Pages

Saturday, November 16, 2013

TULONG BULAKENYO: Medical team, mga donasyon ipapadala ng Bulacan sa Visayas





MALOLOS—Isang medical team na binubuo ng 54 katao, at mga donasyong pagkain at pera ang ipapadala ng Bulacan sa Samar at Leyte matapos itong masalanta ng bagyong Yolanda.

Kaugnay nito, sinimula ng kapitolyo ng mag-ipon ng mga donasyon noong Martes, Nobyembre 12, samantalang ang ibat-ibang samahan sa lalawigan katulad ng mga simbahan at paaralan ay nagsipag-ipon ng mga donasyon.

Sa pahayag ni Gob. Wilhelmino Alvarado noong Huwebes, Nobyembre 14, ang medical team ay bubuuin ng 24 na doktor at 24 narses mula sa 21 bayan at tatlong lungsod sa lalawigan.

Bukod dito, anim na espesyalistang duktor mula sa Bulacan Medical Center (BMC) ang pasasamahin sa medical team.

Ayon pa kay Alvarado, ang mga naipong donasyon ng kapitolyo ay isasabay na rin sa biyahe ng medical team, na makikisabay sa unang grupo ng Philippine Medical Association (PMA) na magtutungo sa Leyte at Visayas.

Sila ay sasakay sa isang barko na pag-aari ng isang kasapi ng PMA.

“Mas mabuting maisabay na rin natin ang mga donasyon sa barko para hindi na ibayad sa pamasahe,” sabi ni Alvarado.

Nilinaw pa niya na mga bayan sa tabing dagat sa Leyte at Samar ang tutunguhin ng medical team.

Ito ay dahil sa marami pang mga bayan ang lungsod sa mga dulong bahagi ng dalawang lalawigan ang hindi pa nararating ng mga medical team at relief groups.

Iginiit pa ng gobernador na ang barkong sasakyan ng medical team ay magsisilbi ring tulugan ng mga ito sa gabi, dahil halos walang hotel na matitigilan sa dalawang lalawigan.

Ang medical team ay mananatili sa Samar at Leyte sa loob ng isa hangang dalawang linggo.

Ito ay bilang bahagi ng pagtulong ng Bulacan sa mga nasalanta ng bagyo.

Kaugnay nito, nilinaw din ng Radyo Bulacan sa nasabing panayam kung magkano ang idodonasyong halaga ng kapitolyo sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda.

Ngunit tinugon ito ni Alvarado na, “hindi na ninyo dapat alamin kung magkano ang ibibigay ng kapitolyo sa pagkakataong ito.”

Ang pahayag na ito inilathala sa Mabuhay Newspaper Bulacan fan page sa Facebook at umani ng maraming pagbatikos.

Ilan sa mahigit 7,600 na Bulakenyong nakabasa ang nasabing mensahe ay nagsabi na dapat lang ihayag ng gobernador ang halagang idodonasyon sa mga nasalanta ng bagyo.

Marami ang nagpahayag na ang pondong idodonasyon o gugugulin ng kapitolyo sa mga biktima ng bagyong Yolanda ay hindi pera ni Alvarado, sa halip ay pera ng taumbayan.

May mga nagsabi rin na upang mabawi ang nauubos na tiwala ng taumbayan sa mga pulitiko, dapat at maging malinaw at tapat ang gobernador sa guguguling pera sa pagtulong sa biktima ng bagyo.

Matatandaan na sa nagdang mga taon, nagbigay ng donasyon ang kapitolyo sa mga Lungsod ng Cagayan De Oro at Iligan noong Disyembre 2011 matapos itong masalanta ng bagyong Sendong.

Batay sa tala ng pamahalang lungsod ng Cagayan de Oro, umabo sa P2-M ang halagang ipinagkaloob ng kapitolyo ng Bulacan.

Ito ay nakumpirma ng mabuhay noong Enero 2012 matapos mapasama sa mga mamamahayag na nagsagawang pagbisita sa nasabing lungsod isang buwan matapos ang biglang pagbaha.
 
Noong nakaraang taon, nag-ipon din ng donasyong pagkain at mga kagamitan ng kapitolyo at ipinadala sa mga nasalanta ng bagyong Pablo sa Mindanao.

Bilang pakikiramay noong nakaraang taon, kinansela ni Alvqarado ang magagarbong Christmas party sa kapitolyo at ang natipid na pondo ay ipinadala sa mga biktima ng bagyong Pablo.  Dino Balabo

No comments:

Post a Comment