Pages

Friday, May 23, 2014

Ang pagbagsak ng kinukumpuning Calumpit bridge na naging sanhi ng pagkasugat ng dalawang construction workers ay nagpapaalala na dapat ding apurahin ang pagpapakumpuni samga hanging bridge sa Bulacan.

Ang mga hanging bridge na ito ay matatagapuan sa mga barangay ng Iba, at San Pablo sa Hagonoy.

Kung pagmamasdan ang mga mga huling larawang kuha sa mga nasabing hanging bridge, masasabing hindi imposibleng makadisgrasya ang mga ito.

Narito ang ilan sa mga larawang ng mga nabanggit na hanging bridge:

Iba hanging bridge







Tilapiang aanihin nalipol sa init ng panahon



 


Larawang kuha ni Annejoelica Esguerra.
PULILAN, Bulacan—Libo-libong tilapia na aanihin na lamang ang unang naging mga biktima ng patuloy na pag-init ng panahon sa Bulacan.

Kaugnay nito, muling ipinaalala ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)  sa mga namamalaisdaan na tutukan ang pagpapatubig sa kanilang palaisdaan; samantalang nananatiling ligtas sa red tide ang Bulacan.

Ayon kay Dr. Remedios Ongtangco, direktor ng BFAR sa Gitnang Luzon, ang insidente ng fish kill ay naganap sa Barangay Taal, Pulilan Bulacan.

Ito ay ang swimming pool na ginawang palaisdaan ni Consuelo Cabrera, isang 34 anyos  na balikabayan

“She called me and said that here tilapia are dying, and I sent a team to inspect,” ani Ongtanco patungkol sa BFAR-3 Fish Health team na binubuo nina Carmen Agustin, Gonzi Coloma, Liezl Monido at Haider Ramos.

Batay sa ulat ng Fish Health Team ng BFAR, ang pagkamatay ng mga alagang tilapia ni Cabrera ay sanhi ng biglaang pagbabago sa temperatura at pagtaas ng unionized ammonia na tinatawag ding toxic ammonia.

Ayon pa sa ulat ng Fish Health Team, ang ideal na unionized ammonia sa tubig ay dapat 0.300 miligram bawat litro.

Ngunit sa kanilang pagsusuri umabot sa 2.66 hanggang 3.15 miligram bawat litro ng tubig ang unionized ammonia sa palaisdaan ni Cabrera.
 
Larawang kuha ni Annejoelica Esguerra.
Sa panayam, sinabi ni Cabrera na bago maganap ang fiskill ay mainit ang panahon ngunit noong Linggo ng gabi ay biglang umambon.

Kinabukasan ng umaga,ilang mga isda niya ang nagsimulang lumutang at tuluyang nalipol angmga ito noong Martes.

“This is the first time it happened to us,” sabi Cabrera na nagsimulang maghulog ng 8,000 binhi ng tilapi a noong 2012 at nasunda pa ng 5,000 nitong nakaraang taon.

“Ihaharvest na lang namin, nagkamatay pa,” aniya.

Batay sa ulat ng Fish Health Team, ang paglaki ng mga tilapia sa palaisdaan ay isa rin sa dahilan ng pagkamatay ng mga ito.

Ito ay dahil sa ang mga isda ay halos isang kilo na ang bigat ng bawat isa.

Batay sa naunang pahayag ng BFAR,ipinayo nilana bawasan ang mga isda sa palaisdaan kapag malalaki na ito upang lumuwag ang palaisdaan.

Ito ay sa pamamagitan ng selective harvesting.

Batay sa rekomendasyon ng BFAR, ang selective harvesting ay isang hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga alagang isda.

Ito ay upang hindi nag-aagawan ang mga isda sa nalalabing oksiheno sa tubig.

Samantala,ipinalala ni Ongtango sa mga namamalaisdaan na maging mapagbantay sa kanilang palaisdaan dahil sa biglaang pagbabago ng temperatura na nagdudulot ng fish kill.

Sa karagatan naman,ipinagmalaki ni Ongtangco na nananatiling ligtas sa red tide ng Bulacan.

Ngunit ang mga isda at ibang lamang dagat na huli baybayinng Bataan ay mataas pa rinang naitalang red tide toxins.Dino Balabo at Annejoelica Esguerra

Kinukumpuning Calumpit Bridge bumagsak, 2 sugatan




CALUMPIT, Bulacan—Dalawang obrero ang iniulat na nasaktan sa pagbagsak ng kinukumpuning  tulay sa Calumpit, Bulacan noong Biyernes ng umaga, Mayo 23.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Robert Vidal, isang crane operator at Jerry David, isang mason.

Sila ay agad na isinugod sa di kalayuang Sta. Cruz Hospital ng mga kasapi ng Calumpit 1024 volunteer rescue group na nakatalaga sa tulay upang tumugon sa katulad na insidente.


Ayon kay Inhinyero Ruel Angeles, hepe ng Department of Public Works and Highway (DPWH) First Engineering District, ang pagbagsak ng tulay ay isang aksidente.

Ikinuwento niya na bago maganap ang aksidente ay inilipat ng kontrator na Wing-An Construction Development Corporation ang kanilang mga kagamitan sa gitna ng tulay upang bigyang daan ang demolisyon ng south span ng tulay.

Ang south span ng tulay ay nasa bahagi ng Poblacion, Calumpit at ng north span nito ay nasa bahagi ng Barangay Gatbuka.

“Ang ide-demolish ay yung span sa side ng Poblacion kaya yung mga equipment ay inilipat sa mid-span pero bumigay din yung mid-span,” ani Angeles.

Iginiit pa ni Angeles na ang pagbagsak ng middle span ng tulay ay nagpapakita lamang na mahina na iyon at dapat na talagang palitan.


Sa pagbagsak ng middle span ng tulay ay bumagsak din ang mga steel truss sa ibabaw nito na tumama samga kagamitan tulad ng crane at lifter.

Una rito, inirereklamo na ng mga residente ang mabagal na rehabilitasyon ng tulay na nagsimula noong Hunyo 2013 at dapat sana ay natapos nitong Abril.

Ngunit humiling ng dagdag na panahon ang kontraktor dahil sa mga tatanggaling steel, concrete at wooden piles sa ilalim ng tulay.

Ayon kay Angeles, tinatayang matatapos ang tulay sa darating na Setyembre.

Matatandaan na ng rehabilitasyon sa tulay ay isinulong matapos ang pagbagsak ng Colgante Bridge sa bayan ng Macabebe, Pampanga noong 2011.  Dino Balabo at Rommel Ramos

Tuesday, May 13, 2014

Mapaminsalang bagyo posibleng manalasa sa El NiƱo



ni Dino Balabo



HAGONOY, Bulacan— Posibleng manalasa ang malalakas at mapaminsalang bagyo sa panahon ng El NiƱo na karaniwang tinatampukan ng kakulangan ng ulan at mainit na panahon.

Ito ang babalang ipinabatid ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA) sa tanggapan ng Department of Agriculture (DA) sa Gitnang Luzon. Ang babalang ito ay nagpapaalala ng paghahanda hindi lamang sa mga magsasakang maaapektuhan ang pananim, kungdi maging sa bawat mamayan, partikular sa mga lugar na karaniwang binabaha tulad ng bayang ito.

“Kung iniisip natin na ang El NiƱo ay puro init ng panahon at kulang sa ulan, nagkakamali tayo,” sabi ni Felicito Espiritu, information officer ng DA sa rehiyon. Sinabi niya na batay sa paliwanag ng mga dalubhasa sa PAGASA, ang El NiƱo ay maaaring magdulot ng mapaminsalang bagyo sa panahon ng tag-ulan.


“Hindi imposible na magkaroon tayo ng malakas na bagyo sa nalalapit na tag-ulan dahil sabi ng PAGASA, nagiging erratic ang ating weather system pag may El NiƱo,” ani Espiritu. Dahil dito, binigyang diin niya ang patuloy nilang pakikipag-ugnayan sa mga municipal agriculture officer at mga magsasaka sa rehiyon para sa akmang paghahanda.

Kabilang dito ang pagpili ng pananim na magiging akma sa panahon. Kaugnay nito, ipinahayag ng PAGASA na posibleng magsimula ang pananalasa ng El NiƱo sa susunod na buwan. Binigyang diin pa ng ilang dalubhasa na ang nararanasang mainit na panahon ngayon ay bahagi na ng epekto ng pagsisimula ng El NiƱo.

Ito ay dahil sa nagsimulang uminit ang temperatura sa ibabaw ng karagatan ng dagat Pasipiko mula pa sa unang bahagi ng taon. Ilan sa mga katangian ng El NiƱo ay ang regular na pananalasa nito tuwing ikalawa hanggang ika-siyam na taon mula sa dagat Pasipiko.

