Pages

Saturday, October 26, 2013

Tuloy ang laban ng nag-iisang kandidatong transgender sa Bulacan


Jhane Dela Cruz (left).



HAGONOY, Bulacan—Sa kabila ng kritisismo at mapanirang tsismis na ipinakalat ng kanyang mga katunggali, tuloy pa rin ang laban ng isang 29 anyos na trans-gender sa bayang ito.

Siya ay si Jhane Dela Cruz, isang matagumpay na insurance manager na kandidato ngayon bilang kapitan ng Barangay Iba sa bayang ito.

Sa panayam ng Mabuhay Online, sinabi ni Dela Cruz na hindi hadlang sa isang lingkod bayan ang sexual orientation.

Binigyang diin pa niya na walang batas ang nagbabawal sa isang tulad niya upang kumandidato at maglingkod sa kanyang kababayan.

Ang pananaw na ito ay kinatigan ni Abogado Elmo Duque, ang provincial election supervisor sa Bulacan.

Ayon kay Dunque, malinaw ang itinatakda ng batas para sa mga nais kumandidato at walang isinasaad doon na nagbabawal sa isang tomboy, bakla at transgender.

Para kay Dela Cruz ang pagiging isang transgender ay may bentahe sa paglilingkod.


Ito ay ang pagiging tutok sa trabaho dahil walang iniintinding pamilya na maaaring maging dahilan upang maligwak ang kanyang panglilingkod.

Sa kabila naman ng kanyang pagiging transgender, buo ang suporta kay Dela Cruz ng kanyang mga magulang, kapatid, kaanak at mga kaibigan.

Sinabi niya na wala siyang planong kumandidato, ngunit nakiusap sa kanya ang mga residente ng Barangay Iba na lumahok upang magkaroon ng pagbabago at kaunlaran sa kanilang barangay.

Ayon kay Sol Santos, isang reeleksyunistang kagawad, matagal ng tumutulong sa mga pulitiko at mga kandidato si Dela Cruz kaya nagkaisa ang kanyang kabarangay na himukin ito na siya ang kumandidato.

Bago pumasok sa larangan ng pulitika, si Dela Cruz ay matagumpay na branch manager ng Peoples’ General Insurance sa Bulacan.

Siya ay nagtapos ng kursong interior design sa Estados Unidos.  Dino Balabo

No comments:

Post a Comment