortigas
Ang paghahanda ay bahagi ng pagpapataas ng kakayahan ng mga Bulakenyo sa mga kalamidad matapos masalanta ng magkakasunod na kalamidad ang ibat-ibang bahagi ng bansa na kumitil sa libo- libong buhay.

Ngunit kung ang pag-uusapan ay ang bilang ng nasawi sa Visayas na umaabot sa mahigit 5,560 matapos manalasa ang bagyong Yolanda, ito ay katiting lamang kumpara sa posibleng maging bilang ng masasawi sa Bulacan at ilang bayan sa Pampanga at Kalakhang Maynila.

Sa panayam kay Noel Ortigas, executive vice president ng EDCOP, sinabi niya ng tuwiran sa Mabuhay na aabot sa 50  hanggang 60 porsyento ng Bulacan ang maaapektuhan ng posibleng pagkasira ng Angat Dam. Ang pahayag na ito ay dalawang beses na nilinaw kung saan ay binanggit na umaabot na sa halos tatlong milyon na ang populasyon ng lalawigan.

Ayon kay Ortigas, “hindi naman lahat na yon ay fatal, may makaka- survive din” at idinagdag pa na batay sa kanialng pag-aaral may mga bahagi ng Bulacan na aabot sa 10 hanggang 30 metro ang lalim ng tubig, may bahagi rin na lima hanggang 10 metro at tatlo hanggang limang metro lamang.

Ngunit batay sa pagaaral ni Inhinyero Roderick Dela Cruz, isang dam safety expert na nagmula sa Hagonoy na nakabase sa Amerika, posibleng umabot sa 60 talampakan ang bahang ihahatid sa Hagonoy at ibang bahagi ng Bulacan kung masisira ang Angat Dam.

Inhinyero Dela Cruz
Inihalimbawa niya na noong 2011 ay 1,500 cubic meters lamang ng tubig ang pinatapon ng Angat Dam ay lumubog sa mahigit isang metrong baha ang Hagonoy. Kung masisira ang Angat Dam, tinatayang aabot sa mahigit 850-milyon kubiko metro ng tubig ang raragasa.

Dahil dito, higit pang inusisa ng Mabuhay si Ortigas kung ilan sa maaapektuhang 50 hanggang 60 porsyento ng tatlong milyong populasyon ng Bulacan ang posibleng masawi. Hindi agad kumibo si Ortigas, ngunit nang magbigay ng numero ang mamamhayag na ito tulad ng 100,000 ay umayon siya.

Si Ortigas ay nakapanayam ng Mabuhay matapos ang isang pulong ng mga bumubuo sa Angat Dam Break Technical Working Group na naghahanda ng emergency action plan.

Ngunit para sa mga opisyal ng Bulacan, ang bilang na ito ay konserbatibo. Sa hiwalay na panayam kay Gob.Wilhelmino Alvarado, inihalimbawa niya ang pinsalang ihahatid sa Bulacan ng posibleng pagkasira ng Angat Dam sa pagsabog ng isang bombang nukleyar.

Angat Dam
“Parang nuclear yan na sumabog, halos walang matitira,”sabi ni Alvarado. Una rito, sinabi ng gobernador na kapag nasira ang Angat Dam ay “sa West Philippine Sea na tayo pupulutin.” Gayunpaman, sinabi ng gobernador na ang mga pahayag na ito ay hindi upang takutin ang mga Bulakenyo.

Sa halip binigyang diin niya na ito ay isang pagtatangka sa pagmumulat ng isipan ng bawat isa upang bigyang importansiya ang paghahanda. Iginiit pa ni Alvarado na lubhang mahalaga ang paghahanda ng bawat mamamayan sa isang malawakang delubyo.

“Lindol ang pinag-uusapan natin, kapag umuga yan, hindi lang naman dito sa Bulacan ang apektado at hindi lang Angat Dam, dahil yung West Marikina Valley Faultline ay hanggang Batangas. So, marami ang mapipinsala, at marami ang mangangailangan ng tulong. Sino ang tutulong sa atin, kundi tayo rin,” sabi ni Alvarado. Dino Balabo

Thursday, October 31, 2013

10 pinagkakatakutang lugar sa Bulacan



Narito ang ilang maiikling kuwentong naipon hinggil sa mga diumano’y kinatatakutang lugar sa Bulacan.  Ito ay batay sa mga kuwento ng mga taong diumano’y nakakita sa sinasabing multo.

1. Bahay na Pula. Isang old house sa Barangay Anyatam, San Ildefonso. May lumilitaw daw na multo sa highway sa harap ng bakuran nito kung hating gabi.  Dahil dito, bumubusina ang mga drivers na dumadaan doon sa gabi.

2. MacArthur Highway sa Longos, Malolos.  Noong unang bahagi ng dekada 80, madalang pa ang bahay sa magkabilang gilid ng highway na ito, wala pa rin ang mga subdivision na nakatayo ngayon doon.  Sinasabing may babaeng nakaputi na kung madaling araw at pumapara sa sasakyan at sumasakay, tapos biglang nawawala.

3. Balungao road.  Matatagpuan sa bayan ng Calumpit, patungong Hagonoy.  Sabana ang kahabaan ng  lansangang ito at madilim kung gabi. Kinatatakutan noong dekada 80 at 90 dahil sa sinasabing may lumilitaw na multo.


4. Gusali sa CEU-Malolos.  Ilang estudyanteng nagtapos sa nasabing pamantasan ang nagkuwento na may nakita silang babae sa nakaupo sa silya sa loob ng kuwarto sa ikalawa at ikatlong palapag. Nakayuko ito at inakalang estudnyante rin. Di nila pinansin, pero ng tingnan ulit ay wala na.

5. Federizo Hall sa BSU. Isang babae na inakala ng ilang estudyante rin ang nakita sa loob ng isang silid aralan sa ikalawang palapag. Biglang nawala ang nasabing babae ayon sa mga estudyante.  Batay naman sa kuwento ng isang guro na na-late sa klase, narinig niyang may nag-uusap sa nasabing kuwarto habang patay ang ilaw, bandang alas-6:30 ng gabi.  Aalis na sana siya, pero inakalang may nagde-date na estudyante sa loob.  Binuksan ang ilaw pero wala namang tao sa loob.

6. Fastfood sa Plaridel.  Hating gabi na naki-CR ang isang estudyante ng BSU sa isang fast food.  Nasa ikalawang palapag ang CR. May nakita siyang crew sa 2nd floor, ngumiti pa sa kanya.  Ngumiti rin siya dahil pogi ang nakita bago pumasok sa CR. Paglabas wala na. Bumaba, at itinanong sa fast food crew kung sino yung pogi sa itaas, Nagtawanan ang crew dahil walang ibang crew sa itaas.

7.  Angat Guesthouse. “Hindi ka malulungkot ngayon gabi diyan, tiyak na maaaliw ka.” Ito ang nakangiting sabi ng ilang kawani ng Angat Dam sa mamamayahyag na ito bago matulog sa guest house ng Angat Dam sa Hilltop, Norzagaray. Inakalang biro lang, pero totoo pala. Hindi nga lang nakita yung “kasama” sa kwatro, pero hanggang sa matulog, naninindig ang balahibo sa braso at batok.

8.  Sitio Pulo road, San Jose, Calumpit.  May tatlong kilometro ang kalsadang ito patungo sa bukirin ng Sitio Pulo na ang kaliwang gilid ay sapa at ang kanan ay bukid. Kakaiba ang karanasan ng mga residente doon. Kung hating gabi, may babaeng biglang umaangkas sa likod ng driver ng tricycle. Kung baguhan ang driver, malaki ang transa na mahulog sa bukid.

9. Kamatsilihan sa Peralta.  Matatagpuan ito sa Peralta-Bukid, San Sebastian sa bayan ng Hagonoy. Ang mga dumadaan doon ay nakikiraan, kung gabi ay walang dumadaan dahil sa kinatatakutang kapre.  Ilang beses ding nakita ang nilalang sa di kalayuang punong sampalok ilang taon bago iyon pinutol.

10.  Barangay BMA, San Rafael. Ito ay batay sa kuwento ng yumaong mamamahayag na si Ric Veloira ng nasabing barangay.  Nasa edad 30 na siya noon at medyo dumidilim na ng umuwi habang minamaneho ang kanyang jeep. Nahinto siya sa isang tulay na kahoy dahil may batang paslit sa gitna.  Nang bumaba siya, bilang lumukso ang bata sa hood ng jeep niya at tumalbog sa bubong, at pagtalbog sa likod at tuwawa habang tumakbopalayo hanggang sa tuluyang maglaho. Aniya, noon lang siya naniwala sa tiyanak. Dino Balabo

Saturday, September 28, 2013

Bahang may lalim na 60 feet ang magpapalubog sa Bulacan pag nasira ang dam?



  

HAGONOY, Bulacan—Alam ba ninyo kung gaano kalalim ang bahang magpapalubog sa Bulacan kung sakaling masisira ang Angat Dam?

May nagsasabing depende sa lugar, pero may nagsasabing isa hanggang 30 metro ang lalim ng bahang raragasa pag nasira ang Angat Dam na matatagpuan sa bulubunduking bahagi ng bayan ng Norzagaray. 

Batay sa ulat ng Tonkin & Taylor International, ang kumpanyang nagsagawa ng anim na buwang feasibility study sa Angat Dam, ang ang bahang may lalim na 10 hangang 30 metro ay maaring maranasan sa mga bayan ng Angat, Bustos, Baliwag, San Rafael at Plaridel.

