Pages

Tuesday, October 22, 2013

Mayor Germar diniskwalipika dahil sa pamimili ng boto


 
NORZAGARAY, Bulacan—Hindi pa umaabot sa unang ika-100 ng panunungkulan ang alkalde ng bayan ng Norzagaray, ngunit diniskwalipika na siya ng Commission on Election (Comelec).

Ito ay dahil sa kaso ng malawakang pamimili ng boto sa natapos na halalan noong Mayo na isinampa sa kanya ni dating Mayor Feliciano Legazpi.

Ang desisyon na nagdiskwalipika kay Germar ay inalabas ng Comelec First Division noong Huwebes, Oktubre 3, o ang ika-94 na araw ni Germar bilang alkalde.


Si Germar ay nagsimulang manungkulan noong Hulyo 1.

Sinalubong naman ng magkataliwas na reaksyon ang balita ng pagkakadiskwalipika kay Germar.

Sa hanay ng kampo ni dating Mayor Legazpi ay may kasiyahan, ngunit nananatiling kalmado habang naghihintay ng pinal na desisyon ng Comelec En Banc.

Ang mga taga-suporta naman ni Germar at tahimik, ngunit may mga usap-usapan ng paghahanda sa posibilidad ng pagbabarikada sa munisipyo ng Norzagaray.

Ang kalagayang ito ay naramdaman ng ilang mamamahayag sa lalawigan na nagtangka ng kapanayamin si Germar noong Huwebes.

Mahigipit ang naging seguridad sa munisipyo at ang bawat pumasok ay hinahanapan ng ID card, maging mga mamamayahag.

Ang paghihigpit sa seguridad ay para namang naglayo kay Germar dahil sa hindi siya makapanayamhangga’t walang nakatakdang appointment.

Sa kabila ng masasalaming pagiwas sa pagharap sa mga mamamahayag ni Germar, naging maluwag naman ang kampo ni Legazpi sa mga panayam.

Sa isang panayam ng Radyo Bulacan noong Biyernes,Oktubre 4, sinabi ni Legazpi na ang desisyon ng Comelec ay isang bindikasyon sa kanialng ipinaglalabang malinis na halalan.

“Nagpapatunay lamang itona may malawakang pamimili ng boto sa Norzagaray,”sabi ng dating alkalde patungkol sa pahayag ni James Jimenez na diniskwalipika ng Comelec First Division si Germar.

Si Jimenez ang tagapagsalita ng Comelec.
 
Comelec Chair Brillantes
Ang kopya naman ng desisyon ay nakuha ng kampo ni Legazpi noong Huwebes ng hapon.

Bahagi ng desisyon ay nag-aatas na ang anak ni Legazpi na si Arthur ang papalit kay Germar bilang Alkalde.

Si Arthur ay nahalal na bise alkalde noong Mayo.

Ayon sa matandang Legazpi,ang pinagbatayan ng desisyon ng Comelec sa kung sino  ang papalit kay Germar ay ang rules of succession na isinasaad ng Local Government Code of 1991.

Dahil sa desisyon ito ng Comelec, lumalabas na hindi makikinabang ang dating alkalde sa resulta ng kasong kanyang isinampa laban kay Germar.

Gayunpaman, iginiit ng dating alkalde na wala siyang panghihinayang sa naging desisyon ng Comelec.

Iginiit niya na “ang mahalaga ay napatunayan namin na ang ginawa nila ay mali at di dapat pamarisan.”

Si Legazpi ay nanungkulan bilang alkalde ng Norzagaray sa loob ng 15 taon.

Para naman sa kanyang anak na si Vice Mayor Arthur, magpapatuloy siya bilang bise alkalde ng Norzagaray hanggang sa lumabas ang pinal na desisyon sa kaso laban kay Germar.

“This is not yet final and executory, and they can still appeal. For the meantime, I am still the vice mayor,” sabi ng batang Legazpi.

Nagapahayag din siya ng pagtitiwala na lalabas ang katotohanan aty maghahari ang katarungan hinggil sa malawakang pandaraya sa halalan sakanilang bayan.

Matatandaan na sa nagdaang halalan ay nakatunggali ng mag-amang Legazpi ng National Unity Party (NUP)  sina Germar at Roberto Esquivel ng Liberal Party.

Ang matandang Legazpi ay natalo kay Germar, ngunit nagwagi ang kanyang anak na si Arthur laban kay Esquivel.

Pagkatapos ng halalan,nagsampa ng kaso ang matandang Legazpi laban kay Germar, samantalang sinampahan ni Esquivel ng kaso si Arthur.

Kinatigan ng Comelec ang kasong isinampa ng matandang Legazpi; samantalang ibinasura ng Regional Trial Court ang kasong isinampa ni Esquivel laban kay Arthur.

Si Arthur ay unang pumasok sa pulitika noong 2010 kung kailan ay naghalal siya bilang Konsehal.

Nitong Mayo, kumandidato siya bilang bise alkalde ng kanyang ama bilang paghahanda sa kanyang kandidatura bilang mayor sa 2016.

Nagwagi bilang bise alkalde si Arthur, ngunit ang katuparan ng kanyang pangarap na maging alkalde ng Norzagaray ay mukhang mapapaaga kapag tuluyang nadiskwalipika si Germar 

Batay naman sa tala ng Mabuhay, kapag tuluyang nadiskwalipika si Germar bago matapos ang taon, maitatala sa kasaysayan na ang Norzagaray bilang isa sa natatanging bayan sa bansa na nagkaroon ng apat na alkalde sa loob lamang ng isang taon.

Matatandaan na noong Disyembre ay nasuspinde bilang alkalde ang matandang Legazpi at itinalagang acting mayor si Vice Mayor Boyet Santos.

Bago dumating ang Hulyo, muling nakabalik sa puwesto ang matandang Legazpi, ngunit bumaba rin upang bigyang daan ang proklamasyon ng pagkakahalal kay Germar.

Kung matutuloy ang pagdiskwalipika kay Germar,papalitan siya ni Arthur,ang ika-apat na alkalde ng Norzagaray sa loob lamang ng isang taon.(Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment