Pages

Wednesday, July 2, 2014

ANGAT REHAB UPDATE: Naantala ang rehab dahil di pa natuloy ang take-over ng K-Water sa ARHEPP





NORZAGARAY, Bulacan—Posibleng bigyan pa ng dagdag na panahon ng gobyerno ang Korean Wate Resources Corporation (K-Water) upang maisalin dito ang pamamahala sa Angat River Hydro Electric PowerPlant (Arhepp).

Ito ay dahil muling nabigo nitong Mayo 25 ang K-Water na pormal na kunin ang pamamahala mula sa National Power Corporation (Napocor).

Dahil dito, apektado ang planong rehabilitasyon sa Angat Dam na ayon sa mga opisyal ay hindi masisimulan hanggang hindi natatapos ang pagsapribado sa Arhepp.

Kaugnay nito, matatapos sa buwan ng Hulyo ang 270 araw na palugit na itinakda ng Power Sector Assets and Liabilities Management (Psalm) Corporation upang maisagawa ang pagsasapribado ng Arhepp na matatagpuan sa bayang ito.

Ayon kay Inhinyero Rodolfo German, general manager ng Arhepp, nabigo ang pagsasapribado ng Arhepp noong Abril at Mayo dahil hindi pa nakumpleto ang papeles ng  K-Water.

Kabilang dito ang pagkuha ng business permit mula sa pamahalaang bayan ng Norzagaray na noong unang bahagi ng taon ay tumangging magbigay hanggat hindi pa nababayaran ng K-Water ang milyong-milyon pisong buwis na dapat sana ay binayaran ng Napocor sa panahon ng pamamahala nito sa Arhepp.

Ayon kay German, naging mabagal ang proseso dahil ang bawat hakbang ng K-Water ay isinasangguni pa sa punong tanggapan nito sa Seoul, South Korea.

Ito ay kinatigan ni Gob. Wilhelmino Alvarado at Vice Mayor Arthur Legazpi ng bayang ito.

Ayon dalawa, pansamantala munang hindi sisingilin ng buwis ang K-Water, at hahayaan muna na makapagsimula ng operasyon.

“Humingi pa raw ng approval sa main office nila sa Seoul,” ani Alvarado.

Kaugnay nito, dalawa ang posibleng mangyari kapag natapos ang 270 araw na palugit na ipinagkaloob ng Psalm sa K-Water upang makuha ang pamamahala.

Una ay posibleng mawalang bisa ang kontrata nito, at ikalawa ay posibleng palawigin ng gobyerno ang itinakdang palugit.

Ngunit ayon sa ilang source, kapag pinawalang bisa ang kontrata ng K-Water  ay lalong maaantala ang planogn rehabilitasyon sa dam dahil muling ipapasubasta ang pagsasapribado sa Arhepp.

Para sa mga opisyal ng Napocor, mas malaki ang posiblidad na palawigin ang palugit na ipinagkaloob sa K-Water.

“Most likely ay bigyan ng extension,” ani Gladys Cruz-Sta. Rita, ag pangulo ng Napocor.

Gayunpaman, sinabi ni Cruz-Sta. Rita na umaasa sila matutupad sa Hulyo ang pagsasapribado na ang proseso ay nasimulan bago pa siya manungkulan bilang pangulo ng Napocor.

Kinatigan din ni German ang pananaw ito, at iginiit na hanggat hindi natatapos ang pagsasapribado sa Arhepp, patuloy na maaantala ang panukalang rehabilitasyon sa Angat Dam.

“Siyempre, tiyak na made-delay din yung planong rehab sa dam,” ani German.

Binigyang diin ni German na bahagi ng responsibilidad sa pagugol para sa rehabilitasyon ng dam ay maaatang sa K-Water.

Nilinaw din niya na hindi tuluyang iniurong ng gobyerno ang pondong P5.7-Bilyon para sa rehabilitasyon ng dam.

“Nandiyan pa rin yung pondo, pero hindi ginagalaw hanggat hindi natatapos ang usapin sa privatization ng Arhepp,” aniya.

Batay sa naunang pahayag ng ilang matataas na opisyal ng Napocor, pansamantalang iniurong ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) noong nakaraang taon matapos katigan ng Korte Suprema ang K-Water bilang winning bidder sa pagsasapribado ng Arhepp.

Ayon sasource, kung nasimulan ang rehabilitasyon sa dam at nagastos ang pera tiyak na makakasuhan ang mga opisyal ng MWSS dahil lalabas na dalawang ahensiya ng nagpondo sa rehabilitasyon ng dam.

“Kaya medyo inurong muna nila yung P5.7-B, pero nandiyan pa rin naman at hindi ginagastos,” ayon pa sa source.

Ayon naman sa isa pang source, ang halos P2-B lamang ang nakahandang gastusin ng K-Water para sa rehabilitasyon ng dam kaya magagamit pa rina ng malaking bahagi ng pondong P5.7-B na naunang inihanda ng MWSS.

Samantala, patuloy pa ring umaasa ang mga Bulakenyo na sa madaling panahon ay masisimulan ang rehabilitasyon sa dam upang mapawi ang kanilang pangamba.

Una rito, nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na posibleng masira ang Angat Dam kung gagalaw ang West Valley Fault Line (WVF) na posibleng lumikha ng lindol na may lakas na 8 magnitude.  Dino Balabo

No comments:

Post a Comment