Pages

Friday, December 20, 2013

Ang parol at liwanag na hatid sa pamayanan


Parol ng purok 5, Sta. Monica sa Hagonoy.  (Ron-ron Lopez)



HAGONOY, Bulacan—Habang papalapit ang kapaskuhan, patuloy ang pagbisita ng mga tao sa parke at pasyalan na puno ng pailaw, parol at iba’t ibang palamuting pamasko.

Ngunit para sa mga residente ng Purok 5 sa Barangay Sta. Monica sa bayang ito, ang munting paglabas sa kanilang kalsada ay maghahatid na ng senyales na ang kapaskuhan ay nalalapit na.

Ito ay dahil sa mahigit dalawang dosenang mga parol na nakaistasyon sa buong Purok 5, isang proyektong pinagkaisahang buuin ng mga residente upang magbigay buhay sa kanilang munting selebrasyon ng kapaskuhan.

Ang kahabaan ng lansangan sa nasabing purok ay may nakasabit na mga parol na may mga christmas lights. Ito ay nakasabit sa mga buho na nakatayo at may ilang metrong pagitan sa bawat isa.

Ayon kay Greg Del Pilar, isa sa mga residenteng nanguna sa adhikaing bigyang liwanag ang kalsada ng Purok 5, simple lamang ang layunin ng pailaw: ang maiparamdam sa mga resident nito na ang pasko ay magpapatuloy sa kahit ano mang sitwasyon ng buhay.

“[Itinayo namin ang mga pailaw para] kahit papaano ay makabawas sa problema ng mga tao, na kahit mahirap ang buhay ng tao dito, kahit yang mga christmas lights lamang ay makadagdag sa kasiyahan nila, lalo na yung mga bata,” sabi ni Del Pilar.

Naniniwala si Del Pilar na ang mga simpleng bagay tulad ng mga parol ay makakatulong sa araw-araw na pagharap ng tao sa buhay.

Nagsimula noong nakaraang taon, ang mga pailaw ay nabuo sa pagtutulungan ng mga residente sa pamamagitan ng pagbibigay donasyon.

Kasama sina Richard Pangilinan at Noel Alfonso na pawang residente ng  nasabing purok,pinangunahan ni Del Pilar ang pangingilak para sa gastusin ng proyekto.

Katulong ang samahang Dose Bente-kwatro (12/24), sila ay nakalikom ng sapat na donasyon at agad na sinimulan ang pagbuo ng mga materyales noong Nobyembre 24.
 
Larawang kuha ni Ron-ron Lopez
Ito ay mabilis na natapos at nasilayan ng mga residente noong Nob. 29, Byernes ng gabi.

Bukod sa pinansiyal na tulong, hindi na naging problema sa grupo ang pagkabit ng pailaw dahil sila ay may kaalaman na rito.

Si Del Pilar, na nagsaayos ng mga linya ng kuryente, ay isang mekaniko at electrician.

Ang konsepto ng pagbibigay liwanag sa kalsada ay matagal ng nasimulan sa Purok 5.

Bago pa man ang mga parol, ang mga residente nito ay nakapagtayo na ng isang malaking christmas tree at isang dambuhalang parol na sila mismo ang gumawa. Ngunit sa kalumaan ng mga ito ay hindi na muling itinayo pa.

Sa bawat gabi, ang mga residente ng purok ay lumalabas upang makita ang mga parol, habang ang mga bata naman ay nagkukumpol-kumpol upang maglaro at sulitin ang makukulay na ilaw ng parol.

“Masarap kasing may makikita kang mga parol, christmas lights, lalo na kung di ka naman nakakaalis ng bahay. Dito lang pasko na, mararamdaman mo talagang papalapit na ang pasko kahit mahirap ang buhay,” ani Jason Punla, 23, isang residente.

Para naman kay Arvie Cornista, higit pa sa pailaw ang ibinibigay ng mga parol sa kanila.

“Sa ganitong paglabas lang, saka pag nakakakita ako ng mga parol, nararamdaman ko na kahit di naman nakakapaghanda masyado sa pasko eh nagiging masaya pa rin. Yung sa pakiramdam, masarap,” sabi ni Cornista.

Ngunit dahil sa katagalan ng paggamit at minsa’y mababang klase ng materyales, ilan sa mga pailaw ay nagkakaroon na ng problema. Inamin ni Del Pilar na ilan sa mga pailaw ay namatay noong mga nakaraang gabi at ginawan na lamang niya ito ng paraan.

“Yung iba, nagagatok na ang mga [linya ng] kuryente kasi nga mumurahin lang, kaya inaayos ko na lang. Alam mo naman mga taga dito, masaya sila kapag nakikita nila yan,” ani Del Pilar.

Ngunit desidido pa rin ang group na ituloy ang proyekto sa mga susunod na taon, hangga’t ang mga residente nito at patuloy sa pagsuporta sa parol at pailaw.

“Hangga’t gusto pa ng tao. Hangga’t may susuporta, tutulungan ko. Para sa pasko yun eh,” ani Del Pilar.

Katulad ng pagtatayo ng mga parol sa Purok 5, ang mga residente nito ay patuloy rin sa pagtutulungan upang makagawa ng mga malilit na bagay na makakatulong sa pamayanan, mga bagay na sa simpleng paraan ay nagbibigay-buhay sa pamayanan. Ron B. Lopez

No comments:

Post a Comment