Ito ay karaniwang nagsisimula sa sa pagitan ng Disyembre hangang Pebrero ng susunod na taon. Ito ay kadalasang nasusundan ng La Nina phenomenon na tinatampukan naman ng malalakas na pag-ulan. Batay sa tala ng Pagasa, ang pinakagrabeng El NiƱo sa bansa ay naitala noong 1997 hanggang 1998.

Gayunpaman, nilinaw ng ilang dalubhasa na sa panahon ng pananalasa ng bagyong Milenyo noong 2006, bagyong Ondoy noong 2009 at mga bagyong Pedring at Quiel noong 2011, ang bansa ay sumasailalim sa mahinang El NiƱo.

Sunday, May 11, 2014

Tubig sa Angat Dam, sumayad na sa kritikal na lebel, oratio imperata ikinakasa







MALOLOS—Sumayad na sa kritikal ang lebel ng tubig sa Angat Dam noong Linggo, Mayo 11, samantalang ikinakasa ng mga pari sa Bulacan ngayon ang pagsasagawa ang panalanging oratio imperata upang umulan.

Kaugnay nito, inamin ng National Power Corporation (Napocor) na hindi pa nasisimulan ang planong cloud seeding operation dam dahil hindi pa sila nabibigyan ng clearance ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Ayon kay Inhinyero Rodolfo German, general manager ng Angat River HydroelectricPower Plant (Arhepp), ang pagsayad sa 180 metrong lebel ng tubig sa dam ay naganap ala-1 ng tanghali noong Linggo, Mayo 11.

Ito ay nangangahulugan na pansamantala ng ititigil ang alokasyon para sa irigasyon ng mga magsasaka sa Bulacan at Pampanga.

Sa mas naunang panayam, sinabi ni German ang pagpapatigil ng alokasyon sa magsasaka ay isang hakbang upang matiyak na masusustinihan ang tubig inumin ng
kalakhang Maynila hanggang sa sumapit ang tag-ulan.

Umaabot sa 97 porsyento ng tubig inumin ng may 13 populasyon ng kalakhang Maynila at mga karatig na lugar ang nagmumula sa Angat Dam.


Samantala, bago pa tuluyahg sumayad sa kritikal na lebel ang tubig sa dam ay nagsagawa ng panalangin upang umulan ang mga pari sa Bulacan.

Kabilang sa kanila si Father Dario Cabral na nanguna sa isang misa sa isang parokya sa Barangay Malhacan sa Lungsod ng Meycauayan kahapon ng umaga.

Sa panayam, ipinaliwanag ng pari na walang imposible sa Diyos.

Binigyang diin din niya na nagkikipag-ugnayan na siya kay Obispo Jose Francisco Oliveros sa pagsasagawa ng malawakang panalangin para sa oratio imperata.

Para naman sa ilang source, sinabi nila na dapat isagawa ang oratio imperata sa Mayo 14 kaugnay ng pagdiriwang ng piyesta ni San Isidro Labrado, ang patron ng mga magsasaka.

Ang piyesta ng San Isidro Labrador ay karaniwang tinatampukan ng pagpapaluhod sa kalabaw sa bayan ng Pulilan, Bulacan.

Kaugnay nito, inamin ng Napocor na hindi pa natuloy ang planong cloud seeding operation sa Angat Dam.

Ito ay dahil sa hindi pa sila napagkakalooban ng clearance mula sa CAAP.

“Baka naghigpit daw after the Nueva Vizcaya incident,” sabi ni Cruz-Sta. Rita, ang pangulo ng Napocor patungkol sa insidente ng pagbagsak ng isang eroplano sa Bagabag, Nueva Vizavaya kung saan apat katao ang nasawi, kabilang ang tatlong kawani ng Bureau of Soils and Water Management (BSWM).

Nilinaw din ni Cruz-Sta. Rita na sa pagsasagawang cloud seeding sa Angat Dam ay hindi na pasasakayin sa eroplano angmga kinatawan ng BSWM.

“Wala ng sasakay sa kanila sa plane.  Air Force na ang kasama ng pilot.  Supervision na lang sila,” aniya patungkolsamga kawani ng BSWM.  Dino Balabo

Pinakamataas na bilang ng lumagda sa recall petition naitala sa Malolos



 
MALOLOS—Dismayado na nga ba ang mga Bulakenyo partikular na ang mga residente ng lungsod na ito sa ika-apat na taon ng panunungkulan ni Gob. Wilhelmino Albarado?

