Showing posts with label baha sa Bulacan. Show all posts
Showing posts with label baha sa Bulacan. Show all posts

Monday, December 24, 2012

SPECIAL REPORT SIDE BAR: Perwisyo at benepisyo ng baha




CALUMPIT, Bulacan—Baha na naman, taun-taon na lang baha.

Ito ang katagang nasambit ng mga Bulakenyo sa pananalasa ng baha na hatid ng hanging habagat noong Agosto na nagpaalala sa kanila ng pinakamalalim na baha na nagpalubog sa Bulacan noong Setyembre at Oktubre noong nakaraang taon.

Masasalamin sa himig ng pananalita ang pagkadismaya sa hanay ng mga mamamayan dahil sa hindi lamang ari-arian nila ang napinsala ng baha, sa halip ay maging hanapbuhay nila ay naantala.

Sa madaling salita, ang una nilang pakahulugan sa pananalasa ng baha ay perwisyo, ngunit sa mga namamalaisdaan sa lalawigan na napinsala din ay may nababanaag na benepisyo.

Ang benepisyo mula sa baha ay isinatinig ni Abogado Rustico De Belen, ang dating hepe ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO) na nakapanayam ng Mabuhay bago siya nagbitiw sa tungkulin noong nakaraang buwan.

Katulad ng mga pahayag ng mga namamalaisdaan sa bayan ng Hagonoy, sinabi ni De Belen na ang pagbaha ay isang paraan ng kalikasan sa paglilinis sa sarili ito.

“Its nature’s way of cleasing our river systems and water ways,” ani ng dating hepe ng BENRO.

Ipinaliwanag niya dahil sa dami ng tubig na dumadaloy sa kailugan, natatangay nito ang mga basura at iba pang bagay na nagsasanhi ng polusyon.

Ito ay kinumpirma ni Pedro Geronimo, isang beteranong namamalaisdaan sa Hagonoy.

Ayon kay Geronimo, ang tubig sa kailugan at sa dalampasigan ng dagat ay umiikot lamang.

“Pag low tide, lumalabas ang polluted na tubig sa dagat, pero hindi masyadong lumalayo, kaya pag high tide, bumabalik din,” ani Geronimo.

Ito ay inayunan din ni Carlos Garcia, isang dating kapitan ng Barangay Perez sa bayan ng Bulakan, at isa ring beterano sa larangan ng pamamalaisdaan.

Ayon kay Garcia, kailangan ng maraming tubig ang dumaloy sa mga kailugan upang mapalitan ang maruming tubig doon.

“Karanasan na naming iyan na karaniwang dumadami ang isda sa ilog ilang buwan pagkatapos ng baha o tag-ulan dahil luminis ang tubig,” ani Garcia.

Maging sina Rodolfo Cabangis ng Barangay Pugad sa bayan ng Hagonoy at dating Bokal Patrocinio Laderas ay umayon din.

Gayunpaman, sinabi nila na kapag naitulak ng baha sa karagatan ang basura, ang mga isda naman sa karagatan ang napipinsala.

Bilang isang mangingisda sa baybayin ng Manila Bay sa loob ng 30 taon, binanggit ni Cabangis ang mga pygmy shark na sumasad sa dalampasigan ng Malolos sa mga nagdaan taon.

Ayon kay Cabangis, matapos mamatay ang pygmy shark at binuksan ang tiyan nito upang magsagawa ng necropsy o pagsusuri at natuklasang nakakain ng maramin plastic ang malaking isda.

“Isipin na lang natin na yung malalaking isda ay kinakain ang plastic, pero yung maliliit lalo na yung mga similya pa lang, ano mangyayari sa kanila kapag napasok sa sa plastic na naanod sa tubig,” ani Cabangis at sinabing ang isda at karaniwang pasulong ang paglangoy at madalang ang paurong.  (Dino Balabo)

Sunday, December 23, 2012

Bulakenyo nagtitipid para magkapagbigay ng donasyon sa Mindanao




MALOLOS—Nagsimula na ang pag-iipon ng donasyon ng mga Bulakenyo para sa mga biktima ng bagyong Pablo sa Mindanao.

Ito ay batay sa panawagan ni Gob. Wilhelmino Alvarado na noong Biyernes, Disyembre 7 ay kinansela ang magarbong plano para sa pag-iilaw sa higanteng Christmas tree sa harap ng kapitolyo bilang bahagi ng pagtitipid.

Maging ang ilaw ng nasabing Christmas tree ay tinipid upang makatipid sa gastos sa kuryente, at ang matitipid ayon sa punong lalawigan ay ipahahatid sa mga nasalanta ng bagyo, bukod pa sa maiipong donasyon mula sa bawat Bulakenyo at pamahalaang lokal.

Tumugon din ang mga alkalde sa lalawigan na makikiisa sa pag-iipon ng mga donasyon sa kanilang mga kababayan upang idagdag na maiipon ng kapitolyo.

Kaugnay nito, isinailalim ni Pangulong Benigno Aquino III ang bansa sa ilalim ng State of National Calamity sa pamamagitan ng isang proklamasyon noong Sabado, Disyembre 8.

Ayon kay Alvarado, ang pagbibigay ng donasyon sa nasalanta ng bagyong Pablo ay hindi lamang bilang pagbabalik ng pabok ng Bulacan sa mga biktima, kungdi isang pakikiramay na rin.

“Noong tayo ang nasalanta ay nagbigay din sila noong nakaraang taon at nitong Agosto. Ito na ang pagkakataon nating gumanti sa kanilang kagandahang loob na ipinakita sa atin,” ani ng punong lalawigan.

Bilang patunay ng pagbibigay ng donasyon sa Bulacan ng mga pamahalaang lokal sa timog na bahagi ng bansa ay sinabi ni Alvarado na katatanggap lamang nila ng isang tseke mula sa pamahalaang lokal ng Cebu na nagkakahalaga ng P300,000.

“Tayo naman ang magbibigay ngayon kasi kahit matagal ng tapos ang baha sa atin ay may dumarating pang tulong,” ani Alvarado.

Inayunan din ito ni Mayor James De Jesus ng Calumpit na noong nakaraang taon at nitong Agosto ay lumubog sa baha.

Ayon kay De Jesus nakahanda silang magbigay ng tulong at mag-iipon pa rin sila ng karagdagang donasyon mula sa kanilang mga kababayan.

Para naman kay Mayor Arnel Mendoza ng Bustos, magpapadala sila ng bigas upang maihatid ng kapitolyo sa Mindanao.

Nangako rin si Mayor Christian Natividad ng Malolos na mag-iipon ng donasyon para sa mga biktima ng bagyong Pablo.


Baha 2011, Hagonoy
Para naman kay Mayor Lorna Silverio ng San Rafael na nag-iipon na rin ng mga donasyon, maliit o malaki ang maibigay na donasyon ay malaking tulong para sa mga biktima ng kalamidad.

Sinabi pa niya na pabor din siya sa payak na pagdiriwang ng Pasko upang makatipid.

“Hindi pagarbuhan ang pagdiriwang ng Pasko, dapat nating alalahaning an gating Panginoong Hesus ay sa isang simpleng sabsaban isinilang bilang simula ng kanyang pagtubos sa sangkatauhan,” ani Silverio.  (Dino Balabo)