Pages

Tuesday, November 19, 2013

‘Botika’ confab pangungunahan ni Alvarado




GUIGUINTO, Bulacan— Nakatakdang pangunahan ni Gob. Wilhelmino Alvarado ng Bulacan ang kauna- unahang kumperensiya ng mga namamahala sa mga botika sa Gitnang Luzon na isasagawa sa bayang ito sa Biyernes.

Ito ay ang 1st Central Luzon Business Conference na may temang “The Road to Compliance” na isasagawa sa St. Agatha Resort and Country Club sa Brgy. Sta. Rita ng bayang ito sa Nobyembre 22 at 23 sa pangunguna ng Drugstore Association of the Philippines (DSAP) Bulacan Chapter.

Ayon kay Jomar Quiroga, may ari ng MedicAsia Drugstore sa bayan ng Balagtas at tagapangulo ng kumperensiya, si Alvarado ang magsisilbing pangunahing tapagsalita sa nasabing kumperensiya.

“We just confirmed the governor will serve as our keynote speaker,” sabi ni Quiroga. Ipinaliwanag niya na layunin ng kumperensiya na mapag-isa ang mga namamahala sa mga botika sa Gitnang Luzon upang maisulong ang nagkakaisang tinig ng mga namamahala sa mga botika at mapataas ang antas ng serbisyo.

Ayon kay Quiroga, kabilang sa mga usapi tatalakayin ay ang mga bagong patakarang nais ipatupad ng Food and Drug Administration (FDA). “May mga batas na ipinatutupad ang FDA, pero hindi nakokonsulta ang mga drug store owners,” sabi ni Quiroga.

Iginiit pa niya na ang kumperensiya ay isa ring pagkakataon para sa pagpapalawak ng kaalaman sa pamamahala sa botika. Sinabi niya na hindi simple ang pagtatayo isang botika. Kabilang sa mga pangunahing kailangan ay ang pagkakaroon ng lisensyadong pharmacist sa bawat botika.

Inayunan din ito nina Beng Sandoval, Corazon Cataniag at Joy Argao, na pawang may sariling botika.


Ikinuwento nila na may mga tindahang nagbebenta ng gamot na hindi dapat basta ibenta. Ayon kina Sandoval at Cataniag, kung tutuusin, kahit mga gamot na walang reseta ay hindi pwedeng ibenta sa mga pangkaraniwang tindahan.

Ipinaliwanag naman ni Argao na lubhang kailangan ang isang lisensiyadong pharmacist sa pagbebenta ng gamot dahil may mga pagkakataon na ito ang nagbibigay ng payo sa bumibili ng gamot. Iginiit pa ni Argao na mahalaga ang paglahok sa kumperensiya dahil sa mga benepisyong hatid nito.

Kabilang dito ay ang pagsasagawa ng mga kasunod na pagsasanay hindi lamang para sa mga lisensiyadong pharmacist, kungdi para na rin sa mga pharmacy assistant.

Ang nasabing kumperensiya ay itinataguyod ng RiteMed,Unilab, Pharex, Procter and Gamble, DKT Philippines Inc., J. Chemie Laboratories,Inc., at PLDT Nation. Dino Balabo

No comments:

Post a Comment