Ito ang katanungan ng marami matapos ilabas ng Commission on Elections ang tala ng bilang ng mga lumagda sa petisyon ng recall election na isinumite laban sa punong lalawigan kung saan naitala ang pinakamataas na bilang mga lumagda sa lungsod na ito.

Samantala, nailipat na sa Office of the Deputy Executive Director for Operations (ODEDO) sa punong tanggapan ng Comelec sa Maynila ang mga dokumentong isinumite kaugnay ng petisyon noong Lunes, Mayo 5 matapos ang inisyal na pagsusuri ng Comelec-Bulacan.

Tumanggi ng magbigay ng pahayag si Alvarado hinggil sa petisyon ng siya ay kapanayamin ng Mabuhay noong Lunes, matapos ang paglulunsad ng Sine Bulakenyo sa Capitol Gymnasium.


Ang Sine Bulakenyo ay isang libreng pa-sine na isasagawa ng kapitolyo sa mga barangay sa layuning mapataas ang kaalaman ng mga Bulakenyo sa hinggil sa mga naisagawa at iapatutupad na proyekto ng administrasyong Alvarado.

Ngunit para sa ilang Bulakenyo, ang nasabing pa-sine ay isang kontra propaganda matapos lumagda sa petisyong recall election ang 319,707 Bulakenyo dahil sa kawalan ng tiwala kay Alvarado bunga ng diumano’y kurapsyon at pag-abuso sa kapangyarihan,

Batay sa tala ng Comelec-Bulacan, nanguna ang lungsod na ito sa 21 bayan ay dala pang lungsod sa lalawigan sa dami ng lumagda sa nasabing petisyon.

Ayon kay Abogado Elmo Duque, umabot sa 25,835 botanteng Malolenyo ang lumagda sa petisyon; kasunod ang bayan ng Sta.Maria kung saan ay umabot sa 22,988 ang lumagda.

Ang iba pang bayan at lungsod sa lalawigan na nakapagtala ng mataas na bilang ng lumagda sa petisyon ay ang Marilao (22,676), Lungsod ng San Jose Del Monte (22,486), Bocaue (18,411), at Baliwag (15,593).


Naitala naman sa bayan ng Hagonoy ang pinakamababang bilang na 947.

Ang Hagonoy ay ang bayang pinagmulan ni Alvarado kung saan ay naglingkod siya bilang alkalde mula 1986 hanggang 1998; na sinundan ng paglilingkod mula 1998 hanggang 2007 bilang kongresista ng unang distrito ng lalawigan na sumasakop din sa nasabing bayan.
Kung distrito naman ang pag-uusapan, naitala ang pinamakataas na bilang ng lumagda sa petisyon mula sa ikatlong distrito.

Batay sa tala ng Comelec-Bulacan,umabot sa 87,489 botante ang lumagda sa petisyon mula sa ikatlong distrito,kasunod ang ikalawang distruito na may 83,783.

Ang ikaltlong distrito ng Bulacan ay kinakatawan sa Kongreso ni dating Gob. Joselito Mendoza na ang pamilya ay nagmula sa bayan ng Bocaue na matatagpuan sa ikalawang distrito.

Matatandaan na noong Abril 25, isinumite ni Perlita Mendoza ng bayan ng Bocaue sa Comelec Bulacan ang kopya ng mga dokumentong para sa petisyong election recall laban kay Alvarado.

Si Mendoza ay naglingkod bilang Provincial Administrator ng Bulacan sa panahon ng administrasyon ni dating Gob. Joselito Mendoza noong 2007 hanggang 2009.

Pansamantala rin siyang naglingkod bilang City Information Officer ng  Malolos noong 2010, ngunit nagbitiw sa tungkulin matapos kuwestiyunin ang kanyang tirahan.

Una rito, isang kaso ng pandarambong ang ihinhain ni Antonio Manganti sa Ombudsman laban kay Alvarado at anim pang opisyal ng kapitolyo noong Pebrero 14.

Ayon kay Alvarado, pulitika ang motibo ng pagsasampa ng kasong pandarambong laban sa kanya at mga opisyal ng kapitolyo ngunit pinabulaanan ito ni Manganti.

Si Manganti ay isang dating rebel returnee na naglingkod din sa kapitolyo sa panahon ng panungkulan ni dating Gob. Josefina Dela Cruz, ang nakatatandang kapatid ni Kint. Mendoza ng ikatlong distrito.

Si Dela Cruz ay kasalukuyang nanunungkulang ngayon bilang Post Master General ng Philippine Postal Corporation.  Dino Balabo