Pages

Thursday, July 3, 2014

NFA RICE DIVERSION: 22 arestado sa Bulacan





MALOLOS CITY—Dalawampu at dalawa katao kabilang ang caretaker ng isang rice mill sa Marilao, Bulacan ang inaresto kahapon dahil sa hinalang rice hoarding at diversion ng bigas mula sa National Food Authority (NFA) upang maibenta bilang commercial rice.

Ang operasyon ay isinagawa ng Bulacan Criminal Investigation and Detection Team (CIDT) kasama ang Marilao police halos isang linggo matapos atasan ni Pangulong Aquino ang Department of Justice (DOJ) na tugisin ang mga hinihinalang rice hoarders.

Kaugnay nito, ibinulgar ng source ng MabuhaY Online na patuloy ang talamak na rice diversion sa Gitnang Luzon samantalang ibinababa sa Subic Freeport ang bahagi ng 800,000 metriko toneladang bigas na inangkat mula sa ibang bansa.

Ang rice diversion ay isang ilegal na gawain kung saan ang bigas mula sa NFA ay inilipat lamang ng sako at ibinebenta sa halagang komersyal. Ayon kay Supt. Marcos Rivero, hepe ng pulisya ng Marilao, ang isang sako ng NFA rice ay naibebenta lamang sa halagang P700 hanggang P800, at kapag nailipat sa sako ng commercial rice, ito ay ibinibenta sa halagang P2,000 hanggang P2,200 bawat sako.

Ayon naman kay Chief Inspector Reynaldo Magdaluyo, ng CIDT-Bulacan, hindi bababa sa 1,000 sako ng bigas ang kanilang narekober matapos ang operasyon sa Jomarro Star Rice Mill sa Barangay Abangan Norte sa bayan ng Marilao alas 4 ng madaling araw kahapon.

Ito ay nagbunga ng pagkakaaresto kay Juancho San Luis, caretaker ng Jomarro Star Rice Mill na pagaari ng kanyang kapatid na si Regina at asawa nitong si Roberto Pualengco. Bukod kay San Luis, naaresto rin ang 21 pang tauhana ng rice mill.

Ayon kay Magdaluyo, nakatanggap sila ng impormasyon sa isang informant at isinagawa ang operasyon. Dalawang 10-wheeler truck na may lamang di bababa sa tig-500 sako ng NFA rice ang nasabat di kalayuan sa Jomaro Star Rice Mill.

Nang pasukin ng pulisya ang rice mill, naaktuhan ang pagsasalin ng may 100 kabang NFA rice sa sako ng commercial rice. Batay sa imbestigasyon ng pulisya,ang mga NFA rice ay nagmula sa Pampanga at ito ay ibinibiyahe tuwing hatinggabi.

Una rito, hiniling ng mga magsasaka sa Bulacan sa pangunguna ni Melencio Domingo, tagapangulo ng Malolos City Agriculture and Fisheries Council, na dapat tugisin ng NFA at iba pang ahensiya ng gobyerno ang mga malalaking bodega ng bigas, mahigit dalawang linggo na ang nakakaraan.

Ito ay kaugnay ng pagtaas ng presyo ng palay at bigas sa pamilihan na ayon sa mga magsasaka ay hindi mangyayari kung walang nag-iipit o nagho-hoard ng bigas.

No comments:

Post a Comment