Sa ibabang bahagi naman ng Ilog Angat kung saan matatagpuan ang mga bayan ng Calumpit, Hagonoy, at Paombong ay tinatayang aabot lamang sa isa hanggang aqpat na metro ang lalim. 

Ang bawat isang metro ay katumbas ng tatlong talampakan kaya’t ang 20 metro o 30 metro ay nakakatumbas ng 60 hanggang 90 talampakan.

Ngunit batay sa pag-aaral ni Inhinyero Roderick Dela Cruz, ang ulat ng Tonkin & Taylor ay posibleng bumaba ng 20 metro o tumaas pang 20 metro. 

Ito ay ang tinatawag na margin of error na ayon sa ulat ay 20 meters plus or minus.
  
Ayon kay Dela Cruz, walang dapat ipangamba kung ang ulat ng Tonkin & Taylor ay lalabas na minus 20 meters.

Ito ay nangangahulugan na halos walang baha sa bayan ng Hagonoy na sinasabing lulubog sa isa hanggang apat na metrong lalim ng baha.
  
Ngunit paano kung ang pagtaya ng Tonkin & Taylor ay mali at ang lumabas na baha ay plus 20 meters.

“Delikado yan, wala na tayong mapupuntahan,” ani Dela Cruz ngunit iginiit na “hindi na tinatakot natin ang taumbayan, dapat lang kasi na nauunawaan natin ang mga posibilidad upang mas higit tayong handa.”
  
Ilan sa mga pinagbabasihan ni Dela Cruz ng pananaw na posibleng maging plus 20 meters ang bahang ihahatid ng posibleng pagkasira ng dam ay ang karanasan noong 1978 at nitong 2011 kung kailan nanalasa ang mga bagyong Pedring at Quiel.


Matatandaan na noong Oktubre 1978, lumubog sa anim hanggang pitong talampakang baha ang bayan ng Hagonoy matapos ang bagyong Kading dahil sa nagkamali ang namamahala sa Angat Dam.
  
Batay sa tala, aksidenteng napalaki ang bukas sa floodgate ng ng Angat Dam at tumapon ang 5,000 cubic meters per second ng tubig sa Ilog Angat na naging sanhi ng pagkasawi ng may 100 katao at pagkasalanta ng maraming ari-arian.

 Noonfg 2011, lumubog sa tatlo hanggang limang talampakang baha ang Hagonoy dahil sa pagpapatapon ng may 1,500 cms a tubig ng Angat Dam.

 “Simpleng subjective analysis lang ito, kung 5,000 cms ipinatapon ng Angat Dam noong 1978 at lumubog sa halos dalawang metrong baha ang Hagonoy, paano kung masira ang dam,” sabi ni Dela Cruz.

 Batay sa tala ng National Power Corporation, ang Angat Dam ay may kakayahang magtinggalng mahigit sa 800-milyong kubiko metro ng tubig; at ito ay posibleng rumagsang lahat kung masisira ang dam.

 Ayon kay Dela Cruz, tinataya ng Tonkin & Taylor na aabot sa 22,000 cms ng tubig ang tatapon sa Angat River pag nasira ang dam.

 Ito ay nangangahulugan na posibleng umabot sa 20 metro o 60 talampakang lalim ng tubig ang maghpalubog sa bayan ng Hagonoy dahil noong 1978 ay 5,000 cms lamang ang tumapon ngunit halos dalawang metro ang lalim na nagpalubog sa nasabing bayan.


 Sa kabila ng pagsusuring ito,ipinayo ni Dela Cruz ang dagdag na pag-aaral upang higit na matantiyan ang posibleng baha na ihatid ng pagkasira ng dam.

 Binigyang diin niya na hindi ito maaring ipagwalang-bahala dahil buhay at kamatayan ang nakataya.

 Matatandaan na ilang araw bago manalsa ang bagyong Ondoy sa kalakhang Maynila at mga bayan ng Sta.Maria,Marilao,Bocaue at Lungsod ng Meycauayan noong Setyembre 2009 ay naging bisita ng Sangguniang Panglalawigan ng Bulacan si Dr. Renato Solidum, ang direktor ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

 Sa kanyang pahayag sa Sangguniang Panglalawigan na noo’y pinamumunuan ni Bise Gob. Wilhelmino Alvarado, nagbabala si Solidum na dapat paghandaan ng Bulacan ng posibilidad na masira ang Angat Dam.

 Sa panayam ng Mabuhay matapos ang kanyang presentasyon sa Sangguniang Panglalawigan, itinanong kung anogn antas ng paghahanda ang dapat gawin ng Bulacan.

Ayon kay Solidum,” Bulacan must prepare for the worst!” Dino Balabo