Pages

Sunday, August 18, 2013

Misteryosong barko, sumadsad sa Malolos



LUNGSOD NG MALOLOS—Nababalot pa rin ng misteryo ang sumadsad na barko sa baybayin ng Barangay Pamarawan sa lungsod na ito sa kasagsagan ng bagyong Labuyo noong Lunes ng gabi, Agosto 12.

Ito ay dahil magkakasalungat na pahayag hinggil sa kung bakit ito napadpad at sumadsad sa lungsod na ito ay kung sino ang tunay na may ari.

Ang barko ay may pangalang MV Yuan Heng.

Batay sa mga ulat, ipinahayag ng pulisya ng Bulacan na ang barko ay dating nakapundo sa punduhan ng Mariveles sa lalawigan ng  Bataan at tinangay ng alon sanhi ng malakas na hangin ng bagyong Labuyo.

Dahil dito, lumalabas na napadpad lamang sa Pamarawan ang barko bandang alas-10 ng gabi noong Lunes.

Ngunit ayon sa mga mangingisda sa Pamarawan, bandang alas-10 ng gabi noong Lunes ng una nilang mamataan ang barko.

Sinabi ni Felipe Abdon, 57, isang mangingisda, na sa kabila ng malaking alon at madilim na gabi ay nakita niya ang barko mula sa kanyang bahay dahil may ilaw ang barko na halos dalawang kilometro ang layo sa kanyang bahay na matatagpuan sa baybayin.

Bukod rito,iginiit ni Ignacio Cruz, kapitan ng Barangay Pamarawan na may namataang kalalakihan sa barko ang ilang kabarangay niyang mangingisda noong Martes ng umaga.

Ito ay inayunan pa ni Mayor Christian Natividad ng lungsod na ito kung saan ay binanggit pa niyang may mga namataang armadong kalalakihan sa barko noong Martes ng umaga.

Ayon pa kay Natividad, imposible ang ilang pahayag na napadpad lamang ang barko at walang nakasakay doon ng sumadsad dahil na rin sa ang angkla nito sa harap at likod ay kapwa nakababa.

Isa sa pinagbasehan ni Natividad ay ang mga larawang kuha ng mamamahayag na noong Martes ng tanghali kung saan ay malinaw na makikita ang tanikala ng angkla ng barko.

Ang barko na naakyat at napasok ng pinasanib na elemento ng Malolos Police at ng Army Special Forces bandang alas 4:30 ng hapon noong Martes.

Ngunit ng ma[pasoknilaito ay natuklasang abandonadoang barko dahilni isang tripulante ay wala silang natagpuan sa barko.

Una rito, ilang beses na nagtangkang lumapit sa barko ang mga pulis at sundalo sakay ng bangkang de motor, ngunit napigilan ng malalaking alon.

Maging ang mamamahayag na ito, kasama ang dalawa pa ay nagtangkang lumapit sa barko sakay din ng bangka, ngunit napilitang bumalik sa pampang dahil muntik ng tumaob ang bangkang sinasakyan ng hampasin ng naglalakihang alon.

Hinggil sa pagmamay-ari ng barko, sinabi ni Natividad na hanggang noong Huwebes ng tanghali ay wala pa ring nakikipag-ugnayan sa kanila upang angkinin ang pagmamay-ari ng barko.

Ito ay sa kabila na halos araw-araw mula noong Martes ng gabi na iniuulat sa telebisyon ang pagsadsad ng barko sa Pamarawan.

Ilang himpilan ng telebisyon ang nag-ulat naang barko ay pag-aari diumanong isang negosyanteng Filipino-Chinese.

Ngunit batay sa pananaliksik ni Natividad at ng mamamahayag na ito sa maritime database sa internet, ang barkong napadpad na may pangalang MV Yuan Heng ay nakarehistro sa Phnom Penh sa Cambodia.

Batay sa maritime database, ito ay pag-aari ng S. America Far Eastern Shipping Co. Ltd., at ang operator nito ay ang Shandong Jianghai Industrial Group na nakabase sa Rongcheng sa Shandong, mainland China.

Ayon pa sa matitime database,ang MV Yuan Heng ay isang Panamanian flagged ship, ngunit batay sa ulat ni Supt. David Poklay,hepe ng pulisya ng Malolos, nakarekober silang isang watawat ng Peoples Republic of China sa loob ng barko matapos nila itong maakyat at mapasok. Dino Balabo

No comments:

Post a Comment