Pages

Tuesday, May 13, 2014

Mapaminsalang bagyo posibleng manalasa sa El Niño



ni Dino Balabo



HAGONOY, Bulacan— Posibleng manalasa ang malalakas at mapaminsalang bagyo sa panahon ng El Niño na karaniwang tinatampukan ng kakulangan ng ulan at mainit na panahon.

Ito ang babalang ipinabatid ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA) sa tanggapan ng Department of Agriculture (DA) sa Gitnang Luzon. Ang babalang ito ay nagpapaalala ng paghahanda hindi lamang sa mga magsasakang maaapektuhan ang pananim, kungdi maging sa bawat mamayan, partikular sa mga lugar na karaniwang binabaha tulad ng bayang ito.

“Kung iniisip natin na ang El Niño ay puro init ng panahon at kulang sa ulan, nagkakamali tayo,” sabi ni Felicito Espiritu, information officer ng DA sa rehiyon. Sinabi niya na batay sa paliwanag ng mga dalubhasa sa PAGASA, ang El Niño ay maaaring magdulot ng mapaminsalang bagyo sa panahon ng tag-ulan.


“Hindi imposible na magkaroon tayo ng malakas na bagyo sa nalalapit na tag-ulan dahil sabi ng PAGASA, nagiging erratic ang ating weather system pag may El Niño,” ani Espiritu. Dahil dito, binigyang diin niya ang patuloy nilang pakikipag-ugnayan sa mga municipal agriculture officer at mga magsasaka sa rehiyon para sa akmang paghahanda.

Kabilang dito ang pagpili ng pananim na magiging akma sa panahon. Kaugnay nito, ipinahayag ng PAGASA na posibleng magsimula ang pananalasa ng El Niño sa susunod na buwan. Binigyang diin pa ng ilang dalubhasa na ang nararanasang mainit na panahon ngayon ay bahagi na ng epekto ng pagsisimula ng El Niño.

Ito ay dahil sa nagsimulang uminit ang temperatura sa ibabaw ng karagatan ng dagat Pasipiko mula pa sa unang bahagi ng taon. Ilan sa mga katangian ng El Niño ay ang regular na pananalasa nito tuwing ikalawa hanggang ika-siyam na taon mula sa dagat Pasipiko.

Ito ay karaniwang nagsisimula sa sa pagitan ng Disyembre hangang Pebrero ng susunod na taon. Ito ay kadalasang nasusundan ng La Nina phenomenon na tinatampukan naman ng malalakas na pag-ulan. Batay sa tala ng Pagasa, ang pinakagrabeng El Niño sa bansa ay naitala noong 1997 hanggang 1998.

Gayunpaman, nilinaw ng ilang dalubhasa na sa panahon ng pananalasa ng bagyong Milenyo noong 2006, bagyong Ondoy noong 2009 at mga bagyong Pedring at Quiel noong 2011, ang bansa ay sumasailalim sa mahinang El Niño.

No comments:

Post a Comment