Pages

Wednesday, July 2, 2014

PLARIDEL: Hindi lang propagandista, siya ang utak ng Katipunan





MALOLOS—Hindi lamang isang progandista si Gat Marcelo H. Del Pilar, siya ang utak ng Katipunan.

Ito ang bunga ng masusing pananaliksik ni King Cortez sa mga nalathala at hindi nalathalang salaysay ng mga kasapi ng Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) patungkol kay Del Pilar na kilala rin sa kanyang pangalan sa panulat na Plaridel.

Bukod dito, ipinaliwanag ni Cortez na ang kilusang Propaganda na pinangunahan nina Plaridel, Mariano Ponce, Dr. Jose Rizal at Graciano Lopez-Jaena sa Espanya ay hindi hiwalay sa Kilusang Katipunan sa Pilipinas na iniuugnay ng mga aklat pangkasaysayan kay Gat Andres Bonifacio.

Sa halip, ang Kilusang Propaganda ay bahagi ng Samahang Katipunan na kumilos sa Pilipinas, Espanya at Hongkong na ang pangulo  ay si Plaridel na siya ring may inisyatiba ng pagtatayo nito.

Bilang isang kilusan, ang Samahang Katipunan ay may sariling Saligang Batas, istraktura ng gobyerno, at mga sistema dahil ang pangunahing layunin nito ay mapabagsak ang noo’y naghaharing pamahalaang Kastila sa bansa, at mapalitan ng pamahalaan ng mga Pilipino.

Ngunit ang layuning ito ng Samahang Katipunan ay lihim at nasa dulo na ng agenda, at ang nasa una at ang pangharap na layunin ay isinulong ng kilusang Propaganda sa pamamagitan ng kampanya sa Espanya  upang magkaroon ng reporma sa Pilipinas.

“Buong-buo ang plano ni Marcelo H. Del Pilar para sa pagpagpapalaya sa bayan at pagkakaroon ng mga Pilipino ng sariling pamahalaan.  Lahat ng kilos nila ay nakaplano at may malinaw na layunin,” sabi ni Cortez sa isang esklusibong panayam.

Bahagi ng mga plano ni Plaridel ay ang pagsusulong ng reporma bago magsagawa ng rebolusyon.


Ipinaliwanag ni Cortez na sa kabila na si Plaridel ay nakilala bilang isang dakilang propagandista, hindi nakahiwalay ang kilusang ito sa kilusang Kaitpunan sa bansa at maging isa ibayong dagat.

Iginiit niya na batay sa mga nalathalang libro,ang kilusang propaganda na bahagi lamang ng mas malawak na kilusang Katipunan na ang pagtatayo ay nagmula sa inisyatiba ni Plaridel.

Bilang patunay, ipinakita niya ang nilalaman ng nalathalang salaysay ni Aguedo del Rosario, isa sa mga unang kasapi ng KKK.

Batay sa salaysay ni Del Rosario, ang Katipunan ay itinatag noong Hulyo 7,1892 sa pangunguna nina Deodato Arellano, Teodoro Plata, Ladislao Diwa, Valentin Diaz at Andres Bonifacio sa pamamagitan ng inisyatiba ng abogadong si Plaridel na noo’y nasa Barcelona kasama ng iba pang Pilipinong nagsasagawa ng kampanya para sa reporma sa Pilipinas.

Sa nasabi ring salaysay, inihayag ni Del Rosario ang layunin ng Katipunan na magkamit ang Pilipinas ng lehitimong reporma na magpapaunlad sa mga kondisyon sa bansa noon; at sa huli ay mapalaya ang Pilipinas sa pamamahala ng Espanya.

“Malinaw sa pahayag ni Aguedo Del Rosario na si Del Pilar ang utak o mastermind ng pagbubuo at pagtatayo ng Katipunan, pero ang dahil nasa Espanya siya noon, ang nanguna dito sa Pilipinas ay ang bayaw niyang si Deodato Arellano at sina Bonifacio,” ani Cortez.

Bukod dito, binanggit din ni Cortez ang bahagi ng librong inilathala ni Father John Schumacher patungkol sa Katipunan kung saan ay sinabi nito na ang propaganda ay “the first step rather than the ultimate goal.”

Binigyang diin pa niya na batay sa mga nalathalang tala ng kasaysayan, sumali na lamang si Bonifacio sa Samahang Katipunan na nagpapatunay na hindi siya ang nagbuo at nagtatag nito.

