Pages

Friday, May 23, 2014

Kinukumpuning Calumpit Bridge bumagsak, 2 sugatan




CALUMPIT, Bulacan—Dalawang obrero ang iniulat na nasaktan sa pagbagsak ng kinukumpuning  tulay sa Calumpit, Bulacan noong Biyernes ng umaga, Mayo 23.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Robert Vidal, isang crane operator at Jerry David, isang mason.

Sila ay agad na isinugod sa di kalayuang Sta. Cruz Hospital ng mga kasapi ng Calumpit 1024 volunteer rescue group na nakatalaga sa tulay upang tumugon sa katulad na insidente.


Ayon kay Inhinyero Ruel Angeles, hepe ng Department of Public Works and Highway (DPWH) First Engineering District, ang pagbagsak ng tulay ay isang aksidente.

Ikinuwento niya na bago maganap ang aksidente ay inilipat ng kontrator na Wing-An Construction Development Corporation ang kanilang mga kagamitan sa gitna ng tulay upang bigyang daan ang demolisyon ng south span ng tulay.

Ang south span ng tulay ay nasa bahagi ng Poblacion, Calumpit at ng north span nito ay nasa bahagi ng Barangay Gatbuka.

“Ang ide-demolish ay yung span sa side ng Poblacion kaya yung mga equipment ay inilipat sa mid-span pero bumigay din yung mid-span,” ani Angeles.

Iginiit pa ni Angeles na ang pagbagsak ng middle span ng tulay ay nagpapakita lamang na mahina na iyon at dapat na talagang palitan.


Sa pagbagsak ng middle span ng tulay ay bumagsak din ang mga steel truss sa ibabaw nito na tumama samga kagamitan tulad ng crane at lifter.

Una rito, inirereklamo na ng mga residente ang mabagal na rehabilitasyon ng tulay na nagsimula noong Hunyo 2013 at dapat sana ay natapos nitong Abril.

Ngunit humiling ng dagdag na panahon ang kontraktor dahil sa mga tatanggaling steel, concrete at wooden piles sa ilalim ng tulay.

Ayon kay Angeles, tinatayang matatapos ang tulay sa darating na Setyembre.

Matatandaan na ng rehabilitasyon sa tulay ay isinulong matapos ang pagbagsak ng Colgante Bridge sa bayan ng Macabebe, Pampanga noong 2011.  Dino Balabo at Rommel Ramos

No comments:

Post a Comment