MALOLOS—Babandera ang
masasarap na kalutong Bulakenyo sa pitong araw na pagdiriwang ng Linggo ng
Bulacan na magsisimula sa Lunes, Setyembre 9 at matatapos sa Setyembre 15.
Katulad noong nakaraang taon,
ang taunang pagdiriwang ay isasagawa dalawang linggo matapos masalanta ng bagyo
at baha ang Bulacan na naging sanhi ng pagsasailalim dito sa state of calamity
sa iktlong sunod na taon.
Sa kabila nito, tiniyak ni Gob. Wilhelmino
Alvarado na hindi man magiging magarbo ang pagdiriwang ay magiging makabuluhan
ito.
Tampok sa isang linggong
pagdiriwang ay ang pagsasagawa ng tatlong araw na Bulacan Food Festival
Exposition (Buffex) sa Hiyas ng Bulacan
Convention Center simula
Setyembre 9 hanggang 11.
Ang Buffex 2013 ay
inorganisa ng Bulacan Chamber of Commerce and Industries (BCCI) kasama ang
Provincial Cooperative and Economic Development Office at Provincial Youth
Sports Education, Arts, Culture and Tourism Office.
Ito ay inaasahang lalahukan
ng libo-libong Bulakenyo kabilang ang mga mag-aaral ng ibat-ibang pamantasan at
kolehiyo sa lalawigan na magpapaligsahan sa paghahanda ng pagkain at pagluluto
nito.
Bukod sa mga demonstrasyon
at paligsahan ng mga Bulakenyong Chef,ang Buffex ay tatampukan dein libreng
tikim sa pagkain at pagbebenta ng mga ito.
Ang Buffex 2013 ay sasabayan
din ng pagsasagawa ng 24-K Kalutong Bulakenyo Festival sa nasabi rin lugar at
tatampukan din ng paligsahan ng mga mag-aaral sa ibat-ibang pamantasan at
kolehiyo sa lalawigan.
Ang kakaiba sa 24-K Kalutong
Bulakenyo Festival ay pawang mga luto o recipeng Bulakenyo ang ihahanda at
lulutuin ng mga kalahok.
Ayon kay Provincial
Administrator Jim Valerio, ang Buffex 2013 at Kalutong Bulakenyo Festival ay
naglalayon na higit na maipakilala ang mga recipeng Bulakenyo bukod sa
pagtatanghal ng kahusayan ng mga Bulakenyong chef.
Sinabi pa ni Valerio na ang
tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “Makulay na Sining at Kalinanga: Bulacan, Ipagmalaki at Ikarangal.”
Ang isang linggong
pagdiriwang ay sisimulan sa Lunes, Setyembre 9 sa pamamagitan ng isang misa
bilang pasasalamat at susundan ng “Parada ng Karosa at Kasaysayan,” na
magtatampok sa mga parangal na nakamit ng Bulacan sa iba’t ibang larangan.
Makikiisa rito ang mga lokal na pamahalaan gayundin ang mga katuwang na
pribadong ahensiya.
Bubuksan din ang iba’t ibang
mga eksibit at trade fairs na matatagpuan sa paligid ng gusali ng Kapitolyo.
Kabilang na dito ang Bulakenyo Trade Fair na kakikitaan ng mga produkto ng
Bulacan tulad ng mga pastillas, chicharon, laruan at damit; Manlilikhang
Bulakenyo na magpapakilala sa mga natatanging imbensyon ng mga Bulakenyo;
Dakilang Bulakenyo at Lakan Sining Exhibit na magsasalaysay ng mahalagang papel
na ginampanan ng bayaning si Mariano Ponce bilang pag-alaala sa ika-150 guning
taon ng kaniyang kapanganakan; at Sining sa Hardin na magpapamalas ng husay at
galing ng mga artistang Bulakenyo kabilang na ang Hiyas ng Bulacan Brass Band.
Ayon sa programang inilabas
ng kapitolyo, muli ring ilulunsad ang Bulacan
Pasalubong Center
at Bulacan Packaging Service and Toll
Packing Center
upang maitaas ang kamalayan ng mga mamamayan sa mga serbisyong hatid nito.
Pangungunahan naman ng
Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at ng PYSEACTO ang isang skills
Olympics sa Setyembre 11, kasabay ng isang jobs fair sa Bulacan capitol
gymnasium. Dino Balabo
No comments:
Post a Comment