Showing posts with label recall election. Show all posts
Showing posts with label recall election. Show all posts

Sunday, May 11, 2014

Pinakamataas na bilang ng lumagda sa recall petition naitala sa Malolos



 
MALOLOS—Dismayado na nga ba ang mga Bulakenyo partikular na ang mga residente ng lungsod na ito sa ika-apat na taon ng panunungkulan ni Gob. Wilhelmino Albarado?

Ito ang katanungan ng marami matapos ilabas ng Commission on Elections ang tala ng bilang ng mga lumagda sa petisyon ng recall election na isinumite laban sa punong lalawigan kung saan naitala ang pinakamataas na bilang mga lumagda sa lungsod na ito.

Samantala, nailipat na sa Office of the Deputy Executive Director for Operations (ODEDO) sa punong tanggapan ng Comelec sa Maynila ang mga dokumentong isinumite kaugnay ng petisyon noong Lunes, Mayo 5 matapos ang inisyal na pagsusuri ng Comelec-Bulacan.

Tumanggi ng magbigay ng pahayag si Alvarado hinggil sa petisyon ng siya ay kapanayamin ng Mabuhay noong Lunes, matapos ang paglulunsad ng Sine Bulakenyo sa Capitol Gymnasium.


Ang Sine Bulakenyo ay isang libreng pa-sine na isasagawa ng kapitolyo sa mga barangay sa layuning mapataas ang kaalaman ng mga Bulakenyo sa hinggil sa mga naisagawa at iapatutupad na proyekto ng administrasyong Alvarado.

Ngunit para sa ilang Bulakenyo, ang nasabing pa-sine ay isang kontra propaganda matapos lumagda sa petisyong recall election ang 319,707 Bulakenyo dahil sa kawalan ng tiwala kay Alvarado bunga ng diumano’y kurapsyon at pag-abuso sa kapangyarihan,

Batay sa tala ng Comelec-Bulacan, nanguna ang lungsod na ito sa 21 bayan ay dala pang lungsod sa lalawigan sa dami ng lumagda sa nasabing petisyon.

Ayon kay Abogado Elmo Duque, umabot sa 25,835 botanteng Malolenyo ang lumagda sa petisyon; kasunod ang bayan ng Sta.Maria kung saan ay umabot sa 22,988 ang lumagda.

Ang iba pang bayan at lungsod sa lalawigan na nakapagtala ng mataas na bilang ng lumagda sa petisyon ay ang Marilao (22,676), Lungsod ng San Jose Del Monte (22,486), Bocaue (18,411), at Baliwag (15,593).


Naitala naman sa bayan ng Hagonoy ang pinakamababang bilang na 947.

Ang Hagonoy ay ang bayang pinagmulan ni Alvarado kung saan ay naglingkod siya bilang alkalde mula 1986 hanggang 1998; na sinundan ng paglilingkod mula 1998 hanggang 2007 bilang kongresista ng unang distrito ng lalawigan na sumasakop din sa nasabing bayan.
Kung distrito naman ang pag-uusapan, naitala ang pinamakataas na bilang ng lumagda sa petisyon mula sa ikatlong distrito.

Batay sa tala ng Comelec-Bulacan,umabot sa 87,489 botante ang lumagda sa petisyon mula sa ikatlong distrito,kasunod ang ikalawang distruito na may 83,783.

Ang ikaltlong distrito ng Bulacan ay kinakatawan sa Kongreso ni dating Gob. Joselito Mendoza na ang pamilya ay nagmula sa bayan ng Bocaue na matatagpuan sa ikalawang distrito.

Matatandaan na noong Abril 25, isinumite ni Perlita Mendoza ng bayan ng Bocaue sa Comelec Bulacan ang kopya ng mga dokumentong para sa petisyong election recall laban kay Alvarado.

Si Mendoza ay naglingkod bilang Provincial Administrator ng Bulacan sa panahon ng administrasyon ni dating Gob. Joselito Mendoza noong 2007 hanggang 2009.

Pansamantala rin siyang naglingkod bilang City Information Officer ng  Malolos noong 2010, ngunit nagbitiw sa tungkulin matapos kuwestiyunin ang kanyang tirahan.

Una rito, isang kaso ng pandarambong ang ihinhain ni Antonio Manganti sa Ombudsman laban kay Alvarado at anim pang opisyal ng kapitolyo noong Pebrero 14.

Ayon kay Alvarado, pulitika ang motibo ng pagsasampa ng kasong pandarambong laban sa kanya at mga opisyal ng kapitolyo ngunit pinabulaanan ito ni Manganti.

Si Manganti ay isang dating rebel returnee na naglingkod din sa kapitolyo sa panahon ng panungkulan ni dating Gob. Josefina Dela Cruz, ang nakatatandang kapatid ni Kint. Mendoza ng ikatlong distrito.

Si Dela Cruz ay kasalukuyang nanunungkulang ngayon bilang Post Master General ng Philippine Postal Corporation.  Dino Balabo

Saturday, May 3, 2014

Petisyong recall election laban kay Gob Alvarado isinumite na sa Comelec


 
MALOLOS—Naisumite na sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Bulacan ang petisyong recall election laban kay Gob. Wilhelmino Alvarado.

Ito ay matapos ang ilang buwan ng bulung-bulungan sa lalawigan na may mga taong nagsusulong ng recall election laban sa punong lalawigan na sa halalan noong Mayo 2013 ay kumandidato na walang katunggali o unopposed.

Batay sa sipi ng petisyon, ang nanguna sa pagsasampang recall election laban kay Alvarado ay si Perlita Mendoza ng 714 Mendoza Street, Barangay Lolomboy,Bocaue Bulacan.

Si Mendoza ay sinasabing dating Provincial Administrator ng kapitolyo sa panahon ng panunungkulan ni dating Gob. Joselito Mendoza na ngayon ay kongresista ng ikatlong distrito ng Bulacan.

Bilang pangunahing petitioner, si Mendoza ay kumakatawan sa 319,707 na Bulakenyong lumagda sa nasabing petisyon.

Sa kabuuan, sinabi ni Abogado Elmo Duque na umabot sa 80 kahon ang isumiteng dokumento sa kanilang tanggapan.

Ito ay dahil sa ang mga nagpetisyon ay nahati sa 12 grupo at ang bawat kopya ng petisyon ay may pitong sipi.

“I confirm na may petition para sa recall election laban kay Governor na isinumite sa aming tanggapan kahapon ng alas-11:30 ng umaga,” ani Duque sa panayam ng Mabuhay noong Martes, Abril 29.

Si Duque ang Provincial Election Supervisor ng Comelec sa Bulacan.
 
Front page ng petisyon.
Sa panayam,nilinaw ni Duque na sa proseso ng paghahain ng recall election,nangangailangan ito ng lagda ng 10 porsyento ng voting  population ng isang local government unit (LGU).

Dahil ang punoing lalawigan ang pinetisyon, ito ay ngangailangan ng 10 porsyento ng voting population ng buong lalawigan.

Batay sa sertipikasyon na ipinagkaloob ng National Statistics Office (NSO) kay Abogado Jolette Fajardo na inilakip sa kopya ng petisyon,ang kabuuang voting population ng Bulacan ay umaabot sa 1,830,698 ayon sa isinagawang census noong 2010.

Ipinaliwanag pa ni Duque na ang voting population ay ang bilang ng mga mamamayan ng lalawigan na may edad 18 taong gulang pataas, rehistrado man o hindi.

Gayunpaman, iginiit niya na kahit nakabatay ang 10 porsyento sa voting population, ang mga lumagda sa petisyon ay dapat nakarehistro bilang botante at bumoto sa halalan noong Mayo 2013.
 
Pagsusuri sa form and substance ng petisyon.
Hinggil naman sa bilang na 319,707 na lumagda, sinabini Duque na, “based on initial assessment, umaabot sa halos 20 percent ng voting population ng Bulacan ang pumirma sa recall petition.”

Sa panayam, nilinaw pang Abogado an ang kanilang ginawa sa isinumiteng dokumento ay “ministerial lamang.”

Kabilang sa kanilang sinusuri ay kung ang bawat pahina ng nilagdaan ng mga nagpetisyon ay nakasulat ang pangalan at posisyon ng pinetisyon, maging ang dahilan kung bakit pinetisyon.

“Importante na nakasulat ang mga impormasyon ito sa bawat signature sheet para walang fraud o panloloko sa pagpapapirma,” ani Duque.

Batay sa  isinumiteng dokumento nakita ng Mabuhay,ang dahilan  ng pagpetisyon kay Alvarado ay ang “loss of confidence due to graft and corrupt practices and abuse of authority” o “kawalan ng tiwala dahil sa korupsyon at pag-abuso sa kapangyarihan.”

Kaugnay nito,nilina ni Duque na may tatlong araw lamang sila upang iproseso ang mga dokumentong isinumite sa kanilang tanggapan.

“Limitado muna kami sa form and substance ng petition dahil three days lang ang allow sa amin batay sa ruling ng Commission,” aniya.

Pagkatapos nito,ay isusumite nila sa Office of the Deputy Executive Director for Operations (ODEDO)  angmga dokumento.
 
Mga kahon ng petisyong isinumite sa Comelec.
Ang ODEDO ay may tatlong araw di lamang upang suriin ang “form and substance” ng petisyon bago ito ilipat sa Comelec En Banc.

Ang En Banc naman ay 15 araw bago maglabas ng desisyon.

Ayon kay Duque, may dalawang posibilidad ang desisyon ng En Banc—tuloy o hindi.

“Pag may pondo, tuloy yan at saka namin sisimulan yung verification kung yungmga pumirma ay registered voters at bumoto sa magdaang halalan,” ani Duque.

Kung wala namang pondo, maaaring makatulad itong desisyon ng En Banc sa katulad na petisyon na isinumite ni dating Puerto Princesa City Mayor Edward Hagedorn laban kay incumbent Mayor Lucio Bayron.

Ang naging desisyon ng Comelec En Banc sa nasabing kaso ay “suspended” ang proceedings dahil saw ala pang pondo.

Ayon kay Duque, maaaring sa 2015 masimulan ang aktuwal na proseso sa recall petition kung ito ay mapondohan sa General Appropriation Act bago matapos ang taon. Dino Balabo