Tuesday, December 24, 2013

Kasaysayan ng Angat Dam, at kaganapan sa naaantalang rehab sa dam




HAGONOY, Bulacan--Para sa higit na pagkakaunawa sa posibilidad ng Angat Dam break, minabuti ng pahayagang Mabuhay na tipuninang mga impormasyon ito hinggil sa mahahalaga tala sa kasaysayan ng Angat Dam at mga kaganapan hinggil sa naaantalang rehabilitasyon ng nasabhing dam.
 
1926—Itinayo ang Angat Afterbay Regulator Dam (AARD) na kilala sa tawag ngayon bilang Bustos Dam.

1929—Itinatyo ang La Mesa Dam sa Novaliches, Lungsod ng Quezon. Ito ang pinagkukunan noon ng tubig inumin ng kalakhang Maynila.

1938—Nagsimula ang pagkuha at paggamit ng Metropolitan Water District (bago naging Nawasa) ng tubig mula sa Angat River sa pamamagitan ng pagpapadaloy ng tubig Ipo-La Mesa Dam Aqueduct.

1959—Tinaasan ang La Mesa Dam upang higit na mas marami ang maitinggal na tubig para sa pangangailangan ng kalakhang Maynila.

1938—Nagsimula  ang Metropolitan Water district (bago naging Nawasa)  sa pagkuha at paggamit ng tubig mula sa Angat River na pinadaloy sa Ipo-La Mesa Aqueduct.


1961 Nobyembre 16—Nagsimula ang konstruksyong para sa Angat River Hydroelectric Power Plant (Arhepp) ng ipagkaloob ng National Power Corporation (Napocor) ang kontrata sa Grogun Inc., para sa konstruksyong ng diversion tunnel, dam foundation excavation and grouting.

Ang kontrata para sa konstruksyon ng dam, dike, spillway tunnels, powerhouse at power facilities ay ipinagkaloob sa  Paul Hardeman (Phil) Inc., para sa kabuuang P72-Milyon.

Ngunit ang tumapos sa konstruksyon ay ang  Filipino Engineers Syndicate Inc..

1964-1967—Konstruksyon para sa Arhepp na bahagi ng Angat Dam.  Ang Arhepp ay kauna-unahang proyekto sa Pilipinas  kung saan ay pinagsama-sama sa disensyo ang ibat-ibang functional  activities tulad ng paglikha ng kuryente (power generation), patubig sa bukirin (irrigation), tubig inumin (water supply), at pamigil baha (flood control).Ito ay ginugulan ng kabuuang halaga na P476.344-M.

1967—Nanalasa sa Gitnang Luzon ang super bagyong Welming (Emma). Dahil sa lakas ng ulan, mabilis na umakyaw ang water elevation sa 212 meters above sea level (masl) kaya’t napilitan ng Napocor na magpatapon ng tubig sa spillway ng dam upang maiwasan ang pag-apaw. Nagsanhi din ito ng pagkasira ng mga kagamitan ng Engineering Construction Inc., (ECI) ng masagasaan ng tubig mula sa spillway.

1967 Setyembre 9—Pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand Marcos ang inisyal na operation ng Arhepp. Ito ay may kakayahang lumikha hanggang 246 megawatt ng kuryente.

1968—Kinomisyon ang Angat Dam at nagsimula ang operasyon ng Arhepp.

1972—Naitala ang 4,919 milimetrong ulan sa Angat Dam bilang pinakamataas  o maximum annual rainfall.

27 Oktubre 1978—Nanalasa ang super bagyong Kading (Rita) at dahil sa lakas ng ulan nagbanta ito ng pag-apaw sa dam.  Sa kasagsagan ng bagyuo bandang alas-9 ng gabi, sabay-sabay na binuksan ng Napocor ang tatlong floodgates ng Angat Dam.  Ang bawat floodgates ay may angat o awang na isa hanggang walong metro.  Rumagasa ang mahigit sa 5,000 cubic meters per second (CMS) ng tubig na naging sanhi ng biglaang pagbaha sa malaking bahagi ng Bulacan pagkasira ng pananim at ari-arian at pakasawi ng mahigit 100 buhay. Umabot sa mahigit P100-M ang nasalanta sa Bulacan at sinampahan ng 11 kasong sibil ang Napocor sa RTC

1986 Agosto—Naitala ang pagguho malapit  dating batcher plant ng Angat Dam.  Ayon pa sa ulat, nagkaroon din  leakage sa penstock ng dam at turbine draft tube, nagkaroon bg ng seepage o pagkatas ng tubig  sa  left abutment ng dike ng dam. Kinailangan nito ng agarang pagkukumpuni. Hindi nakapasagawa ng pagsusuri sa penstock dahil hindi ito napatuyuan ng tubig ng Napocor.

Habang nagsasagawa ng imbestigasyon, nagpahatid agad ng kahilingan ang  Napocor sa pamahalaan ng Japan para sa technical assistance sa rehabilitation program.


1987 Pebrero—Agad na tumugon ang Japan, nagsimula ang pag-aaral ng mga dalubhasa ng  Japan International Cooperation Agency (JICA) sa kalagayan ng Angat Damk.

1991 Hulyo 16—Niyanig ng lindol ang Luzon partikular na ang mga Lungsod ng Baguio at Cabanatuan sa Nueva Ecija, ngunit walang naitalang pinsala sa Angat Dam.

1992-Nagsimula ang konstruksyon ng Umiray Angat Transbasin Project (UTAP),  o ang 13-kilometrong tunnel mula sa Umiray, Quezon na pinadadaluyan ng tubig patungo sa Angat Dam.

1992—Nilagdaan ang Memorandum of Understanding sa pagitan ng Bulacan at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na nagkakaloob ng kabuuang 230 million liters per day na alokasyong tubiginumin para sa Bulacan dahil sa pag-iiwi ng Angat Dam ng tubig mula sa UATP. Ito ang basehan ng hindi pa natutuloy na Bulacan Bulk Water Supply Project (Bulacan Bulk).

1992—Pinagtibay ng MWSS Board ang resolution na ibinibilang nito ang Bulacan sa kanilang service area.

1993--Nagsimula ang Angat Water Suplly Automization Project (AWSOP) na inireklamo ng Napocor dahil nalugi sila ng P2.77-B, at taunang pagkaluging umaabot sa P36.26-M bawat taon. Ayon sa Napocor ang kanilang energy at capacity losses sa Arheppay dahil  paglilipat ng 15 cms na alokasyong tubig mula sa patubuig ng magsasaka patungo sa karagdagang inumin ng kalakhang Maynila.

1993—Sa taong din ito unang natukoy na ang Angat Dam ay malapit sa Marikina West valley Faultline na nakabalatay sa ilalim ng lupa mula sa Angat Dam hanggang sa Taal Lake sa Batangas. Ayon pa sa dokumentong mula sa  Napocor,” the dike has one of the steepest slope in the world.”

1993—Sa isang memorandum ng Malakanyang, pinagtibay ang pagsasailalim sa Bulacan sa service area ng MWSS.

1997—Sinagasaan ang ng El Nino ang bansa at naitala ang pinakamababang water elevation sa 30-taong kasaysayan ng Angat. Nagtiis ang magsasakang Bulakenyo at pansamantalang ipinagkaloob ang alokasyong tubig sa kanilang bukirin para sa kapakanan ng kalakhang Maynila.  Hindi na nabalik ang alokasyong ipinahiram ng magsasaka sa MWSS.

1997 Disyembre—Iniulat ng Powerlines, isang newsletter ng Napocor ang madaliang pagpapakumpuni sa lownlevel outlet ng Angat Dam na dapat nasimulan noong Pebrero 1999.   Ang low level outlet ay huling nagamit noong 1992 dahil sa El Nino.

2000 Hunyo—Pinangunahan ni dating Pangulong Joseph Estrada ang pagpapasinaya sa 13-kilometrong UATP.

2002 Nobyembre  29—Sa kanyang Report No.1 sinabi ni Dr. Kaare Hoeg ng Norwegian Technical Institute na “the new information about the Marikina Fault and the uncertainties  related to future earthquake loads, and due to the lack of performance monitoring to evaluate the present conditions of the structures, the level of risk involve (product of probability of failure and consequences of failure)  is unacceptable

2004—Nagsampa ng kaso ang Bulacan sa pangunguna ni dating Gob.Josie Del Cruz laban sa Napocor dahil sa hindi pagbabayad ng National Wealth Tax.  Nanalo sa RTC ang kaso, inapela ito ng Napocor sa Court of Appeals na noong 2008 ay kumatig sa Bulacan. Sa kasalukuyan nakabinbin sa Korte Suprema ang kaso.

2004 Nobyembre 25-Nanalasa ang bagyong Winnie sa Gitnang Luzon sa sinundan agad ng bagyong Yoyong.  Naghatid itong pagbaha sa Bulacan noong unang linggo ng Disyembre. Ngunit ang pinakamalaking pinsala nito ay sa UATP.  Nabarahan ng mga troso, tipak ng bato at putikang 13-kilometrong tunnel kaya’t Marso pa lamang ng sumunod na taon ay mababa na ang tubig sa dam. Ang kontrata sa paglilinis at pagkukupuni  sa UATPay nasungkit ng CM Pancho Engineering Corporation.

2005 Pebrero 4 --Iniulat ng Manila Times na sinundan ng Mabuhay ang pagkalat ng mga itim na container sa kailugan ng Sitio Macua sa DRT na bahagi ng Angat dam reservoir. Ang mga itim na container ay pinaglagyan ng mga kemikal na ginamit ng Italyanong kontraktor sa pagbutas ng 130 kilometrong tunnel.

2007 Oktubre-Disyembre—Naging mainit ang mga sesyon sa Sangguniang Panglalawigan na ilang beses na inabot ng hating gabi at madaling araw hinggil sa usapin sa Bulacan Bulk. Ang usapin ay nakasentro kung iuurong o itutuloy ang demanda ng kapitolyo laban sa MWSS hinggil sa di pagbabayad ng national wealth tax. Sa huli,namayani ang kapanalig sa Sanggunian ni Gob. Mendoza at napagtibay ang kasunduan sa pagitan ng MWSS at Bulacan.

2009 Setyembre—Inilahad sa Sangguniang Panglalawigan ng Bulacan ni Dr. Renato Solidum, executive director ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na ang MWVF ay may 200 metro lamang ang layo sa dike ng Angat Dam at ito ay hinog na samuling paggagalaw.  Ayon kay Solidum, ang MWVF ay gumagalaw tuwing ika-200 hanggang ika-400 taon at noong 2009ay tapos na ang ika-200 taon kayat anumang oras ay maaaring gumalaw ito at lumikha ng lindol na may lakas na 7.2magnitude na posibleng sumira sa Angat Dam.  Dahil dito nagbabala si Solidum na “Bulacan must prepare for the worst.”

2009 Setyembre 25—Isang araw bago manalasa ang Bagyong Ondoy, sinabi  ng Provincial Disaster Coordinating Office (PDCRO) na nakahanda ang Bulacan sa malawakang kalamidad tuladng pagbaha.

2009 Setyembre 26—Nagbuhos ng malakas na ulang ang bagyong Ondoy sa Kalakhang Maynila na naging sanhi ng malawakang pagbaha; maging sa bahagi ng San Jose delMonte City, Bulacan at Rodriguez, Rizal  na naging sanhi ng malalim at biglang pagbaha sa mga bayan ng Sta. Maria, Bocaue, Balagtas, Marilao, Obando at Lungsod ng Meycauayan. Makalipas ang isang linggo, lumubog sa backflood ang Hagonoy at Calumpit.

2009 Setyembre 27—Sa agarang pulong ng Provincial Disaster Coordinating Council ng Bulacan (PDCC) isinalalim ang lalawigan sa state of calamity. Inamin din ni Gob. Joselito Mendoza na hindi handa ang Bulacan sa malawakang kalamidad.

2010 Hulyo –Naitala ang pinakamababang water elevation sa Angat Dam dahil sa El Nino. Ito ay bumaba sa 157 masl.

2011 Setyembre 27—Nanalasa ang Bagyong Pedring nanaging dahilan pagkaputol ng kuryente at pagbaha sa Hagonoy at Calumpit.

2011 Oktubre 1—Nasa kalaliman pang bahang hatid ng bagyong Pedring ay nanalasa naman ang bagyong Quiel na naghatid ng dagdag na pagbaha.  Isa sa sinisi sa pagbaha ay ang pagpapatapon ng Angat Dam ng halos 1,700 cms ng tubig.

2011 Oktubre 8—Galit na nagpahayag si Gob. Wilhelmino Alvarado sa palatuntunang Rommel Ramos Po sa radyo DWSS na pangungunanan niya ang pagsasampa ng kaso laban sa Napocor dahil sa paghabang hatid ng pagpapatapon ng Angat Dam ng tubig sa Angat river na sinisisi sa pagbaha sa Hagonoy at Calumpit.  Kinabukasan, ito ay nalathala sa bilang banner story sa pahayagang Philippine Star.

2011 Oktubre 10—Ipinatawag sa Malakanyang si Alvarado hinggil sa banta ng pagdedemanda laban sa Napocor. Ngunit naigiit niya ang agarang pagpapakumpuni sa Angat Dam.


2011 Nobyembre 11—Sa kauna-unahang pagkakataon, nakaharap ng pormal ni Alvarado ang dam safety expert na taga-Hagonoy na si Inhinyero Roderick Dela Cruz na nakabase sa California. Ipinakita ni dela Cruz ang kanyang presentasyon kay Alvarado na nag-alok na isasama siya sa Technical Working Group para sa Angat Dam Rehabilitation program.

2011 Nobyembre 11—Isinumite ni Kint. Marivic Alvarado anfg panukalang batas para sa national dam safety program sa Kongreso matapos ang isang privileged speech.

2011 Disyembre—Naglabas ng $1-M ang Power Sector Assets and Liabilities Management (Psalm)  para sa pagsasagawa ng feasibility study sa katatagan ng Angat Dam. Ito ay ipinagkaloob sa Tokin & Taylor International (T&T) at Engineering and Development Corporation of the Philippines (Edcop).

2012 Mayo—Nakumpleto ang feasibility study ng T&T at Edcop at kabilang sakanilang rekomedasyon ay ang agarang rehabilitasyon sa Angat Dam, pagtatayo ng auxiliary spillway at pagsasagawa ng site specific seismic study.

2012 Hunyo 21—Inihayag ni Arkitekto Gerry Esquivel, administrador g MWSS na nakahanda na ang P5.7-Bilyon piso para sa rehabilitasyon ng Angat Dam na magmumula sa pondo ng MWSS. Sinabi ni Esquivel na aabutin ng 42 buwan ang rehabilitasyon at ito at matatapos sa 2016.

2012 Oktubre—Kinatigan ng Korte Suprema ang pagwawagi ng Korea Water Resources Corporation (K-Water) bilang winning bidder sa pagsasapribado ng 246 megawatt na Arhepp.

2013 Pebrero—Makalipas ang mahigit anim na buwan, hindi pa nasimulan ang bidding para sa rehabilitasyon ng Angat Dam. Ngunit ayon sa MWSS, malapit na itong masimulan.

2013 Abril 4—Matapos ang exit presentation ni Inhinyero dela Cruz sa ilalim ng Balik-Scientist Programng DOST at nangako si Gob. Alvarado na isusulong ang dam safety legislation sa Sangguniang Panglalawigan.


2013 Agosto 30—Tiniyak ni MWSS Gerry Esquivel na mapipirmahan na I Pangulong Aquino ang dokumento para sa pagpapasubasta ng rehabilitasyon ng Angat Dam sa Disyembre 2013.

2013 Setyembre 2—Pormal na ipinagkaloob ng Psalm ang Certificate of Effectivity (CoE) sa K-Water bilang winning bidder sa pagsasapribado ng Arhepp.

2013 Setyembre 17—Humarap sa Sangguniang Panglalawigan si Inhinyero Dela Cruz dalawang araw matapos tumanggap ng Dangal ng Lipi award. Nagbigay siya ng presentasyon sa SP hinggil sa kahalagahan ng local legislation sa dam safety program. Pinaboran itong SP, pero hanggang ngayon ay wala pahg nabubuong panukalang batas.

2013 Oktubre 15—Niyanig ng malakas na lindol ang Bohol at Cebu. Ngunit ang higit na takot at tumining sa Bulacan partikular na kay Alvarado na nagsabing, “paano kung sa Bulacan nangyari yon?”

2013 September 15—Inilahad ng isang consultant ng MMDA samga mamamahayag na lumahok sa Lopez Jaena Journalism Fellowship on Disaster Reporting sa UP-Diliman na kung gagalaw ang MWVF at lilikha ng lindolna 7.2 magnitude, aabot sa 33,000 ang masasawi sa kalakhang Maynila, at posibleng magkaputol-putol sa 4,000 piraso ang aqueduct at pipelines ng MWSS, Maynila at Manila Water na maghahatid ng krisis sa tubig sa kalakhang Maynila.

2013 Oktubre 16—Nagpulong ang mga kinatawan ng MWSS, Napocor, National Irrigation Administration (NIA) at Bulacan sa Edsa Shangrila Hotel.  Sentro ng usapan ay kung sino ang magpapakumpuni gagastos sa pagpapakumpuni sa Angat Dam. Ito ay matapos ilahad ni Esquivel na bahagi ng kontrata ng K-Water ay ang paggastos ss isasagawang rehabilitasyon sa Angat Dam.

2013 Nobyembre—Isang mataaas na opisyal ng Napocor ang nagsabi sa Mabuhay na natakot si Esquivel na mademanda kaya iniurong ang P5.7-B pondo para sa pagpapakumpuni sa Anhat Dam. Ito ay dahil kung popondohan din ito ng K-Water, lalabas na doble ang gastos.

2013Nobyembre 8—Sinagasa ng super bagyong Yolanda ang Visayas, Mabuti na lamang at hindi nagbago ng direksyon dahil kung bahagyang kumanan ito sa Luzon, malaki ahg posibilidad naumapaw ang Angat Dam dahil noon ay 208 masl na ang water elevation nito, Kinabukasan, umangat sa 211 masl ang tibig sa Angat Dam.

2013 Nobyembre 12—Nagpulong ang mga kasapi ng Angat Dam and Dyke Safety Technical working Group sa La Mesa Dam sa Quezon City kung saan ay inihanda ang ipiprisintang Emergency Action Plan (EAP) sa Bulacan bilang paghahanda sa posibleng pagkasirang Angat Dam dahil sa lindol o bagyo.

2013 Nobyembre 12—Tiniyak ni Noel Ortigas, Executive Vice President ng EdCop na 50 hanggang 60 porsyento ng Bulacan ang maaapektuhanng posibleng pagkasira ng dam kapag luminddol ng malakas.  Sa paglilinaw sa kanya, sinabi ni Ortigas na hindi lahat ng may 3-M Bulakenyo aay mamamatay.  Sa halip ay tinataya niyang aabot lamang sa 100,000 ang mamamatay sa Bulacan.

2013 Nobyembre 28—Igiiit ni Gob. Alvarado na masyadong konserbatibo ang pagtaya ni Ortigas at nagpahayag siya ng pangamba na maaaring umabot 500,000 ang masasawi sa Bulacan. Inihalintulad pa niya ang posibleng pagkasirag Angat Dam sa pagsabog ng bombing nukleyar dahil sa posibilidadng dami ng masasawi.

2013 Disyembre 2—Pinangunahan ng PDRRMC ang pulong para sa pagsasagawa ng earthguak at dam break drillsa Bulacan.

2013 Disyembre 9—Orientasyon para sa mga mamamahayag at mga rescue groupna kalahok sa pagsasagaawa ng earthquake at Angat Dam Break Drill. Nsgsimula na ring ilabas ng PDRRMO ang mga flood o inundation map para sa mga bayang apektadong dam break.


2013 Disyembre 13—isinagawa ang Earthquake at Dam Break Drill sa Lungsod ng Malolos na nilahukan ng may 12,500 mag-aaral at mga kawani ng gobyerno.

Bago matapos ang nasabing drill,hindi kayat din ang bawat bayan at lungsod sa Bulacan na maghanda ng sariling EAP at magsagawang sariling dam break drill. Dino Balabo

Saturday, December 21, 2013

Ligtas ang Angat Dam sa katatapos na lindol, Bulakenyo nabahala







MALOLOS—Tiniyak ng mataas na opisyal ng National Power Corporation (Napocor) na ligtas at walang naging sira ang Angat Dam matapos maramdaman sa Bulacan ang magnitude 4.9 na lindol noong Miyerkoles ng gabi, Disyembre 18.

Ikinabahala naman ito ng maraming Bulakenyo, kahit na ang ilan ay nagsabing hindi nila naramdaman ang nasabing lindol na ang sentro ay natukoy sa San Quintin, Pangasinan, ganap na alas-10:46 ng gabi noong Miyerkoles.

Ang paglindol ay naganap limang araw matapos isagawa ang pinagsamang earthquake at Angat Dam break drill sa lungsod ng Malolos noong Biyernes, Disyembre 13.

Layunin ng nasabing drill ay mapataas ang kaalaman at kahandaan ng mga Bulakenyo sa posibilidad ng pagkasira ng Angat Dam na maaaring ihatid ng lindol na may lakas na 7.2 na lilikhain ng napipintong paggalaw ng Marikina West Valley Faultline.

Ayon kay Inhinyero Rodolfo German, walang naging epekto sa 45-taong gulang na Angat Dam ang lindol noong Miyerkoles ng gabi.

Si German ay ang general manager ng Angat River Hydro Electric Power Plant (ARHEPP) ng Napocor na siyang namamahala ng Angat Dam sa bayan ng Norzagaray, Bulacan.

Dahil dito, sinabi niya na hindi na rin kailangang magsagawa ng pagsusuri sa Angat Dam.

”Maliit lamang yung intensity na yun para magkaroon ng effect at isagawa ang assessment,” sabi ni German sa panayam ng Mabuhay sa telepono noong Huwebes, Disyembre 19.

Idinagdag pa niya na hindi dapat katakutan ang lindol noong Miyerkoles dahil sa ito ay malayo sa tinatayang magnitude 7.2 na lindol na ihahatid ng paggalaw ng MWVF.

Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), umabot sa magnitude 4.5 ang nasabing lindol.

Ngunit batay sa ulat ng United States Geological Survey sa kanilang website, ang lindol ay may lakas na 4.9 manitude.

Ang lindol ay naramdaman sa mga lungsod ng Caloocan, Mandaluyong, Dagupan, Baguio at bayan ng Binalonan, Pangasinan na may lakas na intensity 3; samantalang ang intensity 2 ay naramdaman sa mga lungsod ng Quezon, Pasig, Taguig, Gapan, Pasay, Cabanatuan, Palayan,  at mga bayan ng Pantabangan sa Nueva Ecija, at sa Baler , Aurora.

Naramdaman din ito sa Bulacan na ipinangamba ng maraming Bulakenyo dahil sa katatapos lamang ng pagsasagawa ng earthquake at Angat Dam break drill.

Layunin ng nasabing drill na mapalawak ang kaalaman at kahandaan ng mga Bulakenyo sa posibilidad ng malakas na lindol na maaaring sumira sa Angat Dam na maghahatid ng pagragasa ng tinatayang mahigit sa 800-Milyong kubiko metro ng tubig mula sa Angat Dam.

Marami sa mga Bulakenyo ang nagpahayag ng kanilang pangamba sa pamamagitan ng social media partikular na sa fan page ng Mabuhay Newspaper Bulacan.

Isa sa nakapanayam ng Mabuhay ay si Dante Orillos ng Leighbytes Conputer Center sa  Crossing ng Malolos.

Ayon kay Orillos, nagulat siya ng bilang umuga ang lupa at kinabahan.

Ito ay dahil sa posobilidad na masira ang Angat Dam.

Sa kabila naman na hindi naramdaman ng ibang Bulakenyo ang lindol ay nangamba rin sila matapos itong mabalitaan kinabukasan.

Kabilang sa kanila ay sina Sol Santos, Eric Regalado, Jeff Lobos at Katricia Carlos.

Nagpahayag sila ng takot ngunit nagpasalamat din dahil hindi nasira ang Angat Dam. Dino Balabo

Pagkukumpuni sa Angat dam, masisimulan daw sa 2014





MALOLOS—Inaasahang masisimula sa susunod na taon ang pagkukumpuni sa Angat Dam matapos maisalin ang isasapribadong bahagi nito sa pamamahala ng Korrean Water Resources Corporation (K-Water) sa unang bahagi ng 2014.

Ngunit ang pahayag na ito ay posibleng hindi matuloy ayon sa naunang pahayag ng isang dam safety expert dahil mahaba pa ang prosesong dadaanan ng pagsasapribado at pagkukumpuni sa dam.

Sa isang pahayag na inilabas noong Disyembre 9 ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (Psalm), kabilang sa obligasyon ng K-Water ang pagsasagawa ng mandatory rehabilitation sa dam.

Ang K-Water  ay isang kumpanyang Koreano na nagkamit ng kontrata para pamahalaan ang bahagi ng 218 megawatt ng isinasapribadong Angar River Hydro Electric Power Plant (Arhepp)).

Ang Arhepp ay ang bahagi ng Angat Dam na ginagamit sa paglikha ng kuryente sa pamamagitan ng mga turbinang pinatatakbo ng tubig mula sa dam.

“Under the Angat HEPP operation and maintenance (O&M) agreement, K-Water has the obligation to perform the mandatory rehabilitation activities to make Angat dam and its related facilities conform to international standards,” sabi ni Emmanuel Ledesma, pangulo ng Psalm.

Nilinaw ni Ledesma na ang pagsasagawa ng pag-aaral sa katatagan ng Angat Dam ay isinagawa bago pa ipagkaloob ng Psalm ang kontrata sa K-Water.

Iginiit pa niya na maaaring gamitin ng K-Water ang mgas naunang pag-aaral hinggil sa katatagan ng  Angat Dam, at maaari din itong magsagawa ng sariling pag-aaral para sa pagbuo ng pinal na disenyo para sa pagpapatibay sa dam.

“K-Water under the O&M agreement for the non-power components, however, can engage the services of at least two independent consultants to conduct its own study,” sabi ni Ledesma.

Ayon pa sa pahayag ng Psalm, sinab i naman ni Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) administrator Gerardo Esquivel na, “Angat dam and dyke rehabilitation is one of the key infrastructure projects of the government which we’re hoping will start next year through K-Water.”

Ito, ayon kay Esquivel ay matapos magpulong ang mga kinatawan ng MWSS, PSALM, National Power Corp., K-Water  at pamahalaang panglalawigan ng Bulacan noong Nobyembre 20 hinggil sa implementasyon ng panukalang rehabilitasyon sa dam.


Ayon kay Esquivel, isinasapinalna nila ang mga iskedyul samantalang bumubo na ng modelo ng Angat Dam ang K-Water sa kanilang laboratoryo sa Korea.

Ang scale modeling dam ay inaasahang matatapos ngayong Disyembre, at pagkatapos nito ay magsasagawa ng pagsusuri ang K-Water sa mga impormasyong naipon na inaasahang matatapos sa Marso 2104.

“We already gave them a Tonkin and Taylor study. So using this study and their laboratory and whatever independent studies they have, then we’re ready to proceed with the project,” sabi ni Esquivel.

“So we hope in the middle of next year, they already have an actual method that will be used in the rehabilitation and the project will already start by then,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Esquivel, ang pagbuo ng disenyo at pagsasagawa ng rehabilitasyon sa dam ay tatagal ng 42 buwan.

Una rito, sinabi ni Inhinyero Roderick Dela Cruz, isang Bulakenyong dam safety expert na nakabase sa California na kung ang K-Water ang gagastos sa pagpapatibay sa Angat Dam ay maaaring matagalan ito.

Sinabi ni Dela Cruz na metikuloso ang mga K-Water dahil may sarili itong mga dalubhasa sa pag-aaral sa dam.

“May posibilidad na hindi gamitin ng K-Water ang pag-aaralna isinagawa ng Tonkin & Taylor dahil mas sanay silang gumawa ng pag-aaral sa dam,”sabi ni Dela Cruz patungkol sa anim na buwang feasilibity study sa katatagan ng dam.

Nilinaw niya na maikli ang anim na buwang  ginugol ng Tonkin & Taylor sa pagpaaral, at inihalimbawa na sa Estados Unidos, umaabot sa tatlong taon ang pag-aaral sa dam bago simula ang rehabilitasyon.

Isa sa binigyang pansin ni Dela Cruz ay ang kawalan ng site specific seismic study sa isinagawang pag-aaral ng Tonkin and Taylor.

Ang site specific seismic study sa Angat Dam ay lubhang mahalaga upang matukoy kung gaano kalakas ang lindol na ihahatid ng paggalaw ng MWVF.

Ayon pa kay Dela Cruz isinasaad ng Terms of Reference sa nasabing feasibility study na ang pangunahing dahilan ng pag-aaral ay upang matukoy ang katatagan ng dam.

Ngunit ayon kay Noel Ortigas, Executive Vice President ng Engineering and Development Corporation of the Philippines (Edcop), hindi sila nagsagawa ng site specific seismic study dahil nasasagawa na ng pag-aala ang Philippine Institute of Volcanology and Sesimology (Phivolcs) sa kahabaan ng MWVF.

Ito naman ay kinumpirma ni Inhinyero Romualdo Beltran ng Napocor Dam Management Division ng kanyang sabihing ngsasagawa ng trenching study ang Phivolcs sa MWVF.

Gayunpaman, sinabi ni Dela Cruz na gamitin man ng K-Water ang pag-aaral ng Tonkin and Taylor at Phivolcs, magsusuri pa rin ang K-Water upang matiyak ang katatagan ng dam.

Kasunod nito ay ang pagbuo ng disenyo at aktwal na rehabilitasyon.  Dino Balabo

Bida ng Paskong Pinoy: Si Hesu-Kristo o Komersyalismo?






“Di alintana kung walang pera, basta’t tayo’y magkakasama. Ibang-iba talaga ang Pasko sa ‘Pinas.”

Linya ito mula sa isang awiting pamasko na nagsasabing hindi materyal na bagay ang sentro ng selebrasyon ng Pasko ng mga Pilipino.

Ngunit ilang araw na lamang bago magpasko, siksikan na ang mga mamimili mula sa malalaking malls hanggang sa mga pamilihang bayan. Tuwing pasko rin ay nagtataas ang mga bilihin dahil mataas ang demand para sa mga produktong bida kapag pasko tulad ng hamon at queso de bola. At ang mga simbolo at tradisyon tuwing pasko, ayon na rin sa ilang pari, ay nababago na din dahil sa komersyalismo.

Kaya naman bago sumapit ang araw ng pasko, sino nga ba talagang ang bida ng paskong Pinoy? Si Hesu-Kristo o ang Komersyalismo?

Ang parol halimbawa ay nabago na ang hugis at itsura sa paglipas ng panahon at ang itinuturong dahilan ay ang pagnanais ng mga negosyanteng mas kumita at mas maging mabenta.

"Ang parol ang nagpapaalala sa atin ng pagdating ng Messias. Ang mga bagong disenyo ay bunga na lamang ng komersyalismo," ani Rev. Fr. Romualdo Go.


Mula sa original na disenyo ng Pilipinong artisan na si Francisco Estanislao, ang sinaunang parol na hugis tala ay gawa lamang sa manipis na kahoy ng kawayan na binabalutan ng makukulay na papel de hapon. Ngayon ay hindi na lamang limang-kantong tala ang hugis ng parol at may mga makukulay na ilaw na ring nakakabit dito.

Ayon kay Go, na mula sa Diocesis ng Malolos, lumilikha ng iba't-ibang hugis at gumagamit ng bagong materyales ang mga manggagawa ng parol upang sila ay mas kumita.

“Likas na malikhain ang mga Pilipino kaya naman para mas mabili ang parol ay ginawan na ito ng iba’t ibang hugis at disenyo,” paliwanag ni Go.

Maliban sa parol, ang ilang kaugalian din tuwing pasko ang nagiging patungkol na lamang sa materyal na bagay at hindi na tungkol sa pananampalataya sa Diyos na dapat na syang sentro ng Pasko ayon kay Archbishop Socrates Villegas.

Sa isang panayam, sinabi ni Villegas na nalilimutan na ang tunay na diwa ng pasko at itinuturing na lamang itong long weekend holiday, pista ng makukulay na Christmas lights, panahon ng mga bargain sales at street market at kaliwa’t kanang bigayan ng bonus at party.

Ayon naman kay Daisy Balatbat, kagawad ng baranggay sa Hagonoy, hindi na dapat maging komersyal ang pasko pagkatapos ng bagyo at lindol na naganap sa bansa.

“Noon talaga karamihan puro materyal na bagay ang focus ng tao pero ngayon dapat hindi na lalo na ngayon na madami tayong pinagdaanang sakuna,” ani Balatbat.

Hindi man daw maiaalis ang materyal na bagay tuwing pasko, maari naman daw gawing mas simple ang handa at regalo.

“Kung babalikan natin yung totoong meaning ng kapaskuhan, hindi naman talaga dapat magarbo (ang pagdiriwang ng pasko), dagdag pa niya.

Sinang-ayunan ito ni Ma. Conchita Lopez, labing-pitong taon ng tagapanguna ng isang kristiyanong iglesya sa Malolos.

“Sa katunayan napakatahimik at simpleng-simple lamang ang unang pasko,” ani Lopez.

Ayon pa sa kanya, marahil ay nagmula ang pagbibigay ng regalo at materyal na tuwing pasko sa ginawang pag-aalay ng tatlong pantas sa sanggol na si Hesus.

Ngunit binigyan niya ng diin na hindi materyal na bagay lamang ang maaaring ibahagi ng bawat Pilipino sa kanilang kapwa tuwing panahon ng kapaskuhan.

“Sana maunawaan ng bawat isa na hindi lamang Aguinaldo ang maaring ibigay at hindi lamang sa pasko maaaring magbigayan,” ani Lopez.

Nararapat lamang daw na katulad ng Diyos, na tunay na bida ng selebrasyong kapaskuhan, araw-araw ay dapat na magbigayan ng kapatawaran at kapayapaan ang bawat Pilipino.

“Dahil ang Diyos arawaraw tayong binibigyan ng pag-ibig, kapayapaan at kagalingan dahil para sa Diyos, araw-araw ay pasko,” dagdag niya. Rosemarie Gonzales