Ayon pa kay Cortez, ang pahayag na ito ni Del Rosario na inilathala ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ay nagpapatunay na hindi lamang isang inspirasyon sa Katipunan ang panulat ni Plaridel, sa halip ay may direktang partisipasyon ang panglalawigang bayani ng Bulacan.

Batay sa iba pang tala, hindi naputol sa inisyatiba ang partisipasyon ni Plaridel sa Katipunan, sa halip ay siya ang umakda ng by-laws o mga batas nito, maging ng Kodigo penal ng Katipunan na ang mga kopya ay nakuha ng mga Kastilang sumalakay sa pinagtataguan ng mga dokumento ni Bonifacio matapos mabunyag ang Kilusang Katipunan.

Ayon kay Cortez, ang pag-akda ng mga patakaran at Saligang Batas ng Katipunan ay isa sa mga kontribusyon ni Plaridel bilang isang matagumpay na abogado.

Dahil ang mga impormasyong ito ay hindi na bago, iginiit ni Cortez na maging sina Epifanio Delos Santos, Renato Constantino at ang manunulat ng kasaysayan na si Zaide ay alam ang mga ito.

Ngunit isa man sa kanila ay walang tumindig at nagpakilala kay Plaridel bilang utak ng Katipunan.
 
Ang mananaliksik na si King Cortez.
Batay sa kanyang pananaliksik, ang mga paninindigan ni Plaridel ay nagsimula sa Bulacan kaya’t sinabi niya na ang konsepto ng pagkabansa ng Pilipinas ay nagmula sa Bulacan.

Binigyang diin niya na batay sa mga ulat ng mga Kastila sa  Bulacan, si Plaridel at ang kanyang kaanak na si Luis Del Pilar ay ang mga “di na nasusulat na batas sa Bulacan.”

Ito ay nangangahulugan na kahit walang opisyal na posisyong hinahawakan sina Plaridel sa Bulacan ay sila ang nasusunod.

“Isang edukadong lider at mula sa pamilyang ilustrado si Del Pilar, pero ang kanyang husay at galing ay napag-ugnay niya ang pagiging edukado at ilustrado sa masang Pilipino. Nakatuntong ang kanyang mga paa sa lupa at hindi nanatili sa pedestal ng  mga ilustrado.  Kaya ilustrado man o mayaman at mahirap, maging mga Kastila ay pinakikinggan siya. Ganyan kalaki ang impluwensiya ni Plaridel, siya ang kingpin sa Bulacan noong panahon niya,” ani Cortez.

Bilang patunay na si Plaridel ang di nasusulat na batas sa Bulacan, binanggit ni Cortez ang bahagi ng nilalaman ng aklat na inilathala ng Bulakenyong si Antonio Valeriano.

Sa libro din ni Valeriano natala ang plano ni Plaridel para sa Katipunan kung saan ay binigyang diin niya ang dalawang kilusan nakikilos sa liwanag at sa dilim—ito ay ang kilusang Propaganda na kumilos sa liwanag at Kilusang Katipunan na kumilos ng palihim hanggang sa nabunyag.

Iginiit pa niya na batay sa mga tala, may pagkakataon sa Malolos na halos ay dalawang buwan na walang nagpapabinyag dahil sa utos ni Plaridel na nagpapatunay ng kanyang impluwensiya maging sa mga masa.

Batay naman sa salaysay ni Mariano Ponce, sinabi ni Cortez na si Plaridel ang nagturo sa kanila (Ponce) ng pagmamahala sa tinubuang lupa.

Ang pagtuturong ito ay naganap sa Distrito Trozo ng Tondo malapit sa bakuran ng University of Santo Tomas (UST) sa Maynila kung saan ay natira si Plaridel sa bahay ni Padre Maraino Sevilla noong 1880.
 
Ang nasabing distrito, ayon kay Cortez ay pugad ng mga Pilipinong may makabayang kaisipan katulad nina Pedro Serrano-Laktaw, Emilio Jacinto, Jose Dizon, Macario Sakay, Jose Ramos, Jose Rizal at marami pang iba.

Sa nasabi ring lugar unang nabuo ang plano sa pagtatayo ng masonriya sa Pilipinas noong 1891 na pinangunahan nina Serrano-Laktaw at Ramos; at ang La Liga Filipina.

Batay sa pananaliksik ni Cortez, ang diwa ng masonriya ay isa sa mga pundasyon ng Katipunan, na pinayabong ng edukasyon dahil ang Distrito Trozo ay malapit lamang sa UST. Dino Balabo

No comments:

Post a Comment