Pages

Tuesday, December 17, 2013

Walang susulingan ang Hagonoy at Calumpit kapag nabugta ng Angat Dam





HAGONOY, Bulacan—Naghahanda na ngayon ng mga pamamaraan ang mga kasapi ng municipal disaster risk reduction management office (MDDRMO) sa bayang ito sa posibilidad ng pagkasira ng Angat Dam.

Ito ay dahil sa maaaring walang masulingan ang mga resident e ng Hagonoy at Calumpit kung sakaling masisira ang Angat Dam na maghahatid ng malalim at malawakang pagbaha.

“Definitely, walang evacuation center sa Hagonoy at Calumpit,” sabi ni Liz Mungcal, ang hepe ng provincial disaster risk reduction management office (PDRRMO) na nagmula rin sa bayang ito.

Ang pahayag ni Mungcal ay kanyang inilahad sa mga kasapi ng mga disaster risk reduction management office (DRRMO) ng ibat-ibang bayan  at mga mamamahayag noong Lunes, Disyembre 9 kaugnay ng isang oryentasyon hinggil sa planong earthquake at dam break drill.

Ito ay kanyang inihayag matapos ipakita sa mga kasapi ng DRRMO  ang Angat Dam break flood map o mga mapa ng bawat bayang maaapektuhan ng posibleng pagkasira ng Angat Dam kung lilindol ng may lakas na 7.2 magnitude.

Makikita sa mga nasabing mapa ang posibleng maging lalim ng baha sa bawat barangay sa mga bayan at lungsod na maaapektuhan ng kung masisira ang Angat Dam.

Ang sipi ng mga mapa na nagmula sa Tonkin and Taylor International (T&T) at Engineering and Development Corporation of the Philippines (EDCOP) ay ipinagkaloob ng PDRRMO matapos isaayos ng Provincial Planning and Development Office (PPDO).

Batay sa nasabing mapa, ang bahang ihahatid ng pagkasira ng dam ay nasa pagitan ng isa hanggang 30 metro ang lalim, depende sa mga lugar.

Sa bayan ng Hagonoy, tinatayang aabot lamang sa isang hanggang tatlong metro ang maaaring maging baha ayon sa inundation map mula sa T&T at EDCOP.

Ngunit sa kabuuan, sinasabi ng T&T at EDCOP na posibleng madagdagan pang lalimng baha sa bawat bayan ng dalawa hanggang tatlong metro, depende sa sitwasyon.

Sa kabila nito hindi kumbinsido si Mungcal at Gob.Wilhelmino Alvarado na kapwa nagmula sa bayang ito na aabot lamang sa isa hanggang tatlong metro ang lalim ng baha sa Hagonoy, na posibleng umabot sa anim na metro kung isasama ang margin of error.

Ito ay dahil na rin sa mga nagdaang karanasan ng Hagonoy noong  1978 at 2001 kung kailan lumubog ang nasabing bayan sa malalim na baha.

Ang sitwasyong ito ay unang binigyang pansin ni Inhinyero Roderick dela Cruz, isang dam safety expert mula sa Hagonoy na nakabase sa Estados Unidos.

Sa kanyang pag-aaral habang nagsisilbing tagapayo ni Alvarado sa ilalimng Balik Scientist Program (BSP) ng Department of Science and Technology (DOST), inihayag ni Dela Cruz ang resulta ng kanyang pananaliksik.

Batay sa pagsasaliksik ni Dela Cruz, ang lumubog sa mahigit dalawang metro baha ang Hagonoy noong 1978 matapos magpatapon ng 5,000 cubic meters per second (cms)ng tubig ang Angat Dam. 

Noong 2011, umabot sa 1,700 cms ng tubig ang pinatapon ng Angat Dam at lumubog sa halos dalawang metrong baha ang bayang ito.


Ayon kay Dela Cruz, kung masisira ang dam, posibleng rumagasa ang 800-Milyon hanggang 900-milyong kubiko metro ng tubig mula sa Angat Dam patungo sa Manila bay na dadaan sa mga bayan sa gilid ng Angat River kasama ang Calumopit at ang bayang ito.

Batay sa pagtaya ni Dela Cruz, maaaring umabot sa 20 hanggang 60 talamapakan ang lalim ng maging baha sa bayang ito at sa Calumpit dahilsa dami ng tubiog na lalabas mula sa dam.

Dahil sa kalagayang ito, pinag-iisipan ng MDRRMO ang Hagonoy ang posibleng mag solusyon.

“Hindi simpleng ang paghahanda sa Hagonoy, kailangan ay maging akma sa sitwasyon,” sabi ni Edgardo Montances,isang kasa;pi ng MDRMMO ng bayang ito.

Sinabi pa niya na ilalahad niya ito sa pinuno ng MDRRMO upang higit na mapag-aralan.

Kabilang naman sa mga posibleng solusyon ay ang paghahanda ng mga bangka sa bawat purok ng mga barangay, bukod pa sapaghikayat ng mga mamamayan ng maghanda ng mga salbabida.

Ito ay dahil na rin sa mas mabagalang magiging daloy ng tubig sa Calumpit at Hagonoy kumpara sa mga bayan ng San Rafael, Bustos, Baliwag at Plaridel na posibleng pagragasa.

Bukod sa mga bangka at salbabida,kailangang ding ihanda ng mga mamamayan ang mga pangunahing kailangan tulad ng tubig, pagkaing de lata, baterya, flashlight, gamot, ilang damit at mga pangunahing dokumento.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment