Pages

Thursday, October 31, 2013

Ang babaeng walang mukha


Ni Nolie Ross De Guzman
 Kumalabog ang bisikletang pasan ni Jimbo ng kanyang ibagsak iyon sa labas ng kanilang bahay pasado alas-10 ng gabi.  Humahagos siyang pumasok sa bahay, humihingal, pawisan, at halos hindi makapagsalita.

Agad siyang inabutan ng isang basong tubig ng kanyang nagtatakang ama, habang ang kanyang ina’y nag-aalalang nakamasid.  Kapwa nagtatanong ang kanilang mga matang nakatuon sa anak

“Bakit? Ano ba ang nangyari,” halos magsabay na tanong ng mag-asawa sa anak habang ibinababa nito ang baso sa mesa.

“Mmmmmhultoooo, may multo,” ang hindi magkadatutong sagot ni Jimbo.

Si Jimbo ay isa sa aking na pinsan na nakatira sa Brgy. Macapsing, Bongabon Nueva Ecija kung saan nagmula ang aming pamilya. Halos na beses bawat taon ay bumibisita kami roon mula sa aming kasalukuyang tirahan sa Bulacan.

Mapakaraming kakaibang kuwento sa Brgy. Macapsing.  May maganda, may pangit pero karamihan ay kababalaghan, kaya’t minsan ay naitanong ko sa aking sarili meron pa ba mga ganito sa panahon na ito o baka kwentong barbero lamang.

Hindi ako masyadong kumbinsido sa kuwento ng iba dahil hindi ko alam kung sino ang pinagmulan ng kuwento.  Pero kuwento ni Jimbo ay kakaiba, dahil siya ay pinsan ko at alam kong hindi siya magsisinungaling.

Ilang sandali pa, nahimasmasan din si Jimbo at ikinuwento ang makatindig balahibong karanasan na muli at muling kong naaalala kapag sasapit ang Nobyembre 1 kung kailan ginugunita ang Undas.

Kagagaling lang niya sa bahay ng kanyang kasintahang si Lyn sa katabing barangay ng San Vicente. Napasarap ang kuwnetuhan nila kaya’t halos alas-10 na ng gabi ng siya ay magpa-alam na umuwi.

Dahil gabi na, pinahiram siya ni Lyn ng isang bisikleta upang hindi masyadong gabihin si Jimbo.  Nasa pagitan ng Brgy. Macapsing at Brgy. San Vicente si Jimbo ng makaramdam siya ng kakaiba, pero hindi niya pinansin iyon.

Palibhasa’y probinsiya madalang ang bahay at ang ilaw sa lansangan; at dahil gabi na, madalang na rin ang mga tao sa kalsada. Sa magkabilang bahagi ng kalsada ay malalawak na taniman ng sibuyas, ang pangunahing produkto ng bayan ng Bongabon.

Nagpatuloy sa pagpedal si Jimbo at habang papalapit sa isang matandang puno ng sampalok di kalayuan sa kantong paliko sa kanilang bahay ay kinabahan siya.  Marami kasing kuwento sa nasabing punto at karaniwan ay kababalaghan katulad ng babaeng nakaputi na diumano’y nagpapakita  di kalayuan sa punong sampalok.

Palibhasa’y lalaki,  nagtapangtapangan si Jimbo. Itinuloy ang pagpedal at pigil hininga habang padaan sa tapat ng punong sampalok. Nakahinga naman siya ngh maluwag ng makalampas siya sa puno dahil wala namang nagpakitang multo.

Ngunit pagkalampas sa punong sampalok, may nabanaagan sa dilim si Jimbo. Isang babeng mahaba ang buhok, balingkinitan ang katawan at nakasuot ng puti na inakala niya na kanyang kapitbahay na si Amy kaya’t tinawag niya ito.


"Ate Amy, Ate Amy," ang halos na pasigaw na tawag ni Jimbo sa babae.  Ngunit nagtaka siya dahil hindi lumilingon ang kanyang tinawag. Naisip niya, baka hindi siya narinig kaya’t binilisan niya ang pagpedal ng bisikleta.

Pagtapat ni Jimbo sa babae ay nilingon niya ito at sa pagkakataong iyon, tumindig ang lahat ng balahibo niya sa katawan.

Walang mukha ang babae na inakala niyang si Amy, at hindi nakasayad sa kalsada ang mga paa nito.

Parang bumaha sa isipan ni Jimbo ang mga kuwento ng kababalaghan na kanyang narinig sa mga nagdaang panahon, at sa pagkakataong iyon ay kanyang nakumpirma.  Totoo ang multo at iyon ay nakita ng kanyang dalawang mata.

Balot man ng takot ang kanyang buong katauhan, binilisan niya ang pagpedal sa bisikleta ipinahiram ni Lyn hanggang halos masira ang kadena nito.  Ngunit pakiramdam niya ay hindi siya umuusad.

Kaya’t agad siyang bumaba sa bisikleta, pinasan iyon at dali-daling tumakbo pauwi.

Nagulantang pa ang kanyang ama ng kumalabog sa labas ng bahay ang bisikletang pasan ni Jimbo, sakay siya humahagos na pumasok.

Ilang araw pa, kumalat din sa Barangay Macapsing ang kuwento ng karanasan ni Jimbo kaya’t marami ang umiwas magpagabi sa lansangan.

Hindi nagtagal, pinutol ang puno ng sampalok at pinabendisyunan sa pari at abularyo ang lugar na iyon.

Ngunit isang katanungan ang naiwan sino ang babaeng iyon? At bakit wala siyang mukha? Saan napunta ang mukha ng babae?

(Si Nolie Ross ay kabilang sa unang batch BA Journalism graduate sa Bulacan State University (BulSU).  Siya ay nagtapos noong Abril 2011.  Ang artikulong ito ay kanyang sinulat noong 2010.)

No comments:

Post